PINAS

Kailangang Mamuhunan sa Edukasyon ang Lahat

Ni: Louie C. Montemar

AYON sa ating Konstitusyon, dapat na naglalaan ang Estado ng pinakamalaking badyet sa edukasyon kumpara sa iba pang sektor. Ngayong 2017, nakatanggap ang Department of Education (DepEd) ng P568.4B. Nagpapakita ito ng 30% pagtaas kumpara sa 2016 na may P433.5B lamang. Para naman sa 2018, humihingi ang DepEd ng badyet na P613.1B—8% na pagtaas mula sa kasalukuyang badyet.

Tila napakalaki ng mga bilang na ito, at totoo namang nilalaan na sa edukasyon ang pinakamalaking badyet. Ngunit sa kabila ng mga pagtaas ng mga ito, sinabi ng United Nations na hindi pa rin naaabot ng Pilipinas ang internasyonal na pamantayan para sa paggasta sa edukasyon. Hindi pa kasi umaabot sa 20% ng ating pambansang badyet o 6% ng ating Gross Domestic Product (GDP) ang halaga ng ating education budget. At kumpara na nga lamang sa ating mga karatig bansa sa Asean, halos kalahati lang ng kanilang nilalaan sa edukasyon ang ating ipinopondo sa ating sistemang pang-edukasyon.

Sa anumang nakalaang badyet, kailangang tugunan ang napakaraming pangangailangan gaya ng paglikha o pagbili ng mga kakailanganing aklat at mga materyales sa pag-aaral at pagtuturo sa buong bansa.  Kung di sapat ang badyet, kakapusin sa kagamitan ang materyales ang mga paaralan. May pagbaba nga, halimbawa na lamang, mula sa halos 6 milyong materyales na ipinamamahagi sa CALABARZON noong 2012, at humigit-kumulang na 4 milyong materyales lamang na ipinamamahagi naman noong 2015.

Talaga namang napakaraming kabataang kailangan mapag-aral at napakaraming pagkakagastusan sa edukasyon kung gayon.  Mas matinding usapin pa sa mga aklat at materyales, kailangan pa rin ng mga karadagang magtuturo sa ilang mga lugar sa bansa. Magandang mapaganda ang tinatawag na teacher-student ratio o ang bilang ng mag-aaral kumpara sa bilang ng mga guro.

Sa Rehiyon IV-A (CALABARZON), halimbawa, may 1 guro sa bawat 36 (1:36) na mag-aaral para sa 2014-2015; at sa Awtonomong Rehiyon sa Muslim Mindanao (ARMM), may 1 guro sa bawat 33 (1:33) mga mag-aaral sa sekundaryong antas sa mga taon ding yaon. Ang Awtonomong Rehiyon ng Kordilyera ang may pinakamaliit na ratio ng mag-aaral at guro para sa mga kaparehong antas, 1: 26 sa elementarya, at 1:22 sa sekundaryo.  Mahalaga ang mga bilang na ito dahil ayon sa mga pag-aaral, lumalabas na mas maganda ang pagkatuto kung mas maliit na bilang na mag-aaral ang hawak ng isang guro.

At kumusta na nga ba ang antas ng pagkatuto ng kabataang Filipino? Sa resulta ng National Achievement Test (NAT), hindi mainam ang ilang mga bilang.   Halimbawa, nasa 57.89% lamang ang resulta ng NAT para sa mga estudyante ng Grade 6 sa CALABARZON, at 41.07% para sa mga mag-aaral ng Grade 10 sa ARMM noong schoolyear 2014-2015.  Ang ibig sabihin nito, nasa kalahati lamang, o mababa pa nga, ng dapat matutunan ng mga mag-aaral ang kanilang tunay na natututunan.  Sa average, sa mga Grade 6 ng CALABARZON, 4 sa 10 tanong lamang sa pagsusulit (NAT) ang kanilang nasagutan ng tama.

Kailangan pa talaga ng dagdag na puhunan sa edukasyon.  Hindi na sapat ang pambansang pamahalaan lamang. Kailangan na ang mas matinding suporta ng mga lokal na pamahalaan, mga NGO, at ng pribadong sector. Mabigat ang usaping ito. Kailangan ang tulong ng lahat para mapagaan kahit paano ang mabigat na pasanin ng puhunan para sa edukasyon.