DINADALA sa ibang bahagi ng Pilipinas ang mga produktong ATM ni Raymond.
Ni: San Antonio, Jomar M.
USONG-USO sa panahon ngayon ang mga vending machines. Bakit nga ba hindi? Convenient, practical, at higit sa lahat mura. Sa Japan, mayroong 5.52 milyong vending machines at sinasabing sila ang may pinakamaraming uri ng ganitong produkto mula sa mga inuming de-botelya hanggang sa mga pagkain na ready-to-eat.
Ngunit hindi papahuli ang Pilipinas sa pagiging malikhain. Lumalagong negosyo ngayon ang vending machines na tatak-NoyPi. Nandiyan ang mga videoke machines, PisoNet, coin-operated, car wash at kung anu-ano pa na huhulugan lamang ng barya ay maglalabas na ng serbisyo o produkto na kailangan mo.
Ngunit ang isa sa pinaka-kahanga-hangang imbensyon ng Pinoy na vending machine ay ang Automatic Tubig Machine o ATM. Isa itong bersyon ng vending machine na hinuhulugan lamang ng barya ay maglalabas na ng tubig na maaaring inumin. Hango ito sa Automatic Teller Machine (ATM) na nilagyan ng kakaibang Pinoy twist. Sa halip na pera ay tubig ang iyong makukuha! Kung iisipin ay water dispenser ito na may slot machine.
Bakit nga ba magandang negosyo ang ATM? Kilalanin ang isang manufacturer nito na ibinuhos ang oras niya upang mabuo ang konsepto at maisakatuparan ang noon ay parte lamang ng kanyang munting pangarap na hanapbuhay.
Siya ay si Raymond Francisco, ang nagmamay-ari ng A and Z Vending Machine na matatagpuan sa J. De Veyra St.,Mabolo, Cebu City. Sa kasalukuyan, dalawang taon nang tumatakbo ang kanyang kakaibang negosyo sa kabisayaan at ito ang pinambubuhay niya sa kanyang pamilya.
“Nagsimula ako sa ganitong negosyo dahil ito ang alam ng kakayanan ko. Almost two years na rin ako sa business kong ito at masasabi ko na ang tanging inpirasyon ko upang palaguin ito ay ang pamilya ko,” ika ni Raymond na may dalawa ng maliliit na anak. “Marami na ring dumaan sa negosyo ko na mga pagsubok… ups and down kumbaga na normal lang naman sa isang negosyo. Dumating na rin ako sa punto na halos di ko na kaya pero lagi namang nandiyan yong asawa ko at lagi niya akong ginagabayan.”
Nagtapos si Raymond ng BS Electronics Engineering na siyang isang malaking dahilan kung bakit nais niya ng ganitong klase ng negosyo. Sa kanyang pagkukutingting ay pinatunayan niya na may ibubuga siya sa ganitong industriya. “Napakalaking tulong sa natapos kong kurso. Nagamit ko ang aking pinag-aralan sa nais kong negosyo kung kaya naman masaya ako ngayon kasi hindi nasayang ang lahat. Kung hindi ako nag-aral ng electronics eh wala siguro ako dito. Syempre hindi ko sana alam kung papaano gagawin ang ATM. Buti na lamang at ito ang naging negosyo ko.”
Kung bakit magandang gawing negosyo ang ATM ay dahil maliit lamang ang kapital nito. Ayon kay Raymond, “Ang puhunan ko lamang po sa isang unit ay humigit kumulang Php. 7,000 para sa isang outdoor na unit at ang kinikita ko naman po bawat isa ay 2500.” Bilang manufacturer nito, tunay namang pinapatunayan ni Raymond na de-kalidad ang pagkakagawa niya sa mga ATM na ibinebenta niya sa ilang bahagi ng Cebu at kabisayaan sa pamamagitan ng Online Selling.
“Sa ngayon, medyo bago pa lamang ako sa ganitong negosyo at ang estado ng negosyo ko’y hindi pa katulad ng sa iba na malalaki na. Ako lamang kasi ang gumawa ng lahat ng trabaho at wala pa akong tauhan. Online pa lang din ako nagbebenta.”
Kung kaya naman doble-kayod ang 27-taong ama para sa kanyang pamilya. Humarap man sa mga pagsubok ng pagtatayo ng negosyo, pinatunayan pa rin niya na kaya niya itong mapaunlad sa tulong ng sipag, tiyaga, lakas ng loob, at tiwala sa sarili at para sa mga taong nakapaligid sa kanya. Pasasaan pa at lalaki din ang kanyang negosyo gaya ng kanyang pinapangarap.
“Pangarap ko sa negosyo ko na itinayo ko mula sa dugo at pawis na sana’y lumaki pa… Pangarap ko din na mai-display pa ito sa karamihan kasi alam ko at mapapatunayan ko na pulido at matibay ang mga ginagawa kong produkto.”
AYON din kay Raymond, bilang supplier ng ATM sa mga nagnanais na bumili ng kanyang mga produkto, magandang gawing negosyo ito dahil maliit lamang ang kapital na kakailanganin sa isang unit na siguradong kikita agad. Wala ka ring kailangang empleyado para magmando ng iyong pwesto kung kaya naman maiiwasan ang mga nakawan na maaaring gawin ng iyong trabahador. Ikaw na mismo ang gagawa ng trabaho nila dahil madali naman itong gawin.
Bukod pa rito ay maliit lamang ang espasyo na kailangan para itayo ito gaya ng isang tipikal na vending machine na kahit itayo mo lamang sa harap ng bahay mo ay okay na: panigurado na mas mura pa ang iyong distilled water na 24/7 ay maaaring hulugan ng barya at makakainom ka na nito. Ayon din kay Raymond, magandang kapartner ng mga water refilling stations ang ganitong ATM na pwedeng dalhin sa iba’t bang lugar na hindi agad kayang abutin ng mabilis na delivery. Paniguradong mababawi mo agad ang iyong puhunan sa ganitong negosyo.
“Sa mga taong gustong mag negosyo ng ganito bilang manufacturer, siguraduhin niyo lang na may sapat kayong kakayanan at kapag iyong unit na ginawa niyo ay magkaproblema, maaaksyonan niyo agad na ma-repair. Mahirap mag-umpisa at dapat talaga may alam na din kayo kung paano umiikot ang ganitong negosyo pero sa simula lang mahirap. Ipagpatuloy niyo kung nais niyo talaga ng ganitong pagkakakitaan dahil ako na ang magsasabi—sulit ang dugo at pawis basta para sa pamilya niyo.”