Ni: San Antonio, Jomar M.
SA layunin na malagpasan ang world record, 245 thrill seekers ang sabay-sabay na tumalon sa isang tulay sa Hortolandia, Brazil na may taas na 98-talampakan habang nakatali sa safety cord.
Tinatawag na rope jumping ang makapigil-hiningang stunt at ang lahat ng sumali ay siniguradong nakasuot muna ng helmet at may matibay na safety cord na gawa sa nylon rope. Tinalo nila ang nakaraang record na binubuo lamang ng 149 katao.
Kakaiba ang rope jumping kumpara sa bungee jumping dahil di tulad ng bungee jumping, hindi kailangan ng tao na magpatalbog-talbog sa ere bagkus ay maglalambitin lang sila gaya ng isang pendulum.
Ayon kay Alan Fereira, 400 tao ang nagtulung-tulong upang maisagawa ang stunt kung saan pinaghandaan nila ito ng ilang buwan upang magawa ang setup ng mga bolts at pulleys na gagamitin.