PINAS

China Telecom: Isang hamon sa duopoly ng telco sa bansa

Ni: Maridel S. Cruz

MABAGAL na internet speed at paputol-putol na koneksyon – ito na marahil ang pinakamadalas na reklamo ng nakararami sa kasalukuyang Telco providers ng ating bansa. Kaya naman di nakapagtataka na isa ito sa mga prioridad ng gobyerno na bigyan ng kaukulang atensiyon upang mapabilis at maitaas ang antas ng telekomunikasyon para sa publiko.

Nito lamang ika-19 ng Disyembre, inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang press release na nais ni Pangulong Duterte na siguraduhin ng gobyerno ang pagsisimula ng operasyon ng China Telecom sa Pilipinas sa unang quarter ng 2018. Inatasan ng Pangulo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission(NTC) na isaayos ang lisensya at aplikasyon ng China Telecom para makapagsimula ng operasyon sa unang tatlong buwan ng 2018. Idinagdag pa ng pangulo na kailangang maayos ito sa loob ng pitong araw at kung hindi ito magagawa ituturing ng tapos ang proseso.

 

Para sa Interes ng Publiko

Ang usapin sa ikatlong provider ay nagmula sa investment offer na ibinigay ng Pangulong Duterte noong panahon ng bilateral talks ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) summit kasama si Chinese Premier Li Keqiang. Nais din ng pangulo na sugpuin ang matagal ng duopoly ng mga naghaharing network.

Sinabi ng pangulo na ayaw nyang maantala ang proseso kung kaya’t binalaan nya ang judiciary na huwag mag issue ng TRO at injunctions dahil ang bagay na ito ay para sa interes ng publiko.

 

Mga Agam-agam

Upang tuluyan ng mawala ang agam-agam ng karamihan, sinabi ni Roque na susundin ang lahat ng constitutional provision na may kinalaman sa foreign ownership ng isang kumpanya. Ang China Telecom ay magmamayari ng 40% samantala 60% naman ay pagmamayari ng consortium ng Filipino companies. Sa kasalukuyan, naghahanap ang China Telecom ng lokal na partner para makasunod sa batas na ito.

Tungkol naman sa issue ng cyber security at posibleng korapsyon sa pakikipagkasundo sa China Telecom inamin ni Roque na minamadali ang agreement sa kumpanya sa kadahilanang desperado na tayo sa paghahanap ng mahusay na provider ng telecom.

Kinatatakutan din ang posibleng national security risk bunga ng pagpasok ng China Telecom dahil maaari na nilang ma-access ang ating telecom infrastructure. Maging si Dating Pangulong Benigno Aquino III ay nagsabing may national security implications ang pagpasok ng Chinese firm sa bansa. Dagdag pa nya, ang USA at Australia ay hindi nagpapasok ng Chinese communication and technology firms dahil na rin sa national security risk.

Nariyan din ang mga isyu ng heavy censorship, blocking of services at mga website na maaaring gawin ng China Telecom dahil sa suportado ito ng ating gobyerno. Matatandaan din na ang pinakamalaking cybersecurity threat ng Pilipinas ay nagmula sa China.

Sa kabila nito, sinigurado naman ni DICT officer-in-charge Undersecretary Eliseo Mijares Jr., na magkakaroon ng absolute transparency sa mga proseso tulad ng public bidding lalo na sa pagbibigay ng frequencies.

 

Bakit China Telecom

Dalawang kumpanya ang naging interesado na maging ikatlong provider ng telco sa Pilipinas. Ito ay ang China Telecom at China Mobile Limited. Noong Ika-5 Disyembere inihayag ni Rio na ang napili ng China na mag-invest sa telco ng ating bansa ay ang China Telecom.

ChinaTelecom ang ikalawa sa pinakamalalaking telecom sa China. Ito ay may 123 million wireline broadband, 215 million mobile subscribers at 127 million na access lines nitong pagtatapos ng 2016. Ilang karangalan na rin ang natanggap ng China Telecom, tulad ng pagiging Global Rank 1 sa IR Magazine’s Global Top 50 Awards 2017, Rank 142 sa The Forbes Global 2000 para sa taong 2017, Rank 133 sa Fortune Global 500 para sa taong 2017. Ang kapasidad ng China na magbigay ng telecom service sa milyon-milyong users na isa sa mga dahilan kung bakit China ang napiling maging ikatlong provider ng telco sa bansa.

Sa pagpasok ng China Telecom, magkakaroon ang bansa ng opsyon sa mas magandang data promos at subscription. Pagdating naman sa internet speed, ang China Telecom ay nasa ika-tatlumpu’t isang pwesto pagdating sa average speed na may 31Mbps download at 14Mbps sa upload speed. Sa fixed broadband speed, nasa ika-dalawampu’t tatlong pwesto ito na may 61Mbps download at 17Mbps sa upload speed.

 

Pag-asa Para Matapos ang Duopoly

Bagama’t masarap isipin na may pagkakataon ng maisaayos ang serbisyo, presyo at coverage ng telco, di pa rin maiwasan ng ilan na mapaisip. Halata ng pagkasabik ng mamayang Pilipino ng may Facbook page na nagtamo ng libo libong likes na nagsasaad ng napakagandang promos at internet speed ng China Telecom. Ikinalungkot ng marami ng malamang isa pala itong “fake page” na agad-agad namang ipinatanggal ng China Teleocom.

Bukod sa pag-amin ng Malacañang na ang pagpili sa Chinese company ay isang desisyong pulitikal, matatandaan na minsan na rin tayong nakipagkasundo sa China noong 2007 sa ilalim ng adminstrasyong Arroyo ng lumagda sila ng isang multimillion-dollar deal kasama ang ZTE para sa isang national broadband network. Napuno ito ng maraming anomalya at alegasyon dahil sa overpricing at korapsyon ng mga opisyal na nakasama sa kasunduan.