Pinas News
MULI na namang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng martial law sa buong Mindanao at kagaya ng una, ito ay ayon na rin sa inirekomenda ng militar at pulis. Hiniling ng pangulo na palawigin pa ng isang taon ang martial law mula Enero 1, 2018 hanggang Disyembre 31, 2018.
Tunay nga namang nanganganib pa ang Mindanao dalawang buwan matapos na idineklarang malaya na ang Marawi sa teroristang grupo ng Maute at napatay ng mga militar ang dalawang lider na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Malamang babangon muli ang naiiwang mga miyembro ng Maute na ayon sa mga ulat ay nangangalap ng mga bagong miyembro partikular na sa Maguindanao, North Cotabato, Sulu at Basilan kungsaan target pa ng mga ito ang mga kabataan, kababaihan, mga kamag-anak ng namatay na mga miyembro ng Maute upang maipagpatuloy ang naudlot na rebelyon o planong paglusob sa Lunsod ng Marawi.
Para sa mga taga-Minda-nao, walang epekto sa kanila ang martial law dahil hindi naman daw nawawala ang basic rights ng mga mamamayan doon. Mas nararamdaman pa nila ang kaligtasan tuwing lumalakad sila sa daan.
Maganda ang hangarin ng pangulo sa pagpapalawig ng martial law upang masigurong ganap na maalis na ang mga teroristang grupo at mga tagasuporta ng mga ito sa naturang lugar. Magdudulot din ito ng tuloy-tuloy na rehabilitasyon ng Marawi upang maging malayo sa mga banta ng mga teroristang grupo na maaaring ipaghihigante ng mga ito ang pagkamatay ng kanilang mga lider.
Sa pahintulot ng Kongreso na maipalawig ang martial law ng isa pang taon nangangahulugan lamang itong maraming sumuporta sa kahilingan ng pangulo. Suportado rin maging ng mga opisyal ng Marawi ang martial law dahil nakikita rin nila ang sitwasyon kungsaan kahit nasa kontrol na ang presensiya ng terorista ay nariyan pa rin ang banta lalo na ang naririnig na umano’y pangrerekluta ng mga ito sa labas ng lungsod.
Nararapat lamang ang presensiya ng militar at pulis sa buong Mindanao sa kondisyon na manatili ang pagrespeto sa karapatang pantao at propesyunal na gagampanin ng mga ito ang kanilang mga tungkulin. Naroroon lamang ang mga militar at pulis upang maiwasan ang paglaganap muli ng mga terorista sa lugar at mapabilis ang gawain sa rehabilitasyon ng Marawi.
Patuloy pa rin ang pang-araw-araw na pamumuhay at gawain ng mga mamamayan sa Mindanao. Ang mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa paaralan, ang mga negosyante sa kanilang kalakalan, ang mga manggagawa ay patuloy na papasok sa kanilang pribado o pampublikong opisina, mga mamimili sa kanilang paglalakad sa lansangan, mga tsuper, titser, at iba pa maliban na lamang sa mga pulis at militar na hindi nananatili sa kanilang mga kampo sa halip ang mga ito ay matatagpuang nakakalat sa mga lansangan nagbabantay sa anumang kahina-hinalang kilos ng mga masamang elemento. Malaking tulong na rin ito upang maiwasan ang paglaganap muli ng terorismo sa lugar.