PINAS

Online paluwagan,’ invest wait & earn nga ba?

Pinas News

Isa sa popular na social media site ngayon ay ang Facebook. Bukod sa mabilis gamitin ay user-friendly din ang app na ito. Sa ngayon maging mga bata at matatanda ay mayroon nito. Simula noong naipakilala ito ni Mark Zuckerberg, taong 2004, ay nag-clicked na agad ito sa mga tao. Saan mang panig ng mundo, kilala at ginagamit ang app na Facebook.

 

ADVANTAGE NG FACEBOOK

Isa sa pakinabang ng Facebook app ngayon ay ang pagkakaroon ng komunikasyon sa mga mahal mo sa buhay na nasa ibang bansa. Sa Facebok, mayroon silang Messenger na nagsisilbing tulay para makausap ang mga mahal sa buhay na nasa malalayong lugar. Kumbaga, dati ay mayroong telegrama sa panahon ngayon mayroon namang Facebook Messenger. Mas mabilis nga lang sa Facebook Messenger kumpara sa telegrama noon. Ang pagiging updated din sa mga current events o news ang isa sa kapaki-pakinabang ng Facebook. Karamihan o kadalasan ng mga news agencies ngayon ay mayroon ng Facebook page para mas mabilis maihatid ang mga balita. Mayroon din namang ginagamit ang Facebook para magkaroon ng pagkakakitaan. Gaya na lamang ng mga online shops, online marketing at ang nauuso ngayon na online paluwagan.

 

PALUWAGAN SA PILIPINAS

Paluwagan ang tawag ng mga Pilipino na kung saan sinasabing isang form o strategy ng money lending at savings system dito sa Pilipinas. Nauuso o kilala ang paluwagan sa isang malaking grupo ng magkakakilala at pwede din naman sa isang kumpanya. Tinuturing din na isang uri ng pag-iipon ang paluwagan dito sa Pilipinas.

Paano nga ba makapagsisimula o tumatakbo ang paluwagan? Kadalasan sa paluwagan ay nagsisimula sa isang grupo ng magkakaibigan, officemates, kapitbahay at kapamilya mismo. Ang grupo ay magdedesisyon kung paano ang kanilang bayaran. Mayroong daily, weekly at monthly basis depende sa halaga na napag-uusapan.

Sa grupo na ito ay mayroong tinatawag na collector/treasurer na siyang responsable sa paghahawak ng pera ng mga miyembro at siya din ang responsable sa pagpapasahod/sweldo sa mga ito.

 

ONLINE PALUWAGAN, GOOD OR BAD?

Marami ang nahuhumaling o naaakit sumali sa ganitong klase ng sistema sapagkat kilala at dahil sa may tiwala ang mga taong sumali dito. Ngunit paano ka nga ba makasisiguro na ang mga kasali sa paluwagan ay mapagkakatiwalaan? Lalo pa’t kung ito ay online basis? Dala ng makabagong teknolohiya ang ganitong uri ng money scheme.

May mga kumakalat o nauuso ngayon sa Facebook na ganitong klase ng paluwagan na tinatawag nilang online paluwagan. Kagaya lamang ng aktwal na paluwagan ang online paluwagan, pinagkaiba lang sa online paluwagan ay hindi mo kilala ang mga kasali.

Paano nga ba makasisiguro na ang online paluwagan na iyong nasalihan ay legit o hindi scam lamang? Ayon sa website na onlinepaluwagan.blogspot.com, bago ka sumali sa ganitong klase ng money scheme ay kailangan mo munang suriin nang mabuti kung ito ay legal. Hindi naman nagkukulang ang ahensiya ng Department of Trade & Industry (DTI) na bigyan ng babala ang publiko tungkol dito. Ngunit sa kabila nito, mayroon pa rin namang hindi maiwasan ang sumali dito sapagkat sa mabilis ang return ng nilabas na pera. Noong nakaraang taon lamang ay may 20 indibidwal na ang nagoyo ng milyong piso na dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI).

