Ni: San Antonio Jomar M.
USONG-USO na sabihin ang mga katagang, “Saan na napunta ang pera ko?” May trabaho ka man, estudyante, o maybahay, karaniwan na sa atin ang gumastos para sa ating mga pangangailangan o kagustuhan. Ang masama nga lang, sumusobra na tayo minsan. Paano nga ba natin iiwasan ang overspending?
MAG-BUDGET. Una sa lahat, kailangan natin maunawaan kung paano nga ba ang totoong pagba-budget ng pera. Sundan natin ang ating mga ginastos kung saan pumunta. Kailangan muna natin maglaan ng budget sa mga pangangailangan tulad ng pagkain, kuryente at tubig, pamasahe, ipon, at ibang bagay bago sa mga kagustuhan base sa kung magkano ang ating kinikita.
MAG-IMPOK MUNA BAGO GUMASTOS. Magtabi muna tayo ng pera bago gumastos. Mahalaga na maglaan tayo ng savings para sa mga panahon tulad ng emergencies. Malaki ang tulong nito upang magkaroon ng disiplina.
BILHIN LAMANG ANG NAKALISTA. Hindi naman masama ang mag-shopping. Ang masama ay ang pagbili ng bagay na wala sa iyong pangangailangan. Matuto tayong maglista ng bibilhin tulad sa palengke o supermarket upang maiwasan ang impulsive buying.
IWASAN ANG CREDIT CARDS. Maganda ang credit cards, ngunit ang hindi maganda ay tinuturuan tayo nito na bilhin ang bagay na lampas sa kaya natin bayaran. Ugaliin na magbayad ng tunay na pera upang di maipunan ng utang.
UGALIING MAGSABI NG “HINDI MUNA”. Dadating ang mga punto na yayayain tayo kumain sa labas o bumili ng ganito nang wala sa linya ng ating budget. Ugaliing tumanggi kung hindi naman talaga kaya ang gastos. Mas mahalaga na walang utang kaysa sa pansamantalang kaligayahan.
MAGTAKDA NG GOALS. Magkaroon ng mga maliliit na financial goals tulad ng, “gagastos lang ako ng 100 sa fastfood kaysa 200”. Nakakatulong ito upang maresolba ang paggawa natin ng desisyon sa paggastos.
Mahalaga na maintindihan natin na ang paggasta ng pera ay dapat gamitan ng disiplina. Ika nga ni Charles Jaffe, “It’s not your salary that makes you rich, it’s your spending habits.” Maging matalino sa iyong finances at lifestyle upang sumaya ang buhay.