Ni: San Antonio Jomar M.
SA makapigil-hiningang pagpapatumba ng mga bowling pins kasama ang kaba na dulot ng nalalapit na pagtatapos ng kumpetisyon, nagawa muli ng Pilipinas na dalhin ang kampeonato sa bansa sa larangan ng bowling. Pinatunayan ni Krizziah Lyn Tabora na siya ang bagong prinsesa ng Alley matapos ang 14 na taong pananabik ng bansa na makuha muli ang tropeyo.
Sa katatapos pa lamang na 53rd QubicaAMF Bowling World Cup (BWC) na ginanap sa Hermosillo, Mexico, nabawi muli ng Pilipinas ang kampeonato sa pagpupursige, determinasyon, at lakas ng loob ni Krizziah Lyn nang talunin niya ang 68 na mahuhusay na bowlers mula sa iba’t ibang bansa at iuwi ang tropeyo para sa women’s single division.
“I know people at home have been watching on the live streaming and I’ve already got lots of notifications from friends and family. It has been a good year for me. Our ladies team won bronze in the SEA Games and then we got silver in the Asian Indoor Games. But this is far and away the best!” ika ni Krizziah tungkol sa kanyang pagkapanalo na hindi raw niya inaasahan.
“Usually ’pag finals po hindi ako tumitingin (sa scores), lumapit lang po iyong Malaysian . . . and niyakap na lang po niya ako at sinabi niya na: ‘Krizziah, I’m so proud of you and congratulations.’ So parang natulala ako,” kwento niya sa kanyang mga taga-suporta.
Sa kasaysayan ng bowling sa bansa, panlimang Pilipino na si Krizziah na nakapagkamit ng World Cup na siyang dumagdag sa walong titulo ng bansa. Matatandaan na ang huling pagkakataon na nanalo ang Pilipinas sa World Championships ay noon pang 2003 sa pangunguna ni CJ Suarez na siyang sinundan ng ating prinsesa.
Si Paeng Nepomuceno na siyang coach ngayon ng Philippine Bowling Team ay siyang unang nagdala ng tropeyo sa bansa noong 1976, 1980, 1992, at 1996. Sa tulong niya ay lalong lumago ang kakayanan ng mga Pilipinong atleta at isa na nga doon si Krizziah Lyn. Pangatlong babaeng Pilipino naman si Krizziah na nag-kampeon nang sinundan niya ang yapak nina Bong Coo (1979) at Lita del Rosario (1978).
Siyam na taon na sa bowling ang 26-taon na dalaga. Ayon sa kanya, malaking bahagi ng kung sino siya ngayon ay ang kanyang ama na isa ring bowler. 13-anyos niya ng magsimulang maglaro kung saan itinuturing nya ang bowling bilang buhay niya.
“Bowler po ang dad ko. Kami ng kuya ko nasama po kami sa bowling centers. As a parent gusto niyang nagbo-bowling din sa mga anak. Pinaturuan niya iyong brother ko, pero ako nagpupumilit sumali. Pinapagulong ko iyong ball sa floor, nakulitan ang dad ko so pinaglaro niya ko ng one game, e nag-score po ako ng 236 kaya sabi niya, ‘Patuturuan na kita.’ ”
Lumaki nga si Krizziah Lyn na bola ng bowling ang kasama. 17 taong gulang siya nang mapanalunan niya ang National Open na siyang nag-udyok sa kanya na magpatuloy sa kanyang bowling career. Nagtapos ang dalaga sa Miriam College at naninirahan siya sa Quezon City. Sa katunayan, hindi pa nagwawagi ng kahit anong international women’s single championship si Krizziah kung kaya naman bago lamang sa kanyang pakiramdam ang kanyang nakamit.
Ang records ng ating prinsesa ay noong manalo sila ng kanyang team ng gold medals sa 2014 Asian Inter-City Bowling Championships’ women’s doubles and team sa loob ng limang events. Ngayong taon, nanalo naman siya at ang kanyang grupo na binubuo ng limang miyembro ng silver medal sa 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG). Idagdag pa ang Southeast Asian Games na kung saan nanalo ng back-to-back bronze medals ang Women’s bowling team.
Ang kanya nga raw karanasan sa World Championships ay hinding-hindi niya malilimutan. “Ang mindset ko po kasi that day is per shot lang po talaga, more on to get good shots,” ika niya upang mawala ang kaba sa pahirap ng pahirap na lebel ng kumpetisyon. “I only felt the pressure when I advanced to the top four. I wasn’t able to eat my breakfast but the reminders from my parents and (teammate) Jomar (Jumapao) helped me get over it.” Ang suporta ng magulang at ng iba pang kasama mula sa Pilipinas ang naging sandigan ng dalaga upang maabot ang kampeonato. Tumaas na ang ranggo ng dalaga na noon ay may 209 Game Average at ngayon naman ay may 217 Game Average na.
Nagkaroon ng hero’s welcome ang ating prinsesa kung saan sinalubong siya ng kanyang mga fans at ng mga bowling legends ng bansa. Sinalubong din siya ng kanyang kasintahan na isa ring bowler kung kaya naman ayon kay Krizzia Lyn, naiintindihan nito ang hirap at sitwasyon ng kanilang napiling sports.
Tungkol naman sa kung ano ang nais niyang mangyari sa darating na panahon, mananatili pa rin daw siyang lalaban para sa bansa. “Nakakadagdag po ng pressure kasi may expectation na ang mga tao na magaganda na ang mga susunod na laro ko,” ika niya. “Pero siyempre, laban pa rin.”