PINAS

Maginhawang buhay, paglago ng ekonomiya sa Year of the Dog

 

Ni: Fedeluz C. Lozano

ANG 2018 ay Year of the Dog, base sa Chinese astrology, ang bawat taon ay may kinalaman sa Chinese zodiac animal mula sa 12-year cycle, kung saan ang 2018 ay Earth Dog Year.

Sa pagtatapos ng ikatlong quarter ng taong 2017, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) maganda at mapapabuti ang ekonomiya at buhay ng mga Filipino ngayong taong 2018.

Umabot sa apatnaput pitong porsiyento (47%) ang nagsabing giginhawa ang kanilang buhay sa 2018, kumpara sa apat na porsiyento (4%) na nagsabing lalala ang kanilang sitwasyon.

Nang maaprubahan kamakailan ang P3.767 trillion, 2018 National Budget may malaking pondo na para sa malawakang programa sa imprastruktura na magpapasigla sa ekonomiya ng buong Pilipinas, pagpapatayo ng mga kalsada at tulay, mga gusali at silid-aralan, mga paliparan at pantalan, mga riles, at maging subway. Ang maraming proyektong ito ay makatutulong sa ekonomiya. Siguradong sa mga karaniwang mamamayan ay makapagbibigay ito ng maraming trabaho at hanapbuhay para sa kanilang pamilya na gagamitin sa  pang-araw-araw na buhay at mga pangangailangan.

 

PAGDARAGDAG, PAGSASAAYOS NG MGA PALIPARANG PANDAIGDIG

Malaking tulong sa pag-unlad ang mga paliparang pandaigdig  kung mas maraming proyektong pang imprastraktura ang ilalaan para sa pagdaragdag at pagsasaayos ng mga paliparan sa buong bansa.

Maraming taon ang nakalipas, naumpisahan na rin ang proyektong pagde-develop sa Clark International Airport  sa Angeles City, Pampanga.

Ginanap ang groundbreaking rites ng New Terminal Building sa 100,000 metro-kuwadradong lugar, na kung matatapos ay magagawang tumanggap ng hanggang walong milyong pasahero kada taon.

Ang Clark ay sentro ng programang pang-imprastruktura sa Luzon na kinabibilangan ng ilang expressway patungo sa Northern Luzon at sa silangan ng Aurora at ang kabuuan ng airport-expressway system ay gagastusan ng P1 trillion, ayon kay Finance Secretary Carlos “Sonny” Garcia Dominguez III.

Ilan sa mga dahilan ng pangunahing programang ito sa Central Luzon, ang Clark ay sentro na lulutas sa tumitinding problema sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang pangunahing paliparan sa bansa. Hindi na magawa ng NAIA na tumanggap ng milyon-milyong bumibisita sa bansa, bukod pa sa milyon-milyon ding mga Pinoy na nag-a-abroad, na karamihan ay Overseas Filipino workers (OFWs).

Ngunit hindi naman napapabayaan at napag-iiwanan ang NAIA, dahil mayroon itong development program. Ilang kumpanya ang bumuo ng consortium na nagsumite ng panukalang isailalim sa rehabilitasyon at pangasiwaan ang NAIA, na sa kabila ng mga limitasyon nito nasa 63.5 ektarya lamang ito at may iisang runway ay may hindi matatawarang bentahe sa lokasyon nito na nasa sentro ng ekonomiya ng Metro Manila.

Ngunit nakatuon sa Clark ang pagpapaunlad, dahil sa malawak nitong lupain na 4,000 ektarya at dalawang dambuhalang runway na itinayo ng US Air Force para sa mga bomber at swift fighter nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II), noong Korean War, at noong Vietnam War. Sa  nakalipas na mga buwan noong taong 2017, mas marami nang kumpanya ng eroplano ang inilipat sa Clark ang operasyon.

 

PAMUMUHUNAN NG MGA DAYUHAN SA BANSA

ILANG araw bago matapos ang taong 2017, napakaganda ang ibinalita ng  Board of Investments (BOI).

Ang Foreign Direct Investment (FDI) commitments sa bansa ay maaaring umabot sa P617 bilyon ang kabuuan. Malaking angat ito mula sa P442 bilyon noong 2016, ayon kay BOI Chairman at Department of Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez.

