PINAS

May pera sa Probinsya – 5 Paraan paano ka kikita

Ni: Kristin Mariano

TRABAHO sa bukid, pangingisda, pangangahoy, pagmimina – ito ay ilan lamang sa mga popular na trabaho sa probinsya. Pamilyar tayo sa mga kuwento ng mga kababayan natin mula sa probinsya na nakipagsapalaran sa Maynila dala ang pangarap ng magandang buhay. Karamihan sa ating mga magulang ay mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Iniisip ng karamihan na ang buhay sa probinsya ay nakakatamad at walang masyadong oportunidad para kumita ng malaki.

Subalit, dahil sa polusyon, trapik, stress, at kawalan ng trabaho, kaakit-akit pa bang makipagsapalaran at dumayo sa Maynila? Marahil, nagdadalawang-isip ang marami sa atin kung ang Maynila ay tulad parin ng dati na puno ng trabaho dala ng modernisasyon dahil sa paglala ng sitwasyon ng trapiko at pagdami ng bilang ng tao na nagtipon dito.

Millenials at trabaho

Sa paglipas ng panahon, dumarami ang bilang ng mga millenials na napapabilang sa hanay ng mga empleyado. Inaaasahan na sa 2020, millenials ang bubuo sa 50% ng mga trabahador sa Pilipinas. Ang mga millenials ay kilala sa pagiging malikhain, maparaan, at business-minded. Subalit, kakaiba ang kanilang pag-uugali sa trabaho. Bukod sa suweldo, mas importante para sa mga millenials ang professional growth. Mas pinahahalagahan din ng mga millenials na may layunin at nakatutulong ang kanilang ginagawa.

Unti-unting hinuhubog ng mga millenials ang modernong paraan ng pagtatrabaho. Mas ginugusto ng mga kabataan ngayon na makatipon ng karanasan at training sa kanilang trabaho. Kasabay nito, popular sa mga millenials ang paggamit ng internet, apps, at software sa trabaho na pwede nilang gawin kahit saan. Sa madaling salita, nagbigay daan ito sa pagkakaroon ng flexibility sa trabaho. Ito ay nakatutulong para makamit ng isang empleyado ang work-life balance.

Maraming mga kabataan ngayon ang naghahanap ng trabaho base sa kanilang mga hilig at kakayanan. Napag-alaman na mas ginaganahan magtrabaho ang mga millenials kapag gusto nila ang ginagawa nila.

Pagkakakitaan sa probinsya

Kahit na mas mababa ang suweldo sa mga probinsya, ang paglipat dito ay may iba pang benepisyo. Tahimik na buhay at mapayapang pamumuhay ang ilan sa mga magagandang aspeto ng pagtira sa probinsya. Sa pagyabong ng iba’t ibang industriya sa mga probinsya, dumarami rin ang mga oportunidad ng pagkakakitaan.

Isa sa mga yumabong na industriya sa probinsya ay turismo. Mayaman sa kalikasan at magagandang tanawin na naging puntahan ng turista. Kung mapagyayaman pa ito ng husto, mas magiging kapaki-pakinabang ito. Narito ang iba’t ibang paraan kung paano ka kikita ng malaking pera kahit nasa probinsya ka.

  1. Mag-invest sa property/real estate

Maraming probinsya ang nagiging sentro ng turismo ngayon. Ang mga turista ay naghahanap ng mga tagong yaman ng kalikasan bukod sa popular na tourist spots sa bansa. Kung mag-iinvest sa isang property, pumili ng lokasyon malapit sa maraming lugar na maaaring puntahan ng turista.

May iba’t ibang paraan para kumita sa property. Maraming developer ang nagtatayo ng real estate sa mga city centers tulad ng Baguio City, Cebu City, Davao City na puwedeng maging wise investment sa katagalan. Ang mga properties na ito ay puwedeng paupahan sa mga bakasyonista at i-register sa mga websites tulad ng Airbnb, FlipKey, o HomeAway. Ang renta ay kadalasang per-night basis at base sa features and amenities ng property.

Suweldo: P1,000 – P10,000 kada araw

  1. Maging tour guide

Kasabay ng pag-usbong ng turismo sa maraming lugar, nangangailangan din ng mga taong may sapat na kaalaman sa mga tourist spots. Maaaring kumita sa pagiging tour guide o pag-oorganisa ng group tours. Ilang turista ang lumalahok sa mga group tours dahil mas nakatititpid sila sa gastos. Maaari ring paupahan ang mga uri ng transportasyon tulad ng mga bangka at sasakyan sa mga turista tulad ng mga backpackers na walang dalang sariling transportasyon.

Suweldo: P5,000 kada araw

  1. Pagsasaka

Isa sa mga tradisyonal na pagkakakitaan sa probinsya ay ang pagsasaka. Taliwas sa tradisyonal na pagtatanim, nagiging popular ang organic farming o hindi paggamit ng anumang kemikal sa halaman. Mas mataas din ang presyo ng mga organic products. Isa pang maaaring pagkakakitaan sa farming ay ang pag-oorganisa ng mga field trips lalo na ang mga farms na malapit sa Metro Manila kung saan halos wala ng bukid na makikita.

Suweldo: P50 –P100 kada tao

  1. Pagluluto

Ikaw ba ay magaling magluto ng mga lokal na pagkain ng iyong probinsya? Ito ay magandang pagkakakitaan dahil maraming turista ang nagnanais na matikman ang mga local delicacies ng bawat probinsya. Ang mga natatagong recipe ng mga pagkaing pinareserba tulad ng tocino ng Pampanga, Spanish Bangus ng Pangasinan, at Bagnet ng Ilocos ay maaaring maibenta sa pamamagitan ng paghahanap ng mga resellers.

Suweldo: P10,000 kada buwan

  1. Maging freelancer

Dahil sa trapik at stress, ilang millenials ang naghahanap ng oportunidad sa ibang lugar tulad ng mga probinsyang may mga city centers tulad ng Cebu at Davao. Ang pagkakaroon ng mobile internet na maaaring dalhin kahit saan ay nagbigay daan sa panibagong paraan ng pagtatrabaho. Maraming oportunidad ang makikita sa internet tulad ng pagiging writer, photographer, at web developer.

Suweldo: P20,000 – P40,000 kada buwan