Ni: Kristin Mariano
Ito nanaman ang bagong taon, marami sa ating mga Pinoy ang nangangako na magbabago kasabay ng pagpapalit ng taon.
Marami sa atin ang gumagawa ng New Year’s resolution, ngunit iilan lang ang nakakasunod dito. Isa sa mga popular na isinasama sa New Year’s resolution ay ang pag-iipon ng pera. Maraming Pilipino ang nagnanais na makapag-impok ng salapi at iwasan ang sobrang paggastos.
May “savings goal” ka ba sa darating na taong 2018? Tulad ng emergency fund, pondo para sa edukasyon para sa dream house, o di kaya para sa pangarap mong business. Madaling sabihin, mahirap gawin. Yan ang pag-iipon! Bakit nga ba hirap ang ilan sa atin mag-ipon? Sa hirap ng buhay ngayon, tila kapos parin ang suweldo ng pangkaraniwang Pilipino. Naramdaman mo na bang tila nagkandakuba ka nang kumayod para sa pera, ngunit pag araw ng suweldo, parang buhangin lang itong dumadaan sa kamay mo?
Mahirap mag-ipon
Napakaraming dahilan kung bakit hindi makapag-ipon ang mga taong hirap talaga makapagtabi ng kaunting yaman. Masasabing kulang sa financial literacy ang maraming Pilipino. Ang financial literacy ay ang kaalaman sa tamang pagma-manage ng pera. Narito ang ilang mga karaniwang dahilan na madalas nating marinig.
Maraming utang – Hindi ka nga talaga makakapag-ipon kung baon ka sa utang. Hindi ka na magkandaugaga sa pagbayad sa lahat ng pinagkakautangan mo. Ang maling paggamit ng iyong credit card ay nagreresulta sa malaking utang.
Hindi marunong mag-budget – Maraming Pilipino ang hindi nagba-budget ng buwanang gastos kaya ang ilan sa atin ay kinakapos bago pa man dumating ang sususnod na suweldo. Mayroon ding sakit ang ilang Pinoy ang pagiging one-day millionaire o ang pagiging magastos hanggang may pera.
Kulang ang suweldo – Ang pinakamadalas na dahilan ng karamihan ay sadyang kulang ang kanilang sahod para sa kanilang pangangailangan. Dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin, hindi na sapat ang buwanang suweldo ng pangkaraniwang manggagawa.
5 tips ng pag-iipon
Importante ang pagtatabi ng pera dahil sa iba’t ibang dahilan. Una sa lahat, para sa mga di-inaasahang pagkakagastusan tulad ng pagkakasakit. Pangalawa, para sa investment o business. Pangatlo, para sa pagtanda o kapag hindi na kayang maghanap-buhay. Narito ang limang paraan para makapagtabi ng salapi para sa darating na taon.
- 52-week savings challenge
Mayroong 52 na linggo sa loob ng isang taon. Mag-ipon ng pera kada linggo. Magsimula sa halagang kaya ng suweldo mo. Maaaring magsimula sa barya lalo na kung baguhan ka palang nag-iipon at pataasin ang “increments” sa susunod na linggo. Ugaliing magtabi kada linggo upang maabot ang iyong goal.
- 20% savings mula sa suweldo
Sinabi ng maraming eksperto na 20%-25% ng kabuuang suweldo ang dapat inilalaan para sa “savings.” Pagkasyahin ang natitirang 80% ng suweldo sa pang-araw-araw na gastusin. Madalas, ang mali natin ay ganitong formula ang ating ginagamit:
SAHOD – GASTOS = IPON
Ang tamang formula ng pagastos sa sahod ay ganito:
SAHOD – IPON = GASTOS
Gumawa ng budget sa natitirang 80% sa pamamagitan ng paglista ng lahat ng gastusin kabilang ang malilit na bagay. Kung hindi kasya ang pera, subukang magbawas ng maliliit na bagay tulad ng bisyo, softdrinks, pagta-taxi, at pagkain sa labas ng madalas.
- Auto-debit ng mga bangko
Ang pagse-set-up ng automatic transfer papunta sa iyong savings account ang isa sa pinakamabilis na paraan ng pag-iimpok. Siguraduhing hindi madaling i-withdraw ang pera sa iyong savings account ngunit madali paring makuha sa panahon ng emergency.
- Mutual funds, UITF
Bagaman mainam ang magkaroon ng savings account para sa mga emergency upang mabilis makuha ang pera, mas mainam din na mag-impok sa pamamagitan ng iba’t ibang investment vehicle tulad ng mutual funds at UITF na produkto ng mga bangko. Ang savings account ay karaniwang may interest rate na hanggang 1.75% lamang. Sa UITF at Mutual funds, depende sa risk, umaabot ng 25% ang interes ng pera na na-invest.
- Time-deposit
Iba naman ito sa normal na savings account, sa time-deposit account, hindi maaaring i-withdraw ng depositor ang pera mula sa account sa loob ng ilang buwan. Sa ibang bangko, umaabot ito ng taon. Dahil dito, halos doble rin ang interes sa time-deposit accounts.
Paano magsisimula?
Kung sa tingin mo ay hindi mo kayang gawin ang limang paraan na inilahad sa itaas, magsimula sa tradisyunal na paraan ng pag-iipon ng barya-barya sa isang alkansya mula sa iyong mga sukli. Maaari ring simulan ang pag-iipon sa pagbabago ng iyong mga asal o tinatawag na “lifestyle changes”. Ang pagbabago ng mga nakagawian ay ang pinakamabisang paraan upang mahubog ang ugali ng pag-iipon. Mas magiging madali ang pag-iipon kapag nagawa ang mga asal na ito.
- Paghahanap ng mas murang alternatibo sa nakagawiang mga “branded” na produkto – Mahilig ang karamihan sa mga ‘Pinoy sa branded na produkto dahil sa kaisipang mas maganda at mas mataas ang kalidad. Subalit marami ring de-kalidad na produkto na walang pangalan.
- Pagbabawas ng bisyo – Isa sa mga gastusin ng ilan ang sigarilyo, alak, at softdrinks. Ang pagbabawas sa mga produktong ito ay pagbabawas din sa buwanang gastos. Gawin ito ng paunti-unti tulad ng mula sa isang kaha ng sigarilyo sa kalahating kaha.
- Paggawa ng budget – Gumawa ng listahan ng lahat ng pagkakagastusan sa loob ng isang buwan at maglaan ng budget para dito tulad ng pagkain, transportasyon, kuryente, tubig, atbp.
- Paghahanda sa mga malakihang gastos – Paghandaan ang mga malakihang gastos tulad ng pasko, kaarawan, tuition fee. Sa pagtatabi ng maliit na halaga kada buwan ay mas madali kaysa sa biglaang gastos.