Pinas News
SA simula pa lang ng pagputok ng isyung papalitan na ang 1987 Constitution ng Pilipinas. Tila ang mga tinig na naririnig ay ang mga senador, kongresista, mga tagapagsalita at iba pang mga pulitiko. Ngunit narinig na ba ng lahat ang tinig ng mga nasa laylayan ng bayan o yun bang tinatawag na nasa lower class ng lipunang Pilipino? Sino nga ba talaga ang may ‘K’ sa usaping ito? At natitiyak ba ang mga nagsusulong nito na nanuunawaan ito ng sambayanan?
Mailap kung tanunginang mga taong-bayan sa kanilang opinyon sa iba’t ibang panukala o batas ng bansa. At sa isyung CHA-CHA handa kayang sayawin ni Juan dela Cruz ang mga termino, mga pangungusap o nakasaad sa panukala na pag-amyenda ng konstistusyon? Nagmimistulang walang alam ang karamihan kapag tinutukoy ang salitang ‘konstitusyon’. Hindi kayang ipaliwanag o kung ano ba ang halaga nito sa lipunang kanilang ginagalawan. Paano na lang ang ilang mga terminolohiya na nakadikit ngayon sa planong pagpapalit ng Saligang Batas?
Aminin man o hindi, karamihan sa Pilipinong nagbabasa, nakikinig at nanonood ng balita ay tila nga-nga kapag tinatalakay ang charter-change o CHA-CHA. Habang ang iba ay nagtataka kung bakit may bangayan ang Senado ng Pilipinas at Batasang Pambansa sa isyung ito. Napapa ‘oo na lang’ ang ilan kpaag ito ang mga paksa sa social media. Out of place ang iba kapag nagbabasahan na ng batas. Kaya ang ilan gusto nang sumigaw ng ‘Tagalog na lang Please!’
Oo nga naman nasa iisang bansa, may sariling wika pero di pa rin nagkakaunawaan lalo na sa mga mahahalagang usapin sa bayan na ang sangkot ay ang sambayanan. Madalas nilang sinasabi na ito ay para sa bayan pero bakit di nila ipantay sa bayan ang mga salita, mga usapin at talakayan sa wikang maiintindihan ng sambayanan? Minsan na rin hiniling ni Dating Senador Lito Lapid na magkaroon nang konsiderasyon ang mga mambabatas sa mga Pilipinong hindi sanay sa wikang Ingles.
Mabigat na usapin ang pag-amyenda sa Saligang Batas. Kaya’t nararapat na ito malinaw at klaro sa bawat binibigay na terminolohiya at pagpapakahulugan. Sana ay matutong makaramdam ang mga nasa pamahalaan na ang kanilang nasasakupan ay di kayang sabayan ang kanilang gustong mangyari kung ito ay ibabatay sa wikang Ingles.
Hindi ba’t mas magandang magdesisyon sa isang isyu kung ito ay nauunawaan? Mas madali makapag-isip at makapagbigay ng opinyon kung alam mo kung saan paroroon ang tinatalakay. At higit sa lahat mas magandang tuwid at walang pagsisisi sa huli kung ito ay napag-usapan nang maayos at malinaw.