Ni: San Antomio, Jomar M.
AYON sa huling datos ng National Statistics Office para sa second quarter ng taong 2017, 5.6% ng mga Pinoy na nasa tamang gulang na para maghanapbuhay ang nanatiling Unemployed o walang trabaho. Matatandaan na sinasabi ng gobyerno na umaasenso na raw ang bansa ngunit ayon naman sa ating mga kababayaan, hindi pa rin nila ito nararamdaman.
“Mahirap maghanap ng trabaho o laging na-e-endo” iyan lagi ang maririnig mo sa kanila na siyang ginagawan naman ngayon ng solusyon ng administrasyon ni Pangulong Duterte. Ngunit kahit may ginagawa na ang gobyerno, wala pa ring magbabago kung hindi gagawa ng aksyon ang taong naghahanap ng trabaho para paunlarin ang sarili nilang kakayanan. Ito ang ilang paraan kung paano nga ba makahahanap ng tamang trabaho sa lumalalang kumpetisyon ng aplikasyon.
Maraming dahilan kung bakit hindi matanggap ang isang aplikante sa inaaplayan nitong trabaho. Ilan dito ay dahil sa kanyang kagagawan at ang ilan naman ay dahil sa kumpanya. Kailangan muna itong maunawaan upang malaman ang diskarte sa mahigpit na kumpetisyon sa arena ng hanapbuhay.
Isa sa dahilan ay ang unang interview. Dito titingnan ng employer ang aplikante base sa pinakamaikling judgment na kaya nitong gawin mula sa damit nito, hitsura ng resume, kumpiyansa sa pagsagot, pagkakaroon ng malinaw na motibo, at sapat na kaalaman sa trabahong nais nitong pasukin. Dito madalas magkamali ang iba tulad ng kakulangan o pagsobra sa confidence, hindi pagiging presentable o kawalan ng respeto sa interview.
Minsan naman ay ang pagiging overqualified o underqualified sa trabahong nais pasukin ang nagiging dahilan. Mahalaga na dapat alam ng aplikante ang nais nitong pasukin. Maraming fresh graduates sa panahon ngayon ang nagkakaroon ng ganitong sitwasyon tulad ng hindi akmang kurso na tinapos sa trabahong nais aplayan.
Isa pang dahilan ay ang mataas na ekspektasyon sa sahod lalo na kung baguhang aplikante pa lamang. Dito bumabagsak ang karamihan ng fresh graduates dahil hindi pa nila masyadong naiintidihan ang kalakaran. Magtanong, makialam, at makiramdam sa kung ano ba ang umiiral na sistema.
Malaki ring pamantayan ayon sa mga employer ang paaralan kung saan nagtapos ang isang tao. Sa katunayan, ayon sa pag-aaral na ginawa ng Jobstreet.com noong 2016, anim sa sampung kumpanya ang ikinukunsidera ang paaralan bago nila tanggapin ang isang aplikante. Malinaw na kilala sa Pilipinas ang apat na pangunahing unibersidad: Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo De Manila, De La Salle University, at University of Sto. Tomas ngunit ayon pa rin sa Jobstreet.com, maraming kumpanya ang nais mag-employ ng mga aplikante na galing sa Polytechnic University of the Philippines dahil taglay ng mga ito ang mga pangunahing ugali at kakayanan na hinahanap nila para maging empleyado ng kanilang kumpanya.
Gayunpaman, karamihan pa rin ng mga kumpanya ang mas isinasaalang-alang ang pag-uugali ng aplikante at ang dedikasyon nito na matuto upang mapaunlad pa ang sariling kakayanan para sa trabahong nais nitong punan sa kumpanya. Ayon nga kay Philip A. Gioca ng Jobstreet.com, “More than preference for particular colleges and universities, employers prioritize applicants who show willingness to be trained and to learn. Companies need new employees who can easily adapt to their processes and systems, learn their products and services, the dynamics of the industry that they are a part of, and what drives their success. Most importantly, they want candidates who have the right attitude on being trained. Prim donnas and newbies who think they don’t need training won’t get hired. Where a fresh graduate got his or her diploma won’t matter as much as his or her eagerness to learn and showing the ability to absorb concepts and apply them in the office setting.”
Ngunit kung importante ang paaralan, mas importante pa rin ang karanasan sa pagtatrabaho. Dito sumasablay ang karamihan ng Pilipino—Job experiences. Mahirap makaipon ng karanasan kung kaya naman dapat mas maging masigasig at magtiyaga. Kung fresh graduate, mahalaga na nagkaroon ng magandang intership ang aplikante sa kolehiyo. Hindi rin naman maganda na maraming pinasukang trabaho ngunit tumagal lamang ng ilang buwan dito. Magbibigay ito ng impresyon sa employer na mapili o incompetent ang aplikante sa trabaho.
Ano nga ba ang dapat taglayin ng isang aplikante upang manguna sa matinding kumpetisyon? Ayon pa rin sa Jobstreet.com at Forbes, dapat magkaroon ang aplikante ng kagustuhan na matuto sa trabaho at pagkukusa sa lahat ng oras. Mahalaga ang integridad lalo na at dadalhin nito ang pangalan ng kumpanya ganun din ang pagiging matapat sa loob at labas ng trabaho. Mahalaga rin na magkaroon ng pambihirang motibasyon at tiwala sa sarili upang maabot ang mga layunin sa piniling hanapbuhay.
Maliban dito ay hinahanap din ng mga employer sa lahat ng kanilang aplikante ang kakayanan ng mga ito sa pakikipag-ugnayan o communication skills. Ang kanilang flexibility upang sanayin sa kung anong bagong sistema ang dapat gamitin sa operasyon sa trabaho ay pinapahalagahan din gayundin naman ang competence ng mga ito. Sinusuri rin nila ang kaalaman ng mga nag-aaplay sa pag-aanalisa at paglutas ng problema sa loob at labas ng trabahong nais nilang.
Dagdag pa sa mga nabanggit ay ang sub-skills na mayroon ang aplikante lalo na ang kaalaman ng mga ito sa paggamit ng teknolohiya at computer. Kung kaya naman kailangan ding magkaroon ng mga ekstrang kakayanan ang aplikante maliban sa pangunahing kailangan sa trabaho.
Ito ang mga kailangang tandaan sa paghahanap ng trabaho kung kaya naman maging matalino sa pagsuong sa hirap ng kumpetisyon. Dumiskarte ng ayon sa tamang etika at sumangguni muna sa Department of Labor and Employment kung legal ang papasuking hanapbuhay. Sundin lamang ang mga ito at malay natin, isa sa susunod mong inaaplayan ay ang magiging matagal mo nang pinangarap na trabaho.