Ni: San Antonio, Jomar M.
SABI nga, “Happiness is seeing the world through a child’s eyes.” Marami sa atin ngayon ang nagtatanong kung paano nga ba maging masaya sa buhay kahit puno na ito ng stress at problema. Paano nga ba ito gagawin kahit binabato ka na ng kung anu-anong pressure? Gaya ng mga bata, kaya nating ma-enjoy ang buhay maging estudyante, nagtatrabaho, o matanda ka man.
MATUWA SA MALIIT NA BAGAY. Habang tumatanda, tumataas din literal ang halaga ng ating kasiyahan tulad ng mahal na bag o damit. Bakit hindi maging masaya sa maliit na bagay tulad ng sapat na tulog o mainit na kape at pandesal na may itlog sa umaga.
MAGING ADVENTUROUS. Maging curious sa iba’t ibang lugar. Marami kang puwedeng puntahan kahit naglalakad, namimisikleta, tumatakbo, o pauwi galing trabaho o eskwelahan. Tumuklas ng ibang daan at buhayin ang adventure na natutulog sa katawan.
FOOD IS LIFE! Sabi nga kapag stress, kumain. Ang pagkain ng masarap at masustansyang pagkain kahit mura lang ay naglalabas ng “happy hormones” na siyang tumutulong lumaban sa stress.
MAGSIMULA NG BAGONG HOBBY. Kailangan natin ng bago sa buhay tulad ng pagsubok sa iba’t ibang bagay tulad ng musika, sining, pagsasayaw, at marami pang iba. Piliin mo ang nais mong gawin base sa anong nararamdaman mo gaya ng isang bata. Hindi naman lahat ng impulsive actions ay masama.
PAHALAGAHAN ANG MGA TAONG NAKAPALIGID SAYO. Ang relasyon mo sa mahal mo sa buhay ay malaking tulong upang maging masaya. Hindi pera, hindi magandang trabaho, o materyal na bagay ang kailangan mo kundi kapwa na sasama sayo sa hirap o ginhawa sa buhay.