PINAS

Magpalaki ng halaman, umani ng isda, the Aquaponics way!

Ni: Edmund C. Gallanosa

SULIRANIN na ng karamihang bansa sa mundo ang pagmumulan ng pagkain ng populasyon nito sa araw-araw.  Dahil sa minu-minuto, dumarami ang populasyon ng tao at lumalakas ang konsumpsyon sa pagkain, at kasabay nito lumalaki rin ang pangangailangan ng matitirahan ng bawat pamilya, kung kaya’t lumiliit naman ang mga lugar na pinagtataniman ng mga pagkain tulad na lamang ng palay, trigo, prutas at gulay.  Ganun din ang pinagkukunan ng ating pangangailangan sa pagkaing laman-tubig, tulad ng mga isda.  Kung hindi kumakaunti ang populasyon ng isda, parumi na nang parumi ang mga ilog, sapa at ilang lugar na maaaring pagpapalakihan ng mga isda.  Sa mga ganitong pagkakataon, marahil ang Aquaponics ang sagot sa suliranin natin sa pamamaraan ng pagpaparami, o pagpapalaki ng pwede nating kainin.

Sa ibang bansa itinataguyod na ang aquaponics.  Sa katanuyan, ito ang ipinapalaganap sa iba pang parte ng mundo, lalo na sa mga lugar na pahirapan sa espasyo ng pagtataniman, o pagkukuhanan ng tubig para pandilig o irigasyon.   Ito kasi ang pinaka-praktikal na solusyong pandagdag produksyon sa mga pagkaing halaman at isda.

“In aquaponics we are incorporating hydroponics with aquaculture.  So we’re using the water that’s circulating through the fish system to propagate and to grow plants with,”  sabi ni Bradley Todd, Aquaponics at Greenhouse Manager ng Lucky Clays Fresh, isa sa prominenteng aquaponics farm sa Estados Unidos.

May dalawang katangian kasi ang Aquaponics na pwede nating pakinabangang maigi.  Una, ang dami ng maaaring i-produce rito o tinatawag na ‘yield’ sa maliit na area lamang at ikalawa, ay ang water conservation.  Halos 95 porsiyento ng tubig ay nare-recycle at hindi kailangang magdagdag nang magdagdag.

“You know, one of the other thing is, as the population grows and real estate shrinks and the fish stocks in the ocean get depleted through overfishing and disease, we have to find out ways to feed the population and one way of doing it is a system like this to where you can do it in inner city, a building, renovate it, set it up that way, or you can do it outside.  Or in rural areas like what we’re doing,”   sabi pa ni Jean Paul Able, Farm Manager sa Lucky Clays.

Sa Pilipinas marapat lamang na tangkilikin ang pagpapalaganap ng Aquaponics, sapagkat maaari itong gawin kahit sa maliit na espasyo sa inyong hardin o tahanan.   May ilang indibidwal na at grupo ang nagpapalaganap nito at matagumpay nang naisasagawa, libangan man o pang-negosyo.

Isa na rito ang negosyanteng si KC De Guzman ng Red Tilapia Depot.  Mula sa pag-aalaga ng isda ay isa na siya sa masugid na nag-iimpluwensiya ng paggamit ng Aquaponics.

“Nagsimula ako una sa aquaculture.  Taong 2007 ako bumili ng red tilapia fingerlings at nilagay sa maliit na fishpond namin.  Pinakain, lumaki, nagbreed at kinain.  Paulit-ulit lang siya kasi ‘di naman nauubos dahil nagbi-breed na siya kaya continuous ang supply.

Noong mga taong 2010-2011, marami nang nagbebenta ng fingerlings ng red tilapia kaya naisipan ko, bakit ‘di ako magbreed at magbenta.  So that time bumili ako ng magandang breeder at nagsimulang magbreed para ibenta,”   kwento ni KC.

Hobby lang sa umpisa and until now naman kahit nagbebenta ako.  Kahit walang bumibili okay lang sa akin kasi part naman siya ng hobby ko at hindi ko talaga ikinukonsidera na business siya.   Ako nag-aalaga, ako nagbebenta, ako na rin ang nagdedeliver,”   dagdag pa ni KC.

Sa kasalukuyan, ang kaniyang mga alaga ay parte na ng kaniyang aquaponics package na kinakalakal.   Ngayon, dumarami na ang kaniyang parokyano hindi lamang sa pag-aalaga ng red tilapia, kundi pati na rin sa larangan ng aquaponics.

“Ang malaking advantage ng aquaponics ay ikaw mismo ang mag-aalaga ng kakainin mo, mapa-isda or gulay.  Fresh from your system to your table.  Alam mong maganda ito para sa iyong pamilya dahil bukod sa ito’y sariwa, ang paraan ng pagpapalaki ay organic at alam mo sa sarili mo na malinis,” dagdag pa ni KC.

Kapag  nagamay na ang balance sa takbo ng recycling system ng aquaponics, tiyak na resulta nito ang mabilis na pagpapalaki ng mga alaga ninyong isda, ganun din ang mga halaman.

“Ang mga common problem na mae-encounter ninyo lalo sa pagsisimula ay ‘yung maging stable ang system ninyo na usually, magstabilize ng atleast 3 weeks.  Maaaring magtagal depende sa panahon kung malamig o mainit, or sa environment din ninyo.  Ang mainam lamang ay walang pinipiling panahon ang aquaponics,”  dagdag pa ni KC, sa mga nais sumubok nito at gawing commercial o pangkabuhayan ang aquaponics, inirerekomenda niyang magpokus sa mga halaman sa umpisa, kaysa sa isda sapagkat mas mabilis aniya ang ‘harvest time’ dito kumpara sa isda, at mapapabilis ang return of investment ninyo.

Tunay ngang maipagmamalaki nating mga Pinoy ang naging hakbang ng ilan nating kababayan na sumasabay sa daloy ng pag-usad ng panahon at ang patuloy na paghahanap ng solusyon para sa ikauunlad ng ating komunidad.  Hobby man o negosyong maituturing ang aquaponics para sa ilang tao, napapanahon ang paggamit nito, at ang pag-iimpluwensiya sa ating mga kababayan, tulad ng ginagawi ni KC de Guzman ng Red Tilapia Depot.

“Magandang matutuo ngayon at dahil sa teknolohiya natin, madali nang makahanap ng guide mula sa internet.  At ‘wag mahiyang magtanong sa mga tao na may experience na sa paga-aquaponics,”   huling pahayag ni KC.   Ang Red Tilapia Depot ay matatagpuan sa Valenzuela City o maaari ninyo siyang kontakin sa 0943-427-0298 o bisitahin ang kaniyang facebook, ang Red Tilia Depot.