PINAS

Pagtanda: Ano ba ang dapat nating maunawaan sa kanila?

Ni. San Antonio, Jomar M.

AYON sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 4.5 milyong Senior Citizens sa bansa sa kasalukuyan. Tunay na ang mga lolo at lola natin ay hindi na sa pabata kung kaya naman marami na silang mga panganga-ilangan na dapat nating maunawaan. Bilang mga anak at apo na tagapagmana ng kanilang mga alaala, dapat nating patunayan na kung paano nila tayo pinalaki at inalagaan ay siya nating ibabalik ng buong puso sa kanila.

SAKITIN. Ito ang una nating dapat maunawaan sa kanila. Dala ng pagtanda ang pagka-masakitin kung kaya naman kailangan nating ibigay ang lahat para sila’y mapagaling gaya ng pagpapagaling nila sa atin noon.

MAHINANG SENSASYON. Lumalabo na ang mata at humihina na ang pandinig nila kung kaya gawin natin ang ating buong makakaya upang maunawaan at mapunan ang kanilang pangangailangan.

TAMPUHIN. Ito ang mga oras na hindi na natin naibibigay sa kanila. Kailangan nila ng atensyon gaya ng isang bata na siya dapat nating ibigay.

PABAGO-BAGO NG ISIP. Hindi sila naguguluhan kungdi dala lang ito ng kanilang pagka-malimutin. Bigyan natin ng pasensya ang kanilang kakulitan lalo na sa pagbuo ng desisyon.

MAPILI SA PAGKAIN. Dala ng pagtanda ang pagkawala ng kanilang panlasa kung kaya naman ay hayaan lang nating sila pumili ng nais nilang kainin basta’t masustansya ang kanilang nais.

KWENTUHAN. Ayaw nilang mabagot kung kaya naman makipagkwentuhan tayo sa kanila. Makinig sa kanilang mga paalala at sa makulay nilang karanasan.

MABAGAL NA PAGGALAW. Hindi na sila bata kung kaya bumabagal na ang kanilang paggalaw. Tulungan natin sila tumawid o iabot natin ang kailangan nilang kunin bilang tulong.

IRITABLE. Dala ng pagtanda ang pagiging iritable. Huwag tayong sumuko sa kanila kahit maging mataray o matapang sila magsalita kung minsan. Magpasensya at magpakumbabang loob.

Kailangan nating maunawaan na ang ating mga lolo at lola ay may nalalabi na lang na oras. Masakit mang sabihin o tanggapin ngunit ito ang katotohanan. Mahalin, irespeto, pahalagahan, at bigyang yaman ang kanilang mga pamana dahil ang kung wala sila ay wala rin tayo sa lupang ibabaw na ito.