Ito ang pinakamataas na naitala sa 50-taong kasaysayan ng BOI.

Nagtakda ang gobyerno ng target na P500 bilyon para sa foreign investments sa 2017 Investments Priorities Plan nito na nagtalaga ng mga estratehikong sektor na nakatuon sa pag-unlad.

Ang programang pang-imprastruktura na “Build, Build, Build”, mga proyekto sa pagpapaunlad ng supply ng kuryente at ang inaasahang pagsulong ng domestic demand. Ang puntiryang P500 bilyon sa FDI ay nahigitan pa ng mga commitments na natanggap ng bansa.

Sa kabuuang FDI ng Pilipinas, idadagdag na natin ang bagong investment pledges na P617 bilyon. Ang mga bagong pamumuhunang ito ay mapupunta, sa mga proyekto sa enerhiya; sa mga proyektong imprastruktura; sa sektor ng manufacturing; sa real estate; at sa transportasyon at logistics.

Ang mga bagong dayuhang pamumuhunan ay ilalaan sa mga proyekto para sa Region IV-A (Calabarzon); sa Region III (Cenral Luzon); sa National Capital Region (Metro Manila); sa Region I (Ilocos); at sa Region 7 (Central Visayas).

 

GDP NG BANSA UMAKYAT SA 6.9%

Umarangkada ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa 6.9 na porsiyento (6.9%) sa huling bahagi ng taon, ang upgraded outlook ng Asian Development Bank para sa pag-unlad sa Pilipinas sa 2018 na itinaas sa 6.8 porsiyento, ang pagtataas ng Fitch Ratings sa investment rating ng Pilipinas sa “BBB” ay napakapositibong pagkilala ng pandaigdigang komunidad sa sumusulong na ekonomiya ng Pilipinas.

Sa unang kuwarter (Enero-Pebrero-Marso) ng taon, nasa 6.4 na porsiyento ang GDP ng bansa, na umakyat sa 6.7 porsiyento ikalawang kuwarter (Abril-Mayo-Hunyo). Hindi tumigil dito ang pag-unlad, ayon kay National Economic and Development Authority Secretary Ernesto Pernia. Kaya tama lang ang higit pang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa ikaapat na kuwarter ng taon (Oktubre-Nobyembre-Disyembre), dahil sinimulan ng administrasyong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang programa nito sa imprastruktura na “Build, Build, Build!” Ito ang pangunahing timon ng ekonomiya, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III.

 

IBA’T IBANG PROYEKTO NG GOBYERNO

Kabilang sa mga programa at proyekto ng gobyerno ay ang pagkumpleto sa Tutuban-Malolos-Clark railroad project na pinondohan ng China. Ang proyektong ito, na binuo noon pang panahon ng administrasyong Ramos, ay paulit-ulit na nabalam sa nakalipas na mga taon dahil sa mga hindi pagkakasundo sa usaping legal. Sa wakas ay naplantsa na ang isyu, ayon kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade.

Ang rail project ay isa sa 11 naaprubahan sa unang bahagi ng taong ito. Kabilang din dito ang Mindanao Railroad Project, Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project, Clark International Airport Expansion Project, Chico River Pump Irrigation Project, Unified Grand Central Station ng tatlong light rail line sa Metro Manila, at ang Kaliwa Dam Project. Inaasahang makukumpleto bago matapos ang taong ito ang P10.5-bilyon North Luzon Expressway Harbor Link Segment 10.

Ang posibleng pinakamalaking single project ay ang P227-bilyon Mega Manila Subway na mag-uugnay sa Quezon City, Mandaluyong, Pasig, at Taguig, na gagamitan ng teknolohiya at ayuda ng Japan.

Ang lahat ng proyektong ito ay bahagi ng tatlong-taong programang “Build, Build, Build!” simula 2018 hanggang 2020, na tinatayang gagastusan ng P3.6 trilyon. Makapagbibigay ang mga proyektong ito ng mga trabaho, pasisiglahin ang mga negosyo, at magpapatayo ng mga kalsada, tulay, dam, pampublikong pasilidad, paliparan at pantalan, eskuwelahan, at iba pang pampublikong gusali, na magkakaloob ng pundasyon para sa higit pang pagpapaunlad ng pambansang ekonomiya sa mga susunod na taon