Ni: San Antonio, Jomar M.
MARAMI siguro sa atin ang ayaw na ayaw maligo gamit ang malamig na tubig lalo na sa umaga. Bago man pumasok sa eskwelahan o sa trabaho, pahirapan na ang unang buhos ng malamig na tubig kapag maliligo. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, tunay na maraming benepisyo ang cold shower hindi lamang sa ating pampa-pogi pati na rin sa ating kalusugan. Narito ang mga benepisyo nito:
- Para sa magandang daloy ng dugo.
- Nakatutulong ang cold shower sa pagdaloy ng dugo sa mga organs ng katawan pati sa balat. Nai-stimulate ng malamig na temperatura ang mga ugat sa katawan upang bumomba ng dugo ang puso na nagreresulta sa magandang balat at malakas na puso.
- Para sa malusog na balat at buhok.
- Ang laging pagligo ng mainit na tubig ay nakakasira sa buhok pati na rin sa balat. Nagreresulta ito sa pagkatuyo ng mga hibla ng buhok at balat kung kaya nakatutulong ang cold shower upang mapanumbalik ang sigla ng mga ito. Maganda rin ang malamig na tubig para sa pagsasara ng pores ng balat upang mabawasan ang masyadong pagpapawis.
- Para sa fertility at testosterone
- Nakakatulong ang cold shower upang maging malusog ang mga sperm cells para magka-anak. Ayon din sa pag-aaral, nakatutulong ang pagliligo ng malamig na tubig upang tumaas ang testosterone hormone ng mga lalaki kahit tumatanda na.
- Para lumakas, sumigla, at makaiwas sa sakit.
- Ayon sa pag-aaral, ang cold shower ay tumutulong sa pagpapalakas ng immune system ng katawan na panlaban sa sakit. Ito rin ay nagbibigay ng kakaibang lakas at sigla sa pang-araw-araw na trabaho mabigat man o magaan. Nakakatulong din ito upang mabawasan ang “depression” sa buhay.
Tunay namang pampagising sa umaga ang cold shower. Kaya sa mga kalalakihan, kung hindi mo pa ito ginagawa, bakit hindi mo subukan at maranasan ang magandang dulot nito sa katawan.