Makaraan ang dalawang taon, ang mga naiwan ng nasawing SAF 44 ay patuloy na naghahanap ng hustisya sa masalimuot na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ni: Maridel S. Cruz
MAHIGIT dalawang taon na ang nakaraan mula ng masawi ang 44 na SAF (Special Action Force) commando ng Philippine National Police (PNP). Nangyari ito habang isinasagawa ang OPLAN Exodus sa ilalim ng administrasyong Aquino, na naglalayong dakipin ang dalawang international terrorist na sina Zalkipi Bin Hit alyas “Marwan” at Basit Usman. Naging matagumpay ang SAF 44 sa pagpatay kay Marwan subalit malagim naman ang kanilang sinapit sa kamay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa kabila ng matagal-tagal na ring paghihintay, patuloy na umaasa at minimithi ng mga naiwang pamilya ang hustisya ngunit sadyang mabagal ang naging pag-usad ng imbestigasyon sa kung sino nga ba ang dapat na managot sa masalimuot na pangyayaring ito.
Pormal ng kinasuhan ng graft at usurpation of authority si Dating Pangulong Ninoy “Noynoy” Aquino sa Sandiganbayan kaugnay sa trahedya ng Mamasapano na nauwi sa pagkasawi ng SAF 44.
Sino Nga ba Ang May Sala?
Nito lamang Setyembre, nagdesisyon ang Office of the Ombudsman na ibasura ang motion for reconsideration (MR) ni Dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino na nagsasaad ng kanyang hiling na huwag na siyang kasuhan ng graft at usurpation of authority dahil nga sa pagkamaty ng SAF 44 noong Enero 2015 sa Mamasapano, Maguindanao.
Matatandaan na ginamit ni Aquino ang serbisyo ni Dating PNP Chief Director Gen. Alan Purisima upang pamunuan ang pagsasagawa sa Oplan Exodus sa kabila ng pagkakasailalim nito sa isang suspensiyon ng mga panahong iyon. Nakitaan ito ni Ombudsman Conchita Morales ng probable cause na higit na nagdiin kay Aquino at sinabing, “While a President of the Republic is certainly possessed with broad discretionary powers, the exercise thereof must not, however, be done in violation of a law or laws, much less when such exercise constitutes a crime. A government of laws, not of men, excludes the exercise of broad discretionary powers by those acting under its authority.”
Itinuloy ang Consolidated Resolution na magsasakdal di lamang kay Aquino at Purisima kundi pati na rin sa dating SAF Director na si Getulio Napenas.
Mababaw at Mahina
Nasampahan man ng graft at usurpation of authority si Aquino, sinasabing mababaw at mahina ang mga kasong ito. Sa halip, nararapat na papanagutin si Aquino sa pagkamatay ng SAF 44. Ang mga text messages sa pagitan ni Aquino at Purisima na inilabas noong Senate inquiry ay maituturing na incriminating evidence na maaring pag-ugatan ng mas malalim at malakas na kaso.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay sumang-ayon na tama ang mga desisyon ni Aquino sa panahon ng Oplan Exodus dahil siya ang commander-in-chief at siyang may awtoridad at diskresyon sa kapulisan at operasyong militar. Dahil dito, tinawag ni Pangulong Duterte na “silly decision” na kasuhan ng Ombudsman si Aquino ng graft at usurpation of authority.
Buo Ang Tiwala
Sa kabila nito, ipinahayag naman ng Liberal Party ang buo nilang suporta at tiwala kay Aquino. Sinabi nilang “unthinkable” para kay Aquino na gumawa ng desisyon na ikapapahamak ng sarili niyang kapulisan at mga sundalo. Buo rin ang kanilang tiwala na mapaptunayan ni Aquino na siya ay inosente.
Bilang pagsuporta, sinabi ni Sen. Bam Aquino na sa simula pa lang ay naging bukas na ang dating pangulo sa naging papel nya sa trahedya sa Mamasapano. “Tiwala akong haharapin niya ang kaso ng buong tapang at katapatan,” ani pa nito.
Pansamantalang Kalayaan
Sa kasalukuyan, nakapaghain na ng piyansa si Aquino sa Sandiganbayan sa halagang P40,000 kaugnay sa kanyang kakaharapin na kasong graft and usurpation of authority. Dinaanan ni Aquino ang booking process katulad ng fingerprinting bagamat piniling magsumite na lamang ng litrato kaysa magpamugshot siya. Pumirma rin ng arrest warrant ang mga mahistrado ng korte ngunit hindi na ito nailabas dahil sa nauna ng pagpipiyansa ni Aquino. Kaugnay dito, mayroon na ring hold departure order na inilabas ang korte.
Sa pamamagitan ng isang raffle, napagkasunduang ang 3rd Division ng Sandiganbayan ang hahawak ng kaso ni Aquino. Nagkataon na ang Presiding Justice ng 3rd Division ay si Amparo Cabtaje-Tang, na isang appointee ni Aquino. Sa kabila nito, nangako si Cabotaje-Tang na magiging patas siya sa pagdinig sa kaso at ang kanyang pagiging appointee ay walang magiging epekto sa paggawa ng kaniyang trabaho.
Nagsagawa si Aquino ng isang press conference pagkatapos magpiyansa upang idepensa ang sarili at idiin si Napeñas dahil sa maling koordinasyon habang nagaganap ang raid. Inamin niyang nagtiwala siya kay Napeñas ng sabihin nitong napapalibutan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lugar ng operasyon subalit wala naman pala duon ang “friendly forces” habang nangyayari ang raid. Sinabi niyang dapat na humingi si Napeñas ng reinforcement sa gitna ng palitan ng putukan ng militar at MILF.
Abangan Ang Susunod Na Kabanata
May posibilidad na ma-consolidate ang kaso ni Aquino sa kaso ni Purisima na siyang hawak naman ng 4th Division. Sa Enero 12, 2018 and inaabangang arraignment ng dating Pangulo.
Samantala, pinangunahan naman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang apela sa Supreme Court na muling balikan ang mga kasong isinampa laban kay Aquino. Sinabi ni Dante Jimenez, founding Chairman ng VACC na dapat mapanagot si Aquino at makasuhan ng homicide dahil sa kanyang pagpapabaya na nauwi na nga sa trahedya sa Mamasapano.