Ni: Kristin Mariano
Kung isa kang dayuhan at balak mong magsimula ng negosyo sa Asya, itayo mo ito sa Pilipinas! Ang Pilipinas ang isa sa mga bansa na pinakamabilis ang paglago. Naging kaakit-akit ang Pilipinas sa mga dayuhan dahil sa lokasyon nito at galing ng mga Pilipino sa pagsasalita ng wikang Ingles. Tila magaling na ang dating “sick man of Asia” at naungusan na ang mga kapitbahay nito sa Timog-Silangang Asya.
Ang pagnenegosyo sa Pilipinas ay hindi madali. Matrabaho ang pagrerehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) at kumplikado ang batas na sumasaklaw sa pagnenegosyo ng mga dayuhan sa bansa. Idagdag pa rito ang nababalitang red tape sa mga nasabing ahensiya.
Nitong mga nakaraang linggo, naging mainit na usapin ang tungkol sa “foreign ownership” sa bansa. Ang foreign ownership ay ang karapatan ng dayuhan na mag-negosyo sa Pilipinas. Maaalalang naging pokus ito nang bawiin ng SEC ang sertipikasyon ng digital news online na Rappler.
Inakusahan ito na may dayuhan na nagmamay-ari ng website na ipinagbabawal ng ating Saligang Batas. Samantala, iginiit ng CEO ng Rappler na si Maria Ressa na Pilipino lahat ng stakeholders ng website. Subalit pinanindigan ng SEC na binigyan ng Rappler na espesyal na probisyon ang isa sa mga dayuhang stockholders nito na magdesisyon para sa negosyo. Marami ang nalilito, kung bawal magmay-ari ang mga dayuhan sa bansa, bakit tayo nanghihikayat ng mga foreign investors?
Foreign Investment sa Pinas
Hinihikayat ng Pilipinas ang mga dayuhan na mamuhunan sa bansa sa ilalim ng R.A. 7042 o ang Foreign Investments Act of 1991. Sa kabuuan, sa ilalim nito ay maaaring magmay-ari ang isang dayuhan na abot sa 40% ng isang negosyo. Subalit pinapayagan ang isang dayuhan na magmay-ari ng 100% ng isang negosyo sa Pilipinas kung:
- Ito ay wala sa Negative List.
- Ang bansa kung saan galing ang foreign investor ay pinapayagan rin ang pamumuhunan ng mga Pilipino.
- Ang negosyo ay may paid in capital na katumbas ng 200,00USD.
- May kapital 100,000USD at may 50 empleyado at gumagamit ng Advanced Technology ayon sa Department of Science and Technology.
Isa ang export business sa isa sa napakadaling pasukin na negosyo ng mga dayuhan sa Pilipinas. Kailangan lamang ng P5,000 na kapital, ngunit karamihan ng mga bangko ay nangangailangan ng P25,000 hanggang P50,000 na capital upang makapagbukas ng corporate account.
Mass Media at ibang sektor para lamang sa Pilipino
May mga industriya na ipinagbabawal ang foreign ownership at inilalaan lamang para sa mga Pilipino. Ito ay ang mga industriya na ipinagbabawal sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas. Kabilang sa mga sektor na ito ay:
- Mass media except recording
- Practice of all professions including but not limited to engineering, medicine and all allied professions, accountancy, architecture, criminology, chemistry, customs brokerage, environmental planning, forestry, geology, interior design, landscape and architecture, law, librarianship, marine desk officers, marine engine officers, master plumbing, sugar technology, social work, teaching, agriculture, fisheries, guidance counselling, real estate service, respiratory therapy, psychology
- Retail trade services
- Cooperatives
- Private security agencies
- Small-scale mining
- Utilization of marine resources in archipelagic waters, territorial sea, and exclusive economic zones as well as small-scale utilization of natural resources in rivers, lakes, bays, and lagoons
- Ownership, operation, and management of cockpits
- Manufacture, repair, stockpiling, and/or distribution of nuclear weapons, biological, chemical, and radiological weapons and anti-personnel mines
- Manufacture of firecrackers and other pyrotechnic devices
Anti-Dummy Law at mga proyekto ng gobyerno sa pagnenegosyo
Hindi maiiwasang may ilang nananamantala sa mga Pilipino upang mapasok ang mga nasabing industriya at gumagamit ng “dummy” o kinatawan na Pilipino na tatayo bilang may-ari ng negosyo, subalit sa huli ay ang mga dayuhan pa rin ang magde-desisyon dito. Upang maiwasan ang paggamit sa mga Pinoy ay nagawa ang Commonwealth Act No. 108 o Anti-Dummy Law. Ang dayuhan at Pilipino na mapapatunayang lumabag sa batas na ito ay may maaaring maparusahan ng 5-15 na taon na pagkakakulong at magbayad ng napakalaking multa.
Kadalasan ay napipilitan ang mga Pinoy na kumapit sa patalim at magpagamit sa mga dayuhan dahil sa kakulangan sa pondo o kapital. Ang pagsisimula ng negosyo ay minsan nangangailangan ng malaking pera para tuluyang magtagumpay.
Sinusubukan ng gobyerno na matugunan ito sa pamamagitan ng mga iba’t-ibang proyekto na tutulong sa mga Pinoy na makapag-negosyo. Pinangangasiwaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Pondo sa Pagbabago at Pag Asenso or P3 program na isang programa sa pagpapautang para sa mga micro entrepreneurs. Sa ilalim ng programang ito, maaaring manghiram ang isang negosyante mula P5,000 hanggang P100,000 sa mga maliliit na negosyo na may 2.5% na interes kada buwan o 30% na interes kada taon. Maaari ring maaprubahan ang loan sa loob lamang ng isang araw.
Pinag-aaralan din ng NEDA ang mga sektor na maaaring pasukin ng mga dayuhan ng 100% kada dalawang taon. Mas pinapalawig ang mga negosyong maaaring pasukin ng dayuhan upang mas mahikayat silang mamuhunan sa bansa.
Ang pamumuhunan sa Pilipinas ay tila isang malaking pagsubok para sa mga dayuhan na nais mag-negosyo. Ngunit maraming benepisyo ang pagnenegosyo sa Pilipinas, kabilang dito ang kaugalian ng mga Pinoy na pagiging masipag at masigasig sa kanilang trabaho. Kailangan lamang sundin ang mga batas sa pagrehistro ng iyong negosyo.