Pinas News
HINDI ba natin napapansin ang situwasyon ngayon ng Metro Manila?
Pasikip na nang pasikip ang mga pangunahing lansangan dahil sa dumaraming mga sasakyan at dagdag pa ang nagsusulputang mga malalaking gusali sa kabila ng mga nagsisikipang lugar.
Kailan pa ba natin matugunan ang lumalalang sitwasyon ng Maynila?
Kapag ito ay malayo nang masolusyonan?
Kung papansinin natin ay nakatatakot na ang sitwasyon ng Metro Manila maliban sa nagsisikipang lansangan at lugar ay lumala na rin ang polusyon na mapanganib sa kalusugan ng mga mamamayang namamalagi rito.
Kailangan na siguro nating pagtuunan ng pansin ang mabuting pagplano para sa magandang kinabukasan ng Metro Manila. Ika nga ni Pangulong Rodrigo Duterte magiging isang “dead city in 25 years” ang Metro Manila kapag hindi kaagad ito maaksyunan.
Nararapat na pagtuunan ng pansin ng mga namumuno sa bawat lungsod ng Metro Manila ang pagsagawa ng urban planning. Ang maiging pagplano sa lugar ay maka-iiwas sa mga situwasyon ng kabiguang maisabuhay o mapasigla ang Metro Manila dahil bigo ang ilang nasa lokal na pamahalaan na maisakatuparan ang mabuting pagplano rito.
Ang mabuting pamunuan ay hindi tumitingin sa perang inaalok ng mga mayayamang developer na nais magtayo ng malalaking gusali sa nagsisikipang lugar. Sa panahon ngayon mistulang malaya ang lahat na magtayo na lamang ng gusali kung saan nila gusto.
Hindi rin alintana, kung ito ay nakasisira sa tanawin o nagpapasikip lalo sa trapiko ng lugar. Isa na rito ang maanomalyang pagtayo ng Torre de Manila na tinutulan ng marami na sa huli ay inaprubahan din. Napapansin din ang mga nagsulputang mga gusali ng mga condominium at malls sa matrapikong lugar.
Dapat na tingnan at pag-aralan natin ang mga namumunong lungsod sa mundo kagaya sa Rome, Tokyo, London at New York kung saan naisakatuparan ng mga ito ang pagbabago upang mapanatiling masigla at buhay ang kanilang mga lugar. Maaaring maging masigla rin ang Metro Manila kapag maagapan at magawan ng mabuting pagplano sa lugar.
Isa na rin sa umambag sa lumalang sitwasyon ang libo-libong mga sasakyang dumadagdag sa bawat taon dahil sa hindi tamang regulasyon sa pagbili ng mga sasakyan. At ang mga luma at sirang sasakyang nananatili sa mga lansangan ay nararapat na ring ipatapon na siyang nagdudulot ng masamang hangin dahil sa maitim na usok na dulot ng mga ito.
Kaya tama lamang ang programang modernisasyon ng administrasyong Duterte pati na ang pagpataw ng excise tax sa mga sasakyan sa pamamagitan nito ay mababawasan ang pagbili ng mga bagong pribadong sasakyan. Nasa pamunuan na lamang kung paano maisakatuparan ang nararapat na mga regulasyon na kailangan para sa ikabubuti ng ating mga pangunahing lungsod sa Maynila.