Ni:Jun Samson
TAHIMIK na kumikilos at nagsimula na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkalap ng mga ebidensya at posibleng testimonya ng mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia. Ito ay matapos na inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang NBI na agad simulan at tutukan ang imbestigasyon sa kontrobersya ng P3.5-billion dengue vaccine na proyekto ng Department of Health (DOH). Ipinatupad o pinasimulan ang naturang proyekto nuong April 2016 sa panahon ni Dating Pangulong Noynoy Aquino at noon ay Health Secretary Janette Garin.
Layunin ng Department Order No. 763 na nilagdaan ni Aguirre na matukoy ng NBI at masampahan ng kaso ang mga sangkot sa umano’y palpak at mapanganib na proyekto at posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga binakunahan.
Iniutos ito ni Aguirre matapos na ipinatigil ng DOH ng kasalukuyang administrasyon ang paggamit ng Dengvaxia vaccine mula sa French supplier nito na Sanofi Pasteur. Ayon mismo sa ilang eksperto ay sinasabing ang pagbakuna nito ay makakapagpalala pa sa taong hindi pa nadapuan ng dengue. Base sa inisyal na datos o talaan ay mahigit sa 733,000 na mga kabataan na may edad mula siyam na taon pataas mula sa mga public schools sa Metro Manila, Central Luzon, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon province ang naturukan o nabigyan na nuon ng nasabing bakuna.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na tinutunton ng DOH ang talaan ng mga estudyanteng nabakunahan sa mga nasabing lugar para agad na masuri ang kanilang kalagayan o kalusugan. Nais naman ng ilang mga mambabatas na bukod sa mapanagot sa batas ang mga sangkot sa insidente ay mabawi din ang P3.5-billion na ibinayad sa Sanofi. May ilang mga ulat pa nga na naglabasan na may mga kabataan na naturukan ng Dengvaxia ang namatay na umano, pero ang insidenteng ito ay hindi pa makumpirma ng DOH.
Maging ang Department of Justice (DOJ) na siyang nag-utos sa NBI na bigyang prayoridad ang imbestigasyon ay naalarma na rin sa sitwasyon, kaya patuloy ang panawagan ng DOJ sa mga magulang ng mga apektadong kabataan na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa NBI o sa DOH para maresolba at maagapan ang naturang problema.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ng kasalukuyang pamunuan ng DOH na ginagawa na nila ang lahat ng mga pamamaraan para maagapan ng posibleng malaking problema na maaaring idulot nito sa mga kabataan. Sa panig naman ng DOJ ay kabilang sa iping-utos nito sa NBI na imbestigahan din ang posibilidad na may graft and corruption na naganap sa nasabing transaksyon sa kontratang pinasukan ng Aquino Administration at
Sanofi Pasteur
Hindi biro ang insidenteng ito dahil buhay ang pinag-uusapan at nakataya dito, pero hindi maiwasan ng ilan nating mga kababayan na magbiro at tinawag nila ito na ‘denggoyvaxia’ vaccine dahil mistula anyang na-denggoy o naloko raw tayo ng nasabing proyekto, na ayon pa sa kanila ay tila pinagkakitaan pa yata ng ilang tiwaling mga opisyal ng pamahalaan? Sana lang ay walang bata na mapahamak dito at sana rin ay mapanagot sa batas ang lahat ng mga nagpabaya sa tungkulin kaya naipatupad ang pagbabakuna ng dengvaxia kahit na hindi pa pala tiyak na solusyon ito o para hindi tamaan ng dengue ang isang tao.
Ang sigurado lang sa ngayon ay natatakot at nangangamba na ang mga magulang ng mga nabakunahan na sana ay huwag ma-dengue ang kanilang mga anak dahil sinabi na nga ng DOH na mas magiging malala ang epekto ng dengue sa mga batang binakunahan nuon na hindi pa natamaan ng nasabing sakit. Tila lumilitaw na bukod sa pinagkakitaan ay mistulang ginawang testing ground ang mga public school students sa ilang mga lalawigan sa Pilipinas para matukoy kung epektibo ba ang Dengvaxia vaccine?