Pinas News
DUMAAN man sa maraming gusot sa buhay maging sa napili niyang karera, nananatili pa ring inspirasyon bilang isang ‘Pinoy na may masikap at matatag na puso ang Cebuana na si Mary Joy Tabal. Maliit man kumpara sa kanyang mga nakalaban, pinatunayan niya na walang mainit o malayong finish line na hindi na kayang abutin para sa kanyang mga pangarap sa larangan ng marathon.
FILIPINA MARATHONER SA OLYMPICS
Isinilang si Mary Joy Reyes Tabal sa Guba, Cebu City noong July 13, 1989 kung saan naging saksi ang bayan na ito sa unti-unting pag-abot ni Mary Joy sa kanyang mga pangarap. Nagsimula man sa munting klase ng buhay, dinala niya ito sa kanyang araw-araw na sakripisyo bilang inspirasyon. Dahil sa puso para sa isports na marathon, siya lang naman ang hinirang na kauna-unahang Pilipina na nakapasok sa World Olympics para dito. Isang titulo na habambuhay niyang panghahawakan bilang isang Pilipino.
ANG MARATHON
Sa kaalaman ng lahat, ang marathon ay isang malayuang karera sa pagtakbo na may opisyal na distansya na 42.195 kilometro (26.219 milya, o 26 milya 385 yarda), kung saan karaniwang ginaganap bilang isang road race. Ito ay masasabing isa sa pinakanakakapagod na isports na kinikilala sa buong mundo.
MUNTING SIMULA
Payak lamang ang pamumuhay ni Mary Joy noon sa bulubunduking bahagi ng Cebu. Bilang isang kapatid na may responsibilidad para sa kanyang pamilya, nagawa niyang tulangan ang kanyang mga magulang na papag-aralin ang kanyang mga kapatid sa tulong ng mga napanalunan niya sa pagtakbo. Makikitang ang pamilya niya ang sandigan niya sa kanyang mga karera.
Sa kasalukuyan ay may record sya sa Half Marathon na 1:16.28 (National Record) at 2:43.31 para sa 42 kilometers marathon (National Record).
Nakamit niya ito sa 2016 Scotiabank Ottawa Marathon sa Canada, kung saan makasaysayan niyang nalampasan ang 2:45 na kinakailangang oras upang magkwalipika sa 2016 Olympics na ginanap sa Rio de Janeiro upang dalhin ang watawat at maging kinatawan ng Pilipinas.
KAGILA-GILALAS NA PAGTAKBO
Maliban sa kanyang kahanga-hangang dedikasyon upang makapasok sa World Olympics kung saan nakamit niya ang 124th na puwesto, pinatunayan niya sa edad na 28 na kaya niya muling magdala ng dangal sa bansa nang makamit niya ang unang ginto ng Pilipinas sa 2017 Southeast Asian Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia para sa 42 Km Women’s Marathon.
Pinatunayan niya na hindi lamang silver medal ang kaya niyang mapanalunan tulad noong 2015 SEA Games kung kaya naman ay mas pinaghusayan pa niya ang sarili.
“Mahirap po ‘yung pinagdaanan ko. Sobrang bigat po,” ika ni Mary Grace sa pag-alaala niya ng kanyang mga karanasan bago pumasok sa labanan na ito.
” Lahat ng paghihirap, nadaanan ko na po. Lahat po, ‘yung mawalan ng hininga sa training, mag-cramps kung paano i-control, ‘yung may upset stomach. I’m lucky and fortunate na kundisyon lang katawan ko.”
Hindi lamang pisikal na pagsubok ang kanyang kinaharap sa kanyang laban. Nagkaroon din siya ng sandaling hindi pagkakaunawaan sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) kasama ang kanyang coach na si John Philip Dueñas kung saan muntik na siyang hindi makasali sa international competition matapos siyang tanggalin sa national team. Nagkaroon man ng sigalot ay hindi pumayag ang Pilipina na matapos na lamang kanyang karera kung saan ginawa niya ang nais ng PATAFA upang makabalik sa race track. Noon ay tumigil ang mundo ni Mary Joy ngunit naging inspirasyon pa niya ito upang mas patunayan ang kanyang kakayanan.
ANG PINAKAMAHIRAP NA KARERA
Ngunit sa lahat ng kanyang mga naging karera sa loob at labas ng bansa, ang hinding-hindi makakalimutan ng munting Cebuana ay kung paano niya napanalunan sa ikalimang beses ang National Finals ng Milo Marathon.
Ayon sa kanya, ito ang pinakamahirap na marathon na kanyang naranasan dahil sa pighati na kanyang naramdaman dahil sa pumanaw na ama isang araw bago ang kanyang karera.
Hindi na nagawang bisitahin ni Mary Joy ang ama na si Rolando na may sakit na diabetes at pneumonia nang ito’y dumating galing sa isang training camp sa Italy dahil sa payo ng ama na umiwas muna sa kanya dahil baka mahawaan niya ito. Hindi akalain ng Cebuana na ang ama na siyang numero uno nitong taga-suporta ay wala na sa finish line upang mag-abang sa kanya.
“Sakit kaayo, bug-at kaayo ako pamati, numb na kaayo ako ti-il di na nako ma feel, kaundangon na kaayo ko pero nahuman ra jud. Gikuyugan jud ko niya iya ko gitabangan makahuman,” (Masyadong masakit, mabigat ang aking pakiramdam, naninigas na ang aking mga paa na tipong di ko na maramdaman, gusto ko na sanang huminto ngunit tinapos ko pa rin. Sinamahan niya ako (ama niya), tinulungan niya akong makatapos.)
Natapos niya ang karera sa loob ng 2:58:01 kung saan inaalay niya ito sa kanyang ama. Para sa kanya, ang mapanalunan ng Milo Marathon mula 2013 hanggang 2017 ay isang regalo para sa amang siyang nagpayo sa kanya na ipagpatuloy ang lahat ng sinimulan.
Malayo na ang narating ni Mary Joy: mula sa mga lokal na karera upang maging National record holder, sa mga international marathons, SEA Games, at World Olympics, makikita na ang kanyang mga munting hakbang ay naging malaking takbo para sa pag-abot niya ng kanyang mga pangarap.