MULING pinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na nito balak pang ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines at ang sangay nitong New People’s Army kung saan plano niton ideklara bilang mga terorista ang mga naturang grupo katulad ng pagdeklara ng Amerika sa kanila.
Ni: John Vallada
“TERORISTA,” yan ngayon ang hinihintay na pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa itinuturing ng kasalukuyan na makakaliwa o rebelde ng pamahalaan na New People’s Army (NPA). Lupaypay na rin ang pamahalaan sa usaping pangkapayapaan na di naman nasusunod dahil sa mga ulat na nagpapatuloy na pang-a-ambush sa mga kawani ng pamahalaan nasa kapulisan man, sundalo at maging ang mga pulitiko. Nagpapatuloy pa rin umano ang pangingikil ng NPA sa ilang mga may-ari ng lupa at negosyante at panggugulo sa pamahalaan. Ilan lamang yan sa mga basehan ng ilang mga nakaupo sa pamahalaan para hilingin na maideklara nang terorista ang NPA.
Pananaw ng pangulo
“Now, if I am corrupt, if I’m a fascist, if I’m a murderer, and I’m the DDS (Duterte Death Squad), why talk to me? Go find somebody else,” wika ni Pangulong Duterte.
Tila walang balak na si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagnegosyasyon para sa usaping pangkapayapaan sa rebeldeng Communist Party of the Philippines at ang armed wing nito na New People’s Army at nais na ng pangulo na ideklara ng terorista ang nasabing grupo.
“I’ll be issuing a proclamation. I will remove them from the category of a legal entity or at least a semi-movement, which would merit our attention, placing them pareho sa Amerika (as in America): terrorist,” ani Duterte.
Matatandaan na noong Pebrero ng kasalukuyang taon ay muling ibinalik ng Estados Unidos ang CCP-NPA sa listahan ng mga terorista sa mundo.
Sinisisi rin ng pangulo sa mga rebeldeng grupo kung bakit sobrang taas ng mga presyo ng mga produktong pang-agrikultura dahil umano sa pangingikil ng mga ito.
“Ayaw kong makipag-usap sa kanila. Sige lang, nagpapahinga lang mga sundalo ko But we will also go to the offensive,” ayon sa pangulo
Suporta ng militar
Pabor sa Militar ang plano ni Pangulong Duterte na ideklarang ‘terorista’ ang CCP-NPA na halos kalahating siglo na rin nilang kabakbakan.
“Government has done its part and negotiated with sincerity. We totally agree with the Commander-in-Chief in calling the NPAs terrorists because it is clearly reflected in the numerous criminal / lawless / terrorist acts that they have been committing against defenseless and innocent civilians,” pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Restituto Padilla.
Dagdag pa ni Padilla, ito na raw ang bagong prayoridad ng AFP ang labanan ang terorismo sa bansa.
“The AFP is doing its best to meet its campaign targets for the end of the year especially that which is aimed at addressing the threat posed by terror networks still in Mindanao. Our main objective is to degrade or totally eliminate the ability of terrorists and their networks so that they no longer pose serious threats to our national security,” ani Padilla.
Terorismo sa bansa
Ang Pilipinas ang nasa panglabindalawang pwesto sa halos isangdaan at animnapung mga bansa na apektado pagdating sa terorismo ayon ito sa inilabas na ulat ng Australia-based Institute for Economics and Peace. Habang nangunguna ang pilipinas sa Timog-Silangang Asya sa may malalang sitwasyon sa terorismo.
Ayon sa batas ng Human Security Act of 2007 ang isang taong mahuhuli at mapatutunayan na sangkot sa terorismo sa bansa ay mapatatawan ng 40 taong pagkakulong na walang parole na ibibigay.
Ang pagtatala ay bunga ng nasabing pag-atake ng mga terorista at bilang ng mga namatay sanhi nito.
Mga may koneksyon sa CCP-NPA, Nanganganib
Pinaaaresto ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga legal fronts ng New Peoples Army.
Kabilang dito ang mga militanteng grupo, mga kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF).
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa harap ng light reaction regiment sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Naniniwala ang pangulo na nagsasabwatan ang NPA at legal fronts nito para pabagsakin ang gobyerno o maghasik ng karahasan.
Iginiit ng pangulo na wala siyang pakialam kung magsagawa ng demonstrasyon o magrebolusyon ang mga legal fronts ng npa basta lahat ng konektado sa mga rebelde ay aarestuhin.
Muli ring inihayag ni Pangulong Duterte na kanyang idedeklara ang npa bilang teroristang grupo at tatratuhin bilang mga kriminal.