Pinas News
ILANG taon nang pinag-usapan ang usad pagong na internet speed ng bansa ngunit tila pagong din ang pag-usad ng pagtugon dito.
Nananatili sa maraming taon ang balitang ang Pilipinas ay isa sa may pinakamabagal na koneksyon sa internet. Nito lamang unang araw ng buwan ng Nobyembre sinabi ng OpenSignal, isang mobile network research firm, na mahina ang uri ang takbo ng speed at availability of long-term evolution (LTE) connection ng bansa. Ito ay ayon sa “State of the LTE Report” para sa November,2017 ng naturang kumpanya.
Nasa ika-74 ang bansa sa 77 mga bansa sa larangan ng 4G speed. Ang 4G o ang fourth generation mobile internet technology, ay kasalukuyang pamantayan para sa mobile network connectivity na may bilis na sampung beses kaysa sa sinundan nito.
Ayon sa OpenSignal, karaniwang nasa 8.24 Mbps ang download speed ng bansa bumagal mula sa 8.59 Mbps sa report nito nakaraang buwan ng Hunyo.
Kung titingnan natin ang mga nangungunang bansa sa average download speed, kagaya ng Singapore, South Korea, at Norway na may bilis na 46.64 Mbps, 45.85 Mbps, at 42.03 Mbps ay sobrang nakadidismaya ang internet speed ng ating bansa.
“I tried to test the speed of Philippine (internet). It’s not good,” wika pa ni Jack Ma, tagapagtatag ng The Alibaba Group nang magsalita ito sa harap ng mga mag-aaral sa De La Salle University.
Nakadidismayang ang ating bansa ay kinokontrol ng dalawang kumpanya na nagbibigay ng mabagal at napakamahal na serbisyo ng internet sa mundo. Ang halaga ng bawat megabit per second sa bansa ay nasa karaniwang $18.18 habang sa global average ay nasa $5.21 lamang.
Dapat lamang na magsilbing ‘wake-up call’ ang komento ng internet mogul na si Ma para sa mga naturang kumpanya — ang PLDT at Globe upang paigihin ang kanilang serbisyo ayon sa pinangako ng mga ito matapos na makamit ng mga ito ang 700-megahertz spectrum mula sa San Miguel Corp. nakaraang 2016.
Gayunpaman, maaaring may ibang pamamaraan pa ang industriya at ang pamahalaan upang mas mapaigi ang internet speed.
Isa rito ang pagbukas ng merkado sa karagdagang ‘players’ na magbubunsod ng maraming pagpipilian, mas kalidad at abot-kayang serbisyo sa mga konsyumer.