1 Karaniwang 50-100 strands kada araw ang nalalagas sa ating bumbunan at nadadagdagan ito dahil sa maling pagsusuklay
Ni: San Antonio, Jomar M.
ALAM naman natin na ang pangunahing dahilan ng panlalagas ng buhok ay pag-tanda. Ngunit may iba pang dahilan kung bakit nagkakaganito ang ating mga buhok tulad ng genetics, stress, paggamit ng chemical-based na produkto para sa buhok, heating tools para sa hair styling, di tamang pag-diet, exposure sa masamang kapaligiran o panahon, at maling pag-aalaga sa buhok.
Maliban naman sa mga ito, may iba pang medikal na dahilan kung bakit nanlalagas ang buhok. Ang ilan nga dito ay mismong pagkalagas ang sintomas kaya nalalaman na may sakit na sila. Isa na nga ang Alopecia, Polycystic Ovarian Syndrome, Iron-Deficiency o Anemia, Hypothyroidism, Lupus, at Telogen Effluvium o panlalagas ng buhok dahil sa isang matinding pangyayari tulad ng panganganak, surgical operation, mabilis na pagpayat, at malubhang stress.
Ngunit paano nga ba ito maaagapan? Lalaki man o babae, maaaring makaranas ng ganitong kondisyon kung kaya naman maaari mong sundin ang ilang natural na paraan upang mapasigla ang paglago ng ating buhok.
Maaaring gumamit ng mga essential oils mula sa gata ng niyog, aloe vera, neem, amla, licorice root, onion juice, at iba pa at ugaliing ipahid ito sa buhok at i-massage. Nakakatulong ito upang mapa-galing ang mga nasirang bahagi ng buhok at mapalusog ang scalp sa natural na solusyon.
Pangalawa, dahan-dahan lamang kung suklayin ang buhok. Karaniwang 50-100 strands kada araw ang nalalagas sa ating bumbunan at nadadagdagan ito dahil sa maling pagsusuklay.
Huli, umiwas sa direktang sikat ng araw o mainit na treatment sa buhok. Nagdudulot ito ng dryness at brittleness sa mga hibla na kalaunan ay nagreresulta sa hair fall. Ugaliin ding maligo ng malamig na tubig kumpara sa mainit.
Marami pang natural na paraan upang makaiwas sa hair loss. Genetics man o maling lifestyle, responsibilidad pa rin natin na alagaan ang ating crowning glory!