PINAS

Paralympic games, kumpetisyon ng mga may kapansanang atleta

CENDY Asusano, hindi akalain ni Cendy na siya na pala ang kauna-unahang Pinay na mag-uwi ng ginto sa Paragames.

 

Ni: Ana Paula A. Canua

ANG isang atleta ay kailangang malakas, mabilis, at matatag. Kailangang walang problemang pisikal o iniindang sakit. Ito ay ilan lamang sa susi upang magtagumpay sa sports, dahilan para mawalan ng lugar ang mga nangangarap na atletang may kapansanan.

ATLETES WITH DISABILITIES

Kahit may kapansanan ay kayang manalo sa larong pampalakasan, ito ang diwa ng Paralympic Games, isang major international multi-sport event na nilalahukan ng mga atletang mula pa sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang Paralympic Games ay katulad ng  Olympic Games, bukod dito mayroon na ring kumpetisyon para sa mga atletang may Intellectual disabilities ito ay tinatawag na Special Olympics World Games, samantalang Deaflympics naman para sa mga may problema sa pandinig o mga binging atleta.  Ito ay bilang suporta sa mga may kapansanan na sa kabila ng kanilang kakulangang pisikal o mental ay kaya pa rin nilang sumali sa patimpalak ng palakasan at pahusayan.

 

Ninanais din Paralympians na magkamit ang “equal treatment” katulad ng mga Olympic athletes, ngunit nananatiling isang hamon ang malaking pagkakaiba  sa pondo ng Olympic at Paralympic athletes. Sa kabila nito patuloy ang pagsubok ng mga atleta na malagpasan ang hamon ng pagkakaiba tungo sa pagkakapantay-pantay.

Kaugnay nito alam niyo ba na matapos manalo sa Paralympic Games ay maaari ring sumabak sa Olympics ang mga atleta kapag sila ay kwalipikado? Katulad na lamang nila, Oscar Pistorius isang South African sprinter, matapos manalo ng ginto sa Paragames ay nagtuloy-tuloy sa Olympics noong taong 2012 at si Neroli Fairhall na lumahok sa Archery at nakuha ang pang-34 na puwesto sa 1984 Summer Olympics.

MGA PILIPINONG  NAIS LUMAHOK SA  PARALYMPIC GAMES

Hindi maipagkakaila na kakaunti lamang ang mga patimpalak sa ating bansa na humihikayat ng pantay na oportunidad para sa mga atletang may kapansanan, hindi gaanong nabibigyan ng pansin at suporta ang pagsusumikap ng mga manlalarong nais mag-alay tagumpay sa kabila ng kanilang mapaghamong kalagayan.

Sa kabila nito narito ang ilang mga Pilipino nais gumawa ng pagbabago sa kahulugan ng pampalakasan.

 

CENDY ASUSANO

Isang atleta at ina na nagwagi ng kauna-unahang ginto sa Pilipinas sa Javelin Throw F54/55 sa ginanap na 9th ASEAN Para Games noong Nobyembre.

“Lagi lang ako nagdadasal na bigyan ako ng Panginoon ng lakas at sana magtagumpay,” sambit ni  Asusano, na tubong Albay, Bicol.

Ito ang  kanyang unang pagsali sa kumpetisyon at ginto agad ang kanyang nasungkit, parehas na unang pagkakataon para sa kanya at unang ginto ng bansa sa Paragames.

Sa panayam pagka-uwi ni Asusano, kanyang sinabi na kahit may kapansanan ay kaya nila. Pinanganak na may spina bifida si Asusano na hindi naging hadlang para ipagpatuloy niya ang pagkahilig sa Javelin throw.

“Inaalay ko itong panalo ko, una sa Dios, sa ating bansa at pamilya ko,” pakli ni Asusano habang nangingilid ang luha sa tuwa.

 

ADELINE DUMAPONG-ANCHETA

Maituturing na isang beteranong atleta naman si Ancheta at noong Paragames ay nag-uwi siya ng ginto matapos ipanalo ang 86-kg powerlifting  na ginanap sa Kuala Lumpur.

Sa edad na 43-anyos, pinagmamalaki rin  ni Ancheta ang record na 116-kg at nag-uwi ng isa pang ginto mula sa kompetisyon.Tinalo nito ang 105-kg record mula sa Malaysia na si Sharifah Raudzah at Binti Syed na may 95-kg record.

Si Ancheta rin ang kauna-unahang Pilipino na nag-uwi ng medalya para sa bansa sa ginanap na Paralympics noong taong 2000 sa Sydney.

Kanyang winagayway ang watawat ng bansa suot ang bronze medal na kanyang inaalay sa kanyang mga kababayan at pamilya.

At sa ngayon patuloy pa rin si Ancheta sa pagtupad  ng kanyang pangarap

 

ROSALIE TORREFIEL

Sinungkit ni Rosalie Torrefiel, isang visually impaired na atleta ang gintong medalya sa 9th Asean ParaGames noong Nobyembre sa larangan ng Women’s Javelin Throw.

Tinalo ni Torrefiel ang mga atleta mula sa mga bansang Malaysia, Vietnam at Thailand.

Nakatakdang sumalang sa susunod na taon si Torrefiel sa Jakarta, Indonesia sa susunod na taon bilang bahagi ng qualifying round para sa ParalympicGames.

 

PANGARAP AT TAGUMPAY

Lubos na kahanga-hanga ang pinapakitang pagsusumikap ng mga atletang may kapansanan, ilan lamang sina Torrefiel, Ancheta at Asusano sa patunay na hindi ang  kakulangan ang pipigil sa iyo na mangarap, at hindi problema ang magtutulak sa kapalaran kundi ang iyong pasngarap.

Isang paghanga sa lahat ng atleta at may kapansanan sa pinapakitang tatag at gilas upang magtagumpay, Mabuhay kayo!