Pinan News
MATAGAL na rin pa lang isinusulong ang Jeepney Modernization Program ng pamahalaan. Nag-umpisa ito sa panahon pa ni Dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at hanggang ngayon ay hindi pa naipatutupad.
Hindi man lang ito nabigyan ng solusyon noong mga nakaraang panahon ang problema ng mga sirang sasakyan na patuloy na tumatakbo sa mga pangunahing kalsada ng mga lungsod na umaambag sa masamang hangin na nalalanghap ng mga taong dumadaan.
Nararapat lang naman talaga na umahon na tayo mula sa nakamamatay na usok ng mga lumang sasakyan. Ang kailangan lang naman natin ay magkaisa kung paano mapapalitan ang mga lumang sasakyan upang mabawasan ang polusyon ng ating kapaligiran at kung paano na hindi mabibigatan ang mga jeepney operators at mga drayber sa mga babayaran at nakapagbigay rin ng benepisyo para sa kanila.
Lagi nating hinihiling ang pagbabago at pag-unlad ng ating bansa ngunit itong programang jeepney modernization pa lamang ay marami ng gustong humadlang dahil sa maraming mga dahilan kaya mahigit isang dekada na ang dumaan ay hindi pa nauumpisahan.
Hindi maikaila ang mga alalahanin ng mga jeepney operator at drayber dahil sa laki ng kanilang babayaran. Balak ng pamahalaan na isubsidiya ang P80,000 sa P1.5 milyon hanggang P1.8 milyong halaga ng isang bagong jeepney na anila ay hindi sapat at dagdag pa dito ang 6% interes ng loan ng gobyerno ay sobra na.
Tiniyak naman ng Department of Transportation (DOTr) na hindi agad-agad i-phaseout sa susunod na taon ang mga jeepney ngunit ito ay maisasagawa sa loob ng tatlong taon. Kailangan lamang na maipasa ng mga PUVs ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na sisimulan ngayong darating na Enero upang mapahintulutan itong tumakbo sa kalsada.
Gayunpaman, nilinaw ni Transportation Secretary Arthur Tugade na kahit nakapasa man sa pagsusuri ang isang PUVs, kailangan pa ring mai-modernize ng mga jeepney operator at drayber ang kanilang mga sasakyan pagkatapos ng tatlong taon.
Bantayan na lang natin kung anong maging kahinatnan sa programang ito ng gobyerno kung ito ba ay uusad hanggang sa maipatupad o kailangan naman natin ng susunod pa na administrasyon upang maisagawa ang mga ito.