Ni: Quincy Joel Cahilig
MARAMI sa mga kababayan natin sa Metro Manila, Bulacan, at Pampanga ang “bakasyon mode” sa kanilang long weekend dahil idineklara ng Malacanang na special (non-working) days ang Nobyembre 13 to 15 sa mga nabanggit na lugar para lumuwag-luwag ang daloy ng trapiko sa mga lansangang dadaanan ng mga country leaders at mga delegado mula Clark Airport hanggang sa mga sa mga lungsod ng Manila at Pasay para sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) Summit.
Kabilang sa mga paghahanda ang 15-day gun ban sa National Capital Region, Central Luzon, at Southern Tagalog na ipinatutupad ng Philippine National Police mula Nobyembre 1 to 15 upang masiguro ang seguridad ng mga dadalo sa naturang pagpupulong.
Bagamat itinuturing ng ilan na “vacation time”, sa katunayan ay isa itong napakahalagang at makabuluhang okasyon at malaking karangalan para sa Pilipinas, sa pangunguna ng Pangulong Rodrigo Duterte, dahil nasa atin ngayong taon ang ASEAN Chairmanship kung kailan ipinagdiriwang ang ika-50 na founding anniversary ng ASEAN, na may temang “Partnering for Change, Engaging the World,” na tila sumasalamin din sa layunin ng kasalukuyang administrasyon na magpatupad ng pagbabago, gayundin ang pagnanais na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga bansang kaalyado.
Ang ASEAN ay organisasyon ng mga bansa sa Asya na itinatag noong 1967, na binubuo ng Indonesia, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand, Brunei Darussalam, Vietnam, Lao’s People’s Democratic Republic, Myanmar, at Cambodia. Ayon sa ASEAN Declaration, layunin ng ASEAN na mas pabilisin ang pag-unlad ng ekonomiya, lipunan, at kultura sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapalitan ng yaman at kaalaman sa transportasyon, agrikultura, pagnenegosyo, at komunikasyon; at ang pagsusulong ang mapayapang relasyon sa pagitan ng mga bansang kaanib, alinsunod sa prinsipyo ng United Nations Charter.
Inaasahang dadalo sa naturang pagtitipon si United Nations Secretary-General Antonio Guterres at ang mga lider ng mga bansang Canada, Australia, Japan, New Zealand, South Korea, China, Russia, India, the European Union, at United States of America.
Isang prayoridad ngayong ASEAN Summit ay ang makapagbalangkas ng mga panuntunan kung paano mas mapapaunlad ang mga micro-, small-, and medium-sized enterprises (MSME) at ang malalaking kumpanya. Bilang isang rehiyon na may malaking economic potential, na may populasyon na 625 milyon, ang large corporations at mga MSME sa South East Asia ang tinukoy na “key drivers” sa paglago economiya sa rehiyon. Batay sa mga reports, mas tumatatag ang mga ekonomiya ng mga bansang kasapi sa ASEAN habang lumalago ang mga negosyo dito.
Sa kasalukuyan, 96 porsiyento ng share sa ASEAN market ay binubuo ng mga MSME na nagbibigay ng mula 50 hanggang 80 porsiyentong domestic employment o mga trabahong pinakikinabangan ng milyun-milyong pamilya. Subalit marami sa mga small and micro entrepreneurs ang umaaray sa hirap na makapagpundar ng kapital at sapat na pondo para matugunan ang mga requirements para makapagsimula at makapagpatuloy sa pagnenegosyo.
Pero para sa mga hindi naman negosyante, meron bang halaga ang ASEAN sa buhay nila?
Meron. Hindi nga lang nila alam.
Ito ang bagay na tila ikinalulungkot ni Melito Salazar, Jr., dating pangulo ng Management Association of the Philippines at kasalukuyang dean ng School of Accountancy and Management ng Centro Escolar University—ang di pagkaalam ng maraming Pilipino, lalo na ng mga nasa lalawigan, patungkol sa ASEAN.
“It is however, sad to note that the level of knowledge and understanding of the Filipinos of ASEAN is less than that of our neighbors. This is a product of years of cursory attention given to the dissemination of ASEAN developments by the government and even the Philippine mass media,” wika ni Salazar.
Aniya, bagama’t mayroong mga advertisements sa Philippine media ang ASEAN ay hindi kalakihan ang impact ng mga ito kumpara sa ginagawa sa mga ASEAN countries tulad ng Thailand, Indonesia, at Malaysia kung saan naglalaan ng segment ang kanilang mga news programs sa telebisyon para makapagreport tungkol sa kanilang kapwa ASEAN countries.
Ipinunto din ni Salazar na malaki talaga ang nakukuhang benepisyo ng mga ordinaryong mamamayan mula sa ASEAN kaya dapat itong malaman at maunawaan ng sambayanan.
“In the countryside where the impact of ASEAN will be the greatest, there is little appreciation of the tremendous opportunities and challenges that ASEAN is bringing. Many Filipinos are not aware that the K to 12 Program is one way of levelling up Philippine education to match that of our ASEAN counterparts so that the Philippines can fully benefit from the free flow of human resources. Other reforms like tax reforms will improve our business competitiveness vis-à-vis other ASEAN enterprises and the consolidation of the Philippine banking system will ensure our ability to participate meaningfully in the free flow of capital.
Parte rin ng mga nabanggit na benepisyo ay ang ASEAN Free Trade Area na nagtaas sa antas ng kompetisyon sa mga suppliers at distributors sa rehiyon. Ito ang nagbigay daan para sa mga Filipino consumers na makapamili ng mga produktong dekalidad sa mas murang halaga. Kasama rin ang mga sumusunod: opportunidad para sa mga estudyante na makapag-cross-enroll sa 10 ASEAN countries, proteksyon ng mga yamang dagat, visa-free travel assistance, at ang mga tulong para sa mga nasalanta ng mga kalamidad.
Pinuri naman ni Salazar ang mga hakbangin ng Duterte Administration na ilapit sa mga lalawigan ng nakaraang Asia-Pacific Economic Cooperation meetings sa mga key centers sa mga lalawigan, gaya ng Bacolod City. Sa pamamagitan ng mga ganitong paraan ay nakikita ng ibang mga bansa ang pag-asenso ng pamumuhay sa rural areas at mas naiintindihan nila ang kultura ng Pilipinas. Kaya iminumungkahi ng naturang business expert na magkaroon din ng mga ASEAN meetings sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa mga susunod na pagkakataon upang mas maunawaan ito ng masa.