 

ILLEGAL ONLINE PALUWAGAN, OFW ANG TARGET

Noong taong 2016, naiulat na may nakapanloko gamit ang internet na halos P17-million. Sinasabing si Jay-Ann Mendoza, ang tagapagtatag ng “Anne Diyosa Love Online Paluwagan,” ay nahuli sa Merville matapos magreklamo ng kanyang mga nabiktima na kadalasan ay Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon sa nagreklamo na si Jessa Hernadez, “Alam ko malaki ang kikitain. Yung kapital namin, halos magdodoble siya.”

‘‘Nag try ako ng Php 20,000. Yung Php 20,000 in three days, naging Php 28, 000 so okay. Hanggang sa hindi ko na siya nailabas. Every pay out ko niro-rolling ko lang. Instead dinadagdagan ko pa,” ayon din sa isa pang complainant na may pangalang Abby.

Pero pagkatapos daw ng ilang buwan ay nabatid nilang nagdeklara  si Ms. Lozada ng pagkabangkarote.

Sinampahan ng large-scale estafa si Ms. Lozada na itinanggi namang hindi niya tinakbo ang mga pera ng mga nag-invest.

Samantala, mayroon din namang naiulat nitong taon lamang ng Hunyo na sangkot sa “Online Paluwagan Casino Investment” scam sa isinagawang entrapment Operation ng Disctrict Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) at District Intelligence Division (DID) ng Manila Police District. Ang biktima nito ay isang 24-anyos na accountant ng isang Japanese engineering company na may pangalang Raine. Ibinahagi ni Raine na pinangakuan siya na kikita ng Php 400 kada araw kapag nag invest ng Php 1,000.

 

PALUWAGAN: PERA O GADGET

Ngayong nauuso ang online paluwagan, marami na rin ang nakakaisip ng iba’t ibang pakulo. Gaya na lamang ng online paluwagan pero imbes na pera ay gadget ang iyong makukuha. Isa ang Queen’s Online Paluwagan na may ganitong gimik. Makikita sa kanilang Facebook page ang mga gadgets na maaari mong makuha, depende kung kailan ang naka schedule na sahod mo. Ilan sa mga gadget paluwagan na maaari mong makuha sa Queen’s Online Paluwagan ay ang mga Vivo at Samsung phones. Kadalasan na hulog dito ay P1,100 kada linggo na tatagal ng halos 10 linggo cash o gadget paluwagan man ito.

Bale, ang makukuha mo sa loob ng 10 linggo ay Php11,000 ngunit babawasang ng remittance fee at admin fee, na ang makukuha na lamang ng sasahod ay Php 10, 000 na lamang.

Nagsimula noong taong 2016 ang Queen’s Online Paluwagan at hanggang sa kasalukuyan ay aktibo pa rin ito at patuloy na nagkakaroon ng followers sa Facebook. Sa kabila ng pagkakaroon ng negative comments tungkol sa Online Paluwagan, pinapapatunayan ng Queen’s  Online Pauwagan na hindi sila magpapaapekto sa mga ito. Bukod sa cash at gadgets, may iba ding ini-o-offer ang Queen’s paluwagan gaya ng mga laruang pambata na swak na pangregalo.

Alam naman natin na isa sa mabisa at mabilis na pagkukuhanan ng pera o inaasam na gadget ang Online paluwagan ngayon, pero pinag dodoble ingat pa rin ng DTI ang publiko sa ganitong klase ng scheme. Huwag basta- basta magapadadala at magpapasilaw sa mga nakikita sa Facebook page, maaaring totoo at maaaring hindi din naman. Kaya, bago sumali sa ganitong klase ng scheme, siguraduhing ligal ang iyong sasalihan upang di masayang ang perang iyong pinagpaguran at pinag-ipunan.

Ilan sa mga gadgets at laruang pambata mula sa Queen’s Online Paluwagan