Pinas News
NAKATUTUWA para sa hanay ng mga mamahayag ang balitang, mas tiwala ang mga Pilipino sa inilalabas na balita ng Philippine Media kaysa iba pa.
Mapapa ‘wow’ din ang ibang naghahanap-buhay sa mainstream at print media sa inilabas na survey ng Pew Research Center ng Estados Unidos.
Ayon kasi sa pag-aaral na kanilang inilabas, 78% sa mga Pilipino ang nagsasabinng maayos ang paghahatid ng balita ng mga mamahayag sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng pagbatikos ng mga may sariling news fan page o account sa social media kasama ang mga blogger patungkol sa ilang mga mamahayag na bayaran umano para mag-ulat ng mali-maling mga balita.
Matatandaan na tila nahati rin ang pananaw ni Juan Dela Cruz nang magkaroon ng animo’y sigalot sa pagitan ng mga nasa lehitimong mamahayag at ilang mga gumagawa ng sariling balita sa social media.
Nauso rin ang katagang ‘fake news’ dahil sa mga alitang ito na umabot pa hanggang sa Senado.
Kung mababalik-tanaw din tayo sa nakaraang taon, makailang ulit din binanatan ni Pangulong Duterte ang foreign media dahil sa pag-uulat umano ng mga ito sa kalagayan ng buong bansa sa usaping extra-judicial killings, drug campaign ng pamahalaan at iba pang usaping pulitikal.
Nanggagalaiti sa galit si Digong sa pagsali umano ng international media sa buong bansa sa mga nabanggit na usapin gayong di man lang daw nabigyan ng tiyak na lugar kung saan nagaganap ito.
Mabilis din ang aksyon ni DFA Sec. Allan Peter Cayetano na ipagtanggol sa ang sitwasyon ng bayan nang siya ay dumalo sa isang programa ng foreign broadcast company.
Si Juan Dela Cruz ay nagmasid pa kaya’t ayon pa sa naturang 1,000 respondents ng survey, 83% sa mga Pilipino ang natutuwa sa pagbabalita sa usaping pulitikal habang 87% ang nalulugod dahil sa pagbabalita ng local media sa mga mahahalagang pangyayari sa loob ng bansa.
Malaki ang ambag ng mga lokal na mamahayag sa bansa. Iba ang tradisyon at kulturang pagpapahayag sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang mga bansa. Pagiging balanse sa iba’t ibang anggulo ng balita ang sinusuri at kinakapanayam upang malaman lang ang bawat opinyon ng mga sangkot sa balita.
Malaki rin ang tiwala at kumpiyasa ni Juan kung ang pinakikinggan, binabasa at napanonood na naghahatid ng impormasyon ay may kredebilidad at paninindigan sa sinasabi.
Sabi nga ng isang beterano na sa pamamahayag ‘babalik at babalik pa rin si Juan sa nakasanayan niyang balita kahit sumulpot pa ang social media.’
Hindi rin bulag,pipi at bingi si Juan kung magsuri ng balita lalo na sa panahon ngayon na napaka modern na halos ang bawat galaw ng sinuman.
Kaya’t wag nang ipagtaka ng ibang mga foreign media kung bakit ang lokal na pamamahayag ang mas gusto ng karamihang mga Pilipino kaysa sa labas ng bansa.
Nawa’y ang resultang lumabas sa survey ang talagang magpapamulat sa lahat na ang mga lehitimong media, mainstream o print man ay tulay lamang ng sambayanan sa paghahatid ng impormasyon at hindi tulak ng anumang bagay.
Hangad pa rin ng mga nasa hanay ng media na wakasan na ang walang habas na pamamaslang at pagbusal sa karapatang maipahayag sa lahat ang sinumpaang ‘katotohanan’.