Ni: Louie C. Montemar
HABANG sinusulat ko ito ngayon, pinag-aaralan sa Kongreso ang isang alok mula sa Kagawaran ng Pananalapi (Department of Finance) upang kalimutan na ang mungkahing pagpapataw ng excise tax o karagdagang buwis sa mga inuming pinatamis ng asukal kapalit ng pag-apruba naman sa mungkahing dagdag-buwis sa gasolina at iba pang produktong petrolyo.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, Tagapangulo ng Senate Committee on Ways and Means na nangunguna sa pag-aaral sa naturang usapin, si Secretary of Finance Carlos Dominguez III ang nag-alok ng nasabing proposisyon.
Sa nabalitang ito, lalo lamang lumilinaw sa pananaw natin ang ilang bagay.
Una na sa lahat, malinaw na ang talagang habol sa mungkahing dagdag-buwis sa mga inuming pinatamis ng asukal (o sugar sweetened beverages) ay ang pondong makokolekta at hindi naman talaga ang usapin sa kalusugan nating mga konsyumer gaya ng dinidiin pa dati ng ibang sektor kagaya ng ilang mambabatas.
Kung ano-ano pang dahilan ang nilatag ng ilan subalit dahil mas tiyak ang laki ng makukuhang buwis sa mga produktong petrolyo, naiisip nilang maaari na ngang alisin pa ang mungkahing excise tax sa mga pinatamis na inumin. Bakit naman nila isasakripisyo ang isang mungkahi kung hindi ito kayang saluhin ng iba pang panukala?
Ikalawa, talagang ang mga mahihirap nating kababayan ang tinitingnan ng mga nasa posisyon bilang pinakamadaling hugutan nang kung anumang bagong buwis. Ang mga nasa Class D at E—mga pinakamahihirap—pa nga ang tatamaan ng mungkahing dagdag buwis sa mga produktong petrolyo. Bakit? Ang pagtaas ng buwis sa mga naturang produkto ay may epektong inflationary sa ekonomiya. Ang ibig sabihin, lalo lamang lolobo o tataas pa ang halos lahat ng mga presyo na nakabatay sa petrolyo, gaya na lamang ng LPG at kerosene na gamit ng karaniwang mga mamamayan. Siyempre pa, mas mabigat sa mas nakararaming kapos ang bawat sentimong nakakaltas sa maliliit na nga nilang pondo.
Ikatlo, talagang mababalewala ang kung anumang bawas-buwis namang pinapanukala para sa mga karaniwang empleyado at iba pang namamasukan. Mababawasan nga ang buwis sa sweldo, babawiin naman ito sa nakaambang buwis sa petrolyo at pagtaas ng presyo ng iba pang batayang produkto o bilihin.
Nabalita na may pulong na inayos si Senate President Aquilino Pimentel III upang makatulong sana sa paglutas ang mga isyu na nakapalibot sa komprehensibong pakete ng reporma sa buwis na isinumite ng Malacañang sa Kongreso upang maaprubahan. Itinutulak ng Malacañang ang pagpapataw ng anim na pisong excise tax kada litro sa mga produktong petrolyo, kung saan inaasahang makukuha ang karamihan ng mga bagong kita ng administrasyon upang pondohan ang ambisyosong mga programa nito lalo na sa imprastraktura at kagalingang panlipunan (social welfare).
Kapag naaprubahan ang mga panukala, sa Enero 1, 2018 na mismo ang simula ng bagong pagbubuwis.
Ang tanong lamang natin, kailangan bang ang mahihirap pa mismo ang mas pumasan sa bigat ng mga bagong pagbubuwis? Wala na bang ibang alternatibo?