Ni: Wally Peralta
SIMULA ng magsimula ang isang segment sa noontime show na “Eat Bulaga,” ang “Kalyeserye,” ay nabuo ang karakter ng tatlong lola na ginagampanan nina Wally Bayola bilang si Lola Nidora, Paolo Ballesteros bilang si Lola Tidora at si Jose Manalo naman ay bilang si Lola Tinidora. Naging klik ito sa masa, sa katunayan pa nga ay naging malaking tulong ang tatlong lola sa matagumpay na karir ngayon nina Alden Richards at Maine Mendoza na nakilala bilang AlDub loveteam. Nagkaroon ng sariling TV show ang 3 lola na “The Lola’s Beautiful Show” na mapapanood sa GMA-7 bago mag-Eat Bulaga. Andiyan pa rin naman ang kanilang pelikulang “Trip Ubusan, Lola Vs Zombies.”
Sa kabila ng lubos-lubos na kaligayahan handog ng mga lola sa publiko ay andun naman ang hirap nang nasabing karakter para sa tatlo.
“Mahirap kasi mabilisan,” ang paunang tugon ni Jose Manalo.
“Mahirap pagdating sa make-up.”
“Pero dahilan sa maganda naman yung character at may mga magagandang aral itong nakakapulutan ng mga manonood, kaya kahit ayaw mo yung mga nilalagay sa mukha mo ay no choice ka bilang isang artista na gawin na lang ito.”
Sa ngayon ay ‘wala’ na muna ang 3 lola sa ‘Kalyeserye’. Pahinga na muna ang kanilang karakter sa “Eat Bulaga” kung kailan ito ibabalik ng management ng naturang noontime show, wala pang katiyakan. Magkagayunpaman ay tuloy-tuloy pa rin ngayong taon 2018 ang karakter ng mga lola sa TV show nila sa Kapuso Network.
Feel rin ba ni Jose Manalo na tumagal ang kanilang sariling TV shows? Lalo pa’t araw-araw ay nakasuot o nasa karakter sila ng mga lola, fully make-up with matching woman’s dress pa silang suot-suot.
“Kung magtagal pa ba ito, ay okey lang sa akin yun. Work pa rin iyan.”
Matapang kung kinakailangan
Ano naman kaya ang karakter ni Lola Tinidora na kahawig sa tunay na buhay ng isang Jose Manalo? Meron naman kaya?
“Meron.”
“Si Lola Tinidora kasi ay maharot, madaldal at matapang. Sa totoong buhay hindi ako maharot at madaldal pero matapang ako.”
“Tumatapang din kasi ako pag naagrabiyado”.
“Sa totoong buhay kasi ay simpleng tao lang ako, ganun pa rin, pag walang trabaho ay nasa bahay lang.”
Duwag magsolo
Inamin din ni Jose Manalo pagdating sa kanyang karir ay matapang siyang gawin ang mga karakter na kahit anong hirap ay sinusubukan niya. Pero sa isang banda ay duwag naman si Jose na magkaroon ng sariling movie tulad na lang ng iba pang komedyante natin. O di nga ba, si Empoy, nagklik nang magbida sa “Kita-Kita” movie nila ni Alexandra de Rossi. Sinong mag-aakalang magkaka-jackpot pala itong si Empoy sa pelikulang iyan na ginawa lang hindi para kumita kundi para makapagpasaya ng tao. Kaso humakot ng milyones sa takilya.
“Ayoko pa talaga, ayokong magsolo.”
“Hindi sa anupaman, may niyerbos kasi ako pagdating sa pagsosolo sa pelikula, wala pa akong tiwala sa sarili ko.
“Ganun akong tao, masegurista. Bago gumawa ng isang proyekto ay dapat sigurado ako sa sarili ko na kaya kong gawin.”
Eh, kung siya na mismo ang magprodyus ng sarili niyang pelikula?
“Ay, lalong hindi, ha ha ha ha ha,” ang masayang pagtatapos pa ni Jose Manalo.