PINAS

Laser weapons bilang armas pandigma

Ni: Ana Paula A. Canua

HINDI na lang natin sa pelikula mapapanood ang laser fighter jets, dahil ngayon maaari na itong makita sa giyera ito ay kasunod ng pagpirma ng U.S. Air Force Research Lab sa $26.3 million kontrata sa kumpanya ng Lockheed Martin  para mag-develop ng ‘high –energy laser weapons’ na ‘lightweight’ at ‘compact’ na babagay at kakayaning ilipad ng fighter jets.

Ang kumpanyang Lockheed Martin ay isang aerospace, defense at technology company na nakabase sa Bethesda, Maryland.

Bagsik ng laser weapon

Matagal na ring naimbento ang laser na  kadalasan  ginagamit bilang panghiwa sa  mga mamahaling bato  o di kaya ay para sa  infrastructure engineering. Ang iba’t ibang klase ng laser ay na-develop na sa loob ng maraming taon kabilang ang uri ng laser na pinakamabisang pangtunaw na ginagamit sa larangan ng medisina.

Ngunit sa pagkakataong ito gagamitin ang laser bilang pandigma—panglaban– pangpuksa ng kalaban. Hindi na lamang ito basta imahinasyon, dahil nasa himpapawid na ang mabilis na sandatang pupuksa sa ano mang humamon dito.

Karaniwang mabigat ang mga laser weapon, kaya naman sa imbensyon na nais gawin ng Lockheed Martin ay gagawin itong mas magaan habang may kaparehas na bagsik ng malalaking laser weapons.

Noong taong 2015 naging matagumpay ang test na isinagawa sa laser weapon na tinawag na ATHENA o Advanced Test High Energy Asset, matapos nitong tirahin at tunawin ang harapan ng isang truck na isang milya ang layo, nang  wala pang isang minuto. Kasunod nito, may naunang ginawa ang Lockheed Martin na Laser Equipped Research Planes para masukat kung hanggang saan ang kapasidad ng aircraft lasers.

At sa pagkakataong ito sa tulong ng alokasyon na binigay ng U.S Air Force Lab, mas mapapalawig at magiging posible na magawa ang laser-jet planes.

Laser ground vehicle

Sa kasalukuyan naman, mayroong imbensyon ang Lockheed Martin na laser installed equipment kung saan maaari itong ilagay o i-install sa ano mang ground vehicle upang mapalapit sa target nito, ang nasabing imbesyon ay hawak na ng U.S Army.

“Earlier this year, we delivered a 60-kW [kilowatt]-class laser to be installed on a U.S. Army ground vehicle,” pahayag ni Rob Afzal,  senior fellow for laser sensors and  system ng Lockheed Martin, “It’s a completely new and different challenge to get a laser  system into a smaller, airborne test platform. It’s exciting to see this technology mature enough to embed in an aircraft.”

Invisible laser

Kumpara sa napanood natin sa pelikulang “Star Wars” walang kulay ang laser na ginawa ng Lockheed Martin, at dahil ito ay nakatutunaw na liwanag nangangahulugan na kasing bilis din ito ng liwanag. Ibig sabihin walang makakaiwas at makakakita sa pagtama ng mga laser weapon na ito.

Nasususi pa lamang ng kumpanya ang kanilang laser equipments sa bato, drone at sasakyan. Ang maliit na bagay ay maaring tunawin ng laser at walang bakas nitong iiwanan ang nilusaw na gamit, samantalang ang pag-laser sa malalaking metal naman ay magdudulot ng butas.

Laser bilang pandigma

Ayon sa Lockheed Martin layunin ng kumpanya nila na tulungan ang U.S Armed Forces na puksain ang maliit na targets gaya ng drones o explosives na mahirap tamaan ng baril o normal na defense equipment gaya ng missiles at bala.

“I really see laser weapons and kinetic weapons being side by side on the battlefield, and together providing the defense that our forces need against traditional threats — kinetic weapons — emerging, inexpensive proliferated threats — laser weapons,” pahayag ni  Iain McKinnie,  business development lead for laser sensors and systems ng Lockheed Martin  sa video na nilabas ng kumpanya habang pinapakilala ang kanilang mga imbensyon.

Ayon sa kontrata inaasahan na matatapos ng kompanya  ang  laser-fighter jet sa taong 2021.

Dapat ba itong katakutan?

Katulad ng nuclear weapons na hawak ng ilang bansa, isang mapanganib na armas ang laser. Ang tanong palagi ay, paano kung gamitin ito hindi para pangalagaan ang seguridad ng isang bansa, kundi para manira at magdulot ng banta sa seguridad at kapayapaan ng ibang bansa?

Kung lubos na tinangkilik ang pelikulang ‘Star Wars’ dahil sa nakamamangha nitong labanan at mga karakter, nakalilibang pa kaya kung maisasabuhay ang eksena ng tunggalian. Sino ang nagwawagi sa giyera ng kapangyarihan.

Dahil sa huli gaano  man nakakabilib ang teknolohiya at imbensyon kung sa likod nito ay masamang intensyon panigurado kasiraan at kawalan ng kaayusan lamang ang bunga nito.