Ni: John Benedict G. Vallada
LUSOT na sa House Committee on Appropriations ang House Joint Resolution No. 18 o panukalang kautusan para sa pagtataas ng sahod ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel.
Ang House Joint Resolution No. 18 ay inaasahan nang maisasalang sa plenaryo sa susunod na linggo.
Ayon mismo sa chairman ng House Committee on Appropriations na si Rep. Karlo Nograles, wala naman nakikitang problema para maantala ang nasabing panukala.
“Tapos na sa committee, then from the committee, it will referred to plenary. Wala naman akong nakikita ng magiging problema sa plenaryo dahil lalong-lalo na ito ay sponsored [by] Speaker Alvarez. Pati na ang majority at minority leaders suportado ito. Sa Senado [naman], inaasahan na ma-approve,” pahayag ni Rep. Nograles.
Sakop ng panukala ang mga sundalo, pulis, mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Public Safety College, Philippine Coast Guard at National Mapping and Resource Information Authority.
Kung sakaling maipatupad na ito sa susunod na taon nasa 58.7% ang itataas ng mga sahod ng nasabing mga ahensiya.
Ngunit hahatiin naman sa dalawang tranche ang umento sa sahod, ito ay sa mga taon ng 2018 at 2019.
Ngunit itinatakda naman ng panukala na hindi maapektuhan ng umento sa base pay ng mga sundalo at uniformed personnel ang indexation ng pension lalo na ng nasa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Umento sa mga civilian personnel, kailan?
Pero umaangal at humihirit si Rep. France Castro ng Act Teachers Party list na dapat ay sinabay din ang sahod ng mga civilian personnel ng pamahalaan.
Agad naman tumugon si Nograles kay Castro,“Sa sibilyan naman, alam natin ang pagmamalasakit ng Presidente at kongreso para sa civilian personnel sa gobyerno. Inuna [lang] natin ang uniformed personnel. [Susunod naman na] pag-uusapan natin ang civilian personnel.”
Dagdag pa, ang pagkukunan daw ng pondo sa dagdag na sahod para sa mga pulis, sundalo at uniformed personnel ay mangagaling sa miscellaneous at personnel benefit funds.
Pasasalamat ng militar at mga uniformed personnel
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang buong hanay ng AFP, Department of National Defense, Philippine National Police at iba pang mga uniformed personnel sa pag-aksyon ng kamara sa kanilang mga sahod.
“Those reso (resolution) bills clearly are an indication of how the people appreciate the efforts of AFP in terms of being able to fulfill its mandate. [The] support you are giving will definitely go a long way in boosting not only the Morale of our troops but also in making sure that they have decent living and they are able to sustained not only themselves but their families,” pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Guerrero
Sahod ng mga kawani sa gobyerno, tataas sa taong 2018
Asahan na ang pagtaas sa sahod ng mga nasa mahigit 1.2 milyong empleyado ng gobyerno sa taong 2018.
Kasabay ito ng pagpapatupad ng third tranche ng Salary Standardization Law (SSL).
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, naglaan ang pamahalaan ng P24 bilyon para sa dagdag-suweldo na sasaklaw sa lahat ng mga manggagawa sa mga sangay ng ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura.
Mahigit P70,000 ang madaragdag sa suweldo ni Pangulong Rodrigo Duterte, simula sa Enero 2018.
Mula sa kasalukuyang nitong buwanag sahod na P215, 804, magiging
P289, 401 na ang sahod ng pangulo.
“Government workers, aside from the increased basic salary, will continue to receive standard allowances and benefits, such as a mid-year and a year-end bonus, each equal to one month basic salary, cash gift and the productivity enhancement incentive. Bukod sa pagtaas sa batayang sahod, patuloy na makatatanggap ng allowances at iba pang benepisyo tulad ng mga bonus, cash gift, at incentive ang mga manggagawa ng gobyerno,” ayon kay Diokno.
Ang pangulo, na nasa salary grade 33 na pinakamataas na salary grade sa mga manggagawa sa gobyerno, ay may pinakamataas ding umento na katumbas ng 34.1%.
Bukod sa pangulo, pasok din sa dagdag na suweldo ang mga manggagawa mula sa salary grade 1 hanggang salary grade 32.
Kasama rin sa madadagdagan ng sahod ang mga nagtatrabaho sa state universities at colleges, government-owned and controlled corporations, mga manggagawa sa lokal na pamahalaan, at mga barangay personnel na tumatanggap ng monthly honoraria.
Ang umento sa sahod ang third tranche ng SSL na pinirmahan ni Dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III noong taong 2015.