PINAS

Alden Richards, tuloy-tuloy ang pasabog ngayong taon

Ni: Wally Peralta

BAGO pa man magtapos ang taon, ay kapiling na ng mga fans ang Pambansang Bae na si Alden Richards sa pamamagitan ng isang live show sa MOA, Pasay City, ang GMA-7 Countdown to 2018 nitong New Year Eve.  At kinabukasan naman, New Year’s Day, ay kapiling naman ni Alden ang mga fans sa kanyang first live show sa “Eat Bulaga” ng GMA-7, noontime.

“Ang daming blessings na dumating. My endorsements were renewed and extended up to next year. My restaurant business ang Concha’s will soon be available for franchising,” ang paunang say ni Alden.

“Maganda naman ang pasok ng 2018. May mga endorsement na akong tinanggap at pagdating naman sa teleserye na gagawin ko, nasa planning stage na at pag okey na ito ay malalaman naman po ng lahat. Everything is in planning process. Pagdating naman sa movie, so far wala pa po kaming natatanguhan, we’ll just wait and see,” dagdag pa ng aktor.

 

No “New Year’s resolution’’

At dahil bago ang taon na papasok, nakaugalian na nating mga ‘Pinoy ang pagkakaroon ng isang New Year’s resolution, hindi lang naman mga ordinaryong tao ang naglilista ng ganito, maging ang mga showbiz personalities ay may kanya-kanyang New Year’s resolution na magiging gabay sa pagpasok ng bagong taon. Sikat man o hindi ay mayroon nito. Sa panig naman kaya ni Alden, ano ang kanyang New Year’s resolution this year?

“Hindi po ako nag-New Year’s resolution,” say ng Pambansang Bae.

“Kasi po, hindi ko naman po kasi kailangan pang maghintay ng isang bagong taon para magbago. Kasi ako po ang tipo ng taong kung pwede nang baguhin at this moment of time, eh baguhin na natin,” paliwanag ni Alden.

“May international shows din pala ako starting January 20. Unang-una na sa Sydney, Australia, then GMA Pinoy TV shows sa New Jersey in the U.S. and Toronto in Canada,” pahabol ni Alden.

 

Birthday wish

Sa programang “Eat Bulaga” ay ipinagdiwang ni Alden Richards ang kanyang ika-26 na kaarawan, noong nakaraang Enero 2. Halos mapuno ang studio sa dami ng nais makisaya kay Alden. Kaya nga ba ganun-ganun na lang ang labis na kasiyahan ni Alden at kahit pigil man ang pagluha ay banaag sa kanyang aura ang kaligayahan sa mga biyayang tinatamasa.

At nitong nakaraang Enero 6 ay nagbigay naman ng isang pagtitipon para sa kanyang mga fans si Alden na ginanap sa Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna. Espesyal ang naturang meet and greet fans day ni Alden at tinawag pa niya itong One Fun Day With The Bae at EK. Ano naman kaya ang birthday wish ni Alden?

“For myself, wala na kong masyadong hinahanap kasi I’m contented na with everything. Wish ko na lang, peace and stability. Matanggal na yung hate sa puso ng mga tao, kasi ang daming puwedeng ipagpasalamat araw-araw,” hiling ng Pambansang Bae.

“Ang wish ko lang po talaga, sana po matapos na yung hate,” huling hiling ng binatang aktor.

 

Greetings from Maine

ISA sa early greeters ni Alden Richards noong araw ng kanyang kapanganakan ay ang kanyang katambal sa AlDub, na si Maine Mendoza.

Inamin ni Maine na madaling araw palang ng mismong birthday ni Alden ay tinawagan na niya ito at binate. Labis naman itong na-appreciate ng binata.

Kahit pa sabihin na medyo lie low ang kanilang tambalan bunga na rin ng isang ‘open letter’ na ginawa ni Maine hinggil sa pansamantalang ‘pamamahinga’ sa showbiz world ni Maine at nagpunta ng US kasama ang buong pamilya para doon magpalipas ng Holiday Season.

Nagbalik ng bansa si Maine last Dec. 31, 2017 at kinabukasan naman ay live siyang naghost sa Eat Bulaga.

“Maraming salamat kay Maine,” ani ni Alden

 “I’m very happy that she’s having fun with her family nitong nakaraang taon at sama-sama silang nag-holiday vacation sa abroad. She deserves it.”

“Actually bago pa man siya nagbakasyon sa US ay nagkausap kami kung kaya alam ko yung plano nila ng kanyang pamilya na magbakasyon.”

Kaya nawala na ang agam-agam sa mga milyun-milyong supporters ng dalawa na paghihiwalayin na ang kanilang loveteam. Sa katunayan pa nga ay may isang movie ngayon na nasa planning stage na muling pagsasamahan nina Alden at Maine pagkatapos ng kanilang matagumpay na pelikulang “Imagine You and Me” last 2016.

“Ha ha ha, Wala pang final word sa movie namin ni Maine, so abangan na lang natin,” say pa rin ni Alden.

Bukod kay Maine, isa pa ring mahalagang babae sa buhay ni Alden ang pinasalamatan niya at nagbigay rin ng kanyang taos pusong pagmamahal na mensahe para sa kanyang yumaong ina. Pigil luha ngang nagpahatid ng kanyang mensahe si Alden sa mahal niyang ina.

“Ma, siyempre, every day naman, nagdarasal ako, lagi kitang kinakausap na sayang pa rin na you didn’t get the chance to experience these. Basta grateful ako na binigyan mo ako ng chance na mabuhay sa mundo. Grateful ako, dahil sa ‘yo, marami akong buhay na nata-touch and nakapagbibigay ng kaligayahan. So, Ma, kung nasaan ka man, every day is a day with you and, every day, I celebrate you as part of all of these. I love you, Ma.”

Mula sa inyong lingkod at sa buong staff ng Pinas, binabati namin si Alden Richards ng Maligayang Kaarawan.