Ni: San Antonio, Jomar M.
SA panahon ngayon, marami pa rin sa atin ang nagtatanong kung mahalaga ba talaga ang pagpili ng tamang Internet Browser kahit nagkalat na ang mga applications na may specific functions sa ating mga devices. Sa katunayan, ang paggamit nito ay depende sa kung ano ang iyong pangangailangan kung kaya’t may iba’t ibang disenyo at user interface na bagay sa iyong personalidad.
Ayon sa survey na ginawa ng W3Counter noong Oktubre 2017, ang limang pinaka-popular na web browser ay ang Google Chrome (58.8%), Safari (13.4%), Internet Explorer & Edge (9.8%), Mozilla Firefox (9.1%), at Opera (3.2%). Makikita na malaki ang distribusyon ng mga gumagamit ng internet browsers na ito sa buong mundo. Tunay namang samu’t sari ang options kung kaya naman walang mali kung subukan mo ang lahat.
SAFARI: Exclusive for Apple. Kung gumagamit ka ng Apple device, makikita mo na ito ang default browser sa lahat ng iOS platforms. Sa matagal na panahon, malaki ang pinagbago ng browser na ito tulad ng ‘Reading List’ at ‘Shared Links’ features nito. Ang isang hindi matalong kakayanan ng Safari ay ang pagiging kapaki-pakinabang nito sa Apple environment para sa lahat ng Apple devices sa tulong ng isang AppleID. Power-efficient din ang Safari kumpara sa Google Chrome. Ang pinaka-malaking kahinaan ng Safari ay ang kakulangan ng mga websites na subukan ang site nila sa Apple web browser na ito kung kaya naman nagiging ‘laggy’ ang web page nila kapag ginamit.
VIVALDI: Let’s Get Personal. Kung mahilig kang mag-customize ng interface base sa pangangailangan mo, ito ang bagay sayo. Kung madalas kang mag-internet, maaari mong idisenyo ang karanasan mo dito base sa iyong kagustuhan tulad ng docking at tab-stacking. Nakabase rin ito sa Chromium kung kaya naman maaari mo pa ring gamitin ang mga applications sa Chrome Web Store. Ngunit dahil bago lamang ito, makakaranas ka ng kabagalan sa paggamit dahil sa mga bugs ngunit isa itong browser na dapat abangan ang pag-unlad sa mga dadating na taon.
TOR BROWSER: Security is Top Priority. Kung nais mo ng secure na internet surfing, maaari mong gamitin ang Tor na ibinase ang interface sa heavily-modified na Firefox. Kung pamilyar ka sa ‘dark web’, ito ang browser na ginagamit upang makita ang mga nakatagong sites na ito sa pangkaraniwang mundo ng online dahil dinadala nito ang iyong internet traffic sa iba’t ibang lugar sa mundo kung kaya naman mahirap masundan. Ang problema, mabagal ang Tor Browser kumpara sa iba kung kaya naman ‘secondary-browser’ lang ito ituring.
MICROSOFT INTERNET EXPLORER 11: Yes, It’s there. Hindi tulad ng dating bersyon nito, malaki na ang ipinagbago ng Internet Explorer. Malinis na ang disenyo at kumakain lamang ng mababang porsyento ng RAM at CPU sa iyong device ngunit hanggang dito lamang ang kaya nitong ipagmalaki. Marami pa ring kakulangan ang browser kumpara sa kakayanan ng iba lalo na sa extensions.
MICROSOFT EDGE: Your Window’s 10 Companion. Kung Windows 10 na ang operating system ng device mo, computer man, tablet, o cellphone, dinisenyo ang Edge upang magamit ang buong potensyal nito. Mabilis at may built-in Reading Mode ang browser na lalo pang nadadagdagan ng features habang tumatagal. Isang malaking kagandahan nito ang integration ng Windows 10 gimmicks tulad ng virtual assistant ng Microsoft na si Cortana. Idagdag pa ang lalong tumitibay na seguridad ng Microsoft sa mga produkto nito.
MOZILLA FIREFOX: Age Doesn’t Matter. Sa katunayan, ang Mozilla Firefox ang pinaka-magandang browser noon ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay unti-unti itong bumaba sa rankings. Sa ngayon, regular pa rin itong ina-update sa loob ng anim na linggo. Marami nga lamang itong extensions at hindi pa rin masyadong binabago ang kabuuang disenyo. Maayos gamitin ang Firefox lalo na sa mga lumang websites na hindi na compatible sa mga bagong browsers ngayon ngunit may kabagalan gamitin kung minsan. Maaari pa rin itong gamitin sa lahat ng klase ng OS lalo na ang XP at Vista hindi tulad ng Chrome at Edge. Hindi pa lang masyadong developed ang mobile version nito.
OPERA: The Underrated Contender. Ang Opera ang itinuturing na alternative sa Google Chrome. Sa katunayan, sa sobrang daming features nito na kapaki-pakinabang, maaari kang mapalipat agad. Mayroon itong magandang ad-blocker system at ang interface nito ay maaari ring i-customize. Isang dahilan kung bakit magandang gamitin ang Opera ay dahil sa Turbo feature nito na tunay na malaki ang tulong kung mabagal ang internet connection. Nakabase rin ang Opera sa Chromium kung kaya naman smooth din ang mga application at extensions. Ang mobile version nito ay tunay ding mabilis gamitin at mag-synchronize.
GOOGLE CHROME: Everybody’s choice. Marami ang nagsasabi na ang pinaka-magandang browser sa lahat ay ang Google Chrome kung kaya naman ipinapayo rin ng mga tech experts na ito ang gawing default browser. Ang pinakamagandang feature nito ay ang integration ng Google Account sa browser kung kaya naman compatible ang lahat ng Google products sa interface nito sa lahat ng devices. Ganoon din ang mobile version nito para sa lahat ng OS. Mabilis at secure din ang koneksyon nito at maliban pa dito ay may Chrome Web Store rin ito na kakikitaan ng samu’t saring applications at extensions ayon sa iyong pangangailangan. Ang kahinaan lamang ng Chrome ay malakas itong kumain ng RAM at CPU kung kaya naman bumabagal din minsan ang paggamit nito depende sa device.
Ang lahat ng browsers na ito ay maaari mong gamitin base sa iyong pangangailangan. Ang mahalaga ay mapunan nito ang pangangailangan mo sa paggamit ng internet. Ikaw pa rin ang magpapasiya.