Ni: Ana Paula A. Canua
SINO pa ba ang magtutulungan sa oras ng emergency? Kapag may kalamidad, baha, power at water interruption, sino ba ang magbabalitaan?, Syempre ang inyong kapit-bahay. Ang maayos na relasyon ng mga magkakapit-bahay ay nagdadala ng masaya at maayos na komunidad. Narito ang ilan sa mga paraan upang maging mabuting kapit-bahay at kaibigan.
- Ipakilala ang iyong sarili. Lalung-lalo na kung ikaw ay bagong lipat. Maaaring magbigay ng welcoming gift tulad ng homemade pies habang tinatanong ang tungkol sa inyong lugar o kung hindi naman kaya ang simpleng ngiti at pagbati sa tuwing makikita sila bilang senyales ng maayos na samahan.
- Isaalang-alang ang lifestyle at pamumuhay ng inyong kapit-bahay. Obserbahan kung may kasama ba sila sa bahay lalung-lalo na ang mga matatanda o bata. Mahalaga ito lalung-lalo na upang makagawa ka ng adjustments gaya ng pag-iwas na pagpapatugtog ng malakas.
- Alamin kung ang dingding niyo ba ay shared walls. Mahalaga ito lalung-lalo na kung nakatira kayo sa apartment type at Upang maiwasan ang pang-iistorbo sa kanila sa ingay na maari ninyong magawa. Tiyakin na hindi nakadikit sa ‘shared walls’ ang washing machine, TV at speaker.
- Maging responsableng pet owner. Tiyakin na may tali ang inyong aso kapag lalabas at iwasang pumunta sila sa bakuran ng inyong kapit-bahay. Linisin din ang dumi na kanilang iniwan. Sawayin din ang alaga kung tinatahulan nito ang inyong kapit-bahay ng walang dahilan.
- Makipag-usap. Magandang simula ang pag-usapan ang balita malapit sa inyong lugar gaya ng krimen, reschedule ng pagdaan ng truck ng basura o kaya ay imbitahan sila sa kasiyahan sa inyong tahanan, kung tanggihan nila mainam na magbigay na lamang ng handang pagkain .
- Maging malinis. Tiyakin din na malinis ang inyong tapat.
- Kung mag babarbeque o kaya ay magsisiga ng basura, siguraduhin na kontrolin ang usok.