Ni: San Antonio Jomar M.
LAGI ka bang late sa school o sa trabaho? Traffic ba lagi ang sinisisi mo? Marahil yun nga ang dahilan ngunit baka pwede rin namang lagi kang sumusobra ng tulog dahil hindi mo naririnig ang alarm clock mo. Ito ang ilang epektibong paraan paano gumising nang maaga upang maiwasan na ang ibang delays at hassles sa buhay.
DISIPLINA. Ugaliin ang early-to-bed-early-to-rise na disiplina ng pagtulog. Kung maaga ka natulog, maaga ka rin magigising dahil may paraan ang katawan upang malaman kung sapat na ang tulog mong ginawa. 7-8 na oras ang inirerekomenda ng mga eksperto.
NO GADGETS BEFORE BED. Naglalabas ng blue light ang mga gadgets natin kung saan nililinlang nito ang ating utak na huwag maglabas ng sleep hormones na melatonin kahit kailangan na natin kung kaya naman huwag na gumamit ng gadgets 1-2 oras bago ang oras ng pagtulog.
STOP SNOOZING. Pinipindot mo ba ang snooze button sa tuwing gusto mo pa ring i-extend ang iyong pagtulog? Ayon sa pag-aaral, kailangan mo itong itigil dahil ang ganitong habit ay tinatawag na ‘drockling’ kung saan nililito nito ang ating body clock o circadian rhythm na magkaroon ng regular na sistema kung kaya naman nagiging groggy tayo kapag bumangon na tayo.
LIGHTS ON, LIGHTS OFF. Ang sleep hormone na melatonin ang dahilan upang makatulog kung saan lumalabas ito kung madilim kung kaya naman ugaliing patayin ang ilaw o maglagay ng eye mask upang antukin agad at upang magising ng maaga ay i-pwesto ang tulugan sa lugar na sisikatan ng araw.
FAR AWAY ALARM. Lagyan ng challenge ang pagpatay ng alarm tulad ng paglalagay nito sa lugar na kailangan mong bumangon o mag-solve ng puzzle tulad ng ilang smartphone applications upang ito’y patayin.
COOL KA LANG! Nakakatulong ang malamig na kwarto upang makatulog agad. Dagdagan pa ito ng relaxing na white noise upang mas madaling makatulog tulad ng isang spa.
Marami pang paraan upang makatulog at magising ng maaga. Ang kailangan lamang ay ang tamang disiplina upang maisakatuparan ang lahat ng ito.