PINAS

Mga inspirasyonal na sawikain sa likod ng pinakamayayamang Pilipino

 

Ni: Kristin Mariano

Kapag tinanong mo ang kahit sinong Pilipino kung gusto nilang yumaman, lahat sila ay tatango at magsasabi ng “oo”. Pero paano nga ba yumaman? Namamayagpag ang mga Pilipino at 14 na mga Pinoy ang nasa listahan ng mga bilyonaryo sa buong mundo.

Pamilyar tayo sa mga “rags-to-riches” o mula sa hirap na mga kuwento. Hindi lahat ng mayaman ay ipinanganak din sa yaman, marami sa kanila ay galing sa hirap. Sa katunayan, maraming mga negosyante ang galing sa hirap at ang kanilang paghihirap ang nagtulak sa kanila upang magsipag at marating kung ano man ang narating nila ngayon.

Narito ang kuwento ng limang negosyante sa Pilipinas na punong-