PINAS

BATA, SAFE KA BA?

Ni: Quincy Joel V. Cahilig

ANG Pilipinas ay isa sa mga bansang may napakalaking bilang ng internet users. Tinatayang nasa 60 milyon o 58% ng kabuuang populasyon ang gumagamit ng internet sa bansa, at umaabot sa siyam na oras kada araw ang ginugugol ng mga Pinoy sa iba’t ibang aktibidad online.

Malaking porsyento rin ng mga gumagamit ng internet ngayon ay mga kabataan. Nakakabit na sa lifestyle ng bagong henerasyon ang naturang modernong teknolohiyang nakapag-uugnay sa mga tao saanmang sulok ng mundo. Karamihan ng aktibidad, impormasyon, at libangan ngayon ng mga kabataan ay nasa world wide web: research, social media, online games, music at video streaming.

Pero paano kung ang bagay na lubhang mahalaga sa buhay nila ay maari rin maging daan sa kanilang kapahamakan?

ESTADO NG ONLINE CHILD ABUSE SA PINAS

Aminado ang mga awtoridad na malaking problema sa bansa ang mataas na bilang ng mga kabataang nabibiktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso at karahasan.

Umabot sa 2,147 ang kaso ng child abuse ang naitala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)  noong nakaraang taon, ¼ sa mga ito ay pang-aabusong sekswal.

At lalo pang lumalaganap ang ganitong uri ng krimen gamit ang internet.

Ang Pilipinas ay tinuturing na isa sa mga bansa sa Asia-Pacific na apektado ng online child abuse. Isa ito sa mga pangunahing pinanggagalingan ng child pornography materials na ginagawa sa pamamagitan ng livestream at webcam.

Ayon sa global study ng UNICEF-IPSOS, 8 sa 10 Pilipinong bata ang nanganganib sa online sexual abuse at bullying; samantalang 5 sa 10 bata ang naniniwalang maaaring may kakilala silang sangkot sa mga ilegal na gawain.

Nakapanlulumong isipin na may mga kaso rin kung saan mga mismong mga magulang pa nila ang nagtutulak sa kanila sa naturang maling gawain upang sila ay pagkakitaan.

Ang kadalasang kalakaran: inaalok ng mga child molester ang mga operator ng cybersex dens ng bayad para magpalabas ng sexual activities tampok ang mga bata sa harapan ng camera o webcam show. May mga pagkakataon pa na magulang pa ng mga biktima ang nagtutulak sa kanila sa naturang kahalayan sa halagang $3 o P150 kada bata.

Batay sa ulat ng Terre des Hommes, umaabot sa 75,000 ang bilang ng child predators online, at marami sa kanila ang naghahanap ng mga batang Pinoy na mabibiktima.

Samantala, tinataya naman ng grupong Plan International Philippines na umaabot 100,000 na mga menor de edad ang nahuhulog sa prostitusyon kada taon dahil sa madaling pagsasagawa ng bentahan ng laman sa pamamagitan ng malalaking websites at social media.

We’re not just looking at traditional websites were you can find pornography. You would expect that that is where abuse happens, but we found that it also happens on regular Internet spaces like Facebook, on Tinder, on Craigslist…even on OLX. You have children selling themselves online that way,” inilahad ni Paulene Santos, campaign and advocacy specialist ng Plan International Philippines.

SAMASAMANG PAGKILOS KONTRA CHILD ABUSE

Batid ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni  Director General Ronald Dela Rosa, ang matinding problema ng child abuse sa bansa. Kaya naman mas pinaiigting ngayon ng pulisya ang kampanya nito kontra anumang uri ng pangaabuso sa mga kabataan, sa tulong ng iba’t-ibang organisasyon at sektor ng lipunan.

“Agresibo hindi natatakot ang pambansang pulisya, partikular ang Women and Children Protection Center (WCPC) sa pagsasagawa ng mga kampanya at operasyon para labanan ang iba’t-ibang krimen at pang-aabuso sa mga kababaihan at mga bata,” pahayag ni Dela Rosa.

“Malaking tulong sa hakbanging ito ang patuloy na pagsusumikap ng ating pamahalaan na maitaguyod ang mga serbisyo at programa na nagbibigay protesyon lunas at katarungan sa mga kababaihan at batang nakakaranas ng karahasan, maging ang suportang ipinagkaloobn ng iba’t ibang trupo ahensya at indibidwal para sa kampanyang ito.”

Dagdag pa ni “General Bato”, patuloy ang pagbalangkas ng WCPC ng mga operational handbooks kontra human trafficking upang mas mapabilis at mas maging organisado ang pagpapatupad ng batas, katuwang ang mga counterparts gaya ng International Justice Mission, Federal Beureau of Investigation, at Australian Police.

Kamakailan, inilunsad ng Council for the Welfare of Children (CWC), PNP, at humanitarian group na Rotary ang isang kampanyang naglalayong proteksyunan ang mga kabataan mula illegal drugs at iba pang uri ng pangaabuso na binansagang “Pito Bata Pito! A Call 4 Help” project, kung saan magpapamigay ng mga pito (whistle) sa mga bata sa buong bansa upang magamit sa oras ng panganib.

“It’s really empowering themselves to be strong to be brave to be courageous and not to worry,” wika ni Rotarians Against Child Exploitation Board Member Bing Carreon. Aniya, maliban sa pito, layunin din ng naturang programa na turuan ang komyunidad ng tamang pagtugon sa mga sitwasyon ng child abuse.

Naglunsad din ang Department of Education (DEPEd) at ang University of the Philippines Manila ng programang magpapaigting sa kakayahan ng mga guro, school administrators, at guidance counselors sa pagtulong sa  mga estudyanteng nakaranas ng pang-aabusong sekswal. Ito ang Safe Schools for Teens, isang website kung saan maaring makapag-training patungkol sa 4Rs of child abuse prevention: recognize, record, report, at refer.

Ang pagresolba sa problema ng child abuse ay nakaatang hindi lamang sa balikat ng gobyerno at pulisya kung di sa lahat ng miyembro ng lipunan. Ayon kay UNICEF Representative to the Philippines Lotta Sylwander. upang masugpo ang mga pangaabuso, kinakailangang magkaroon ng wastong kaalaman ang bawa’t mamamayan patungkol sa naturang isyu, na sumisira kalusugan, kaisipan, at kinabukasan ng mga biktima.

“We need to raise awareness and vigilance of this issue, so that parents and others understand that child abuse – in any form – is not just morally wrong, it is also extremely harmful to children’s health and development,” wika ni Sylwander.

Kung may nais na i-report na insidente ng online child abuse, maaring kontakin ang PNP Anti-Cybercrime sa hotline no. 09985988116 o ang PNP-Women and Children Protection Center sa telephone no. 410-3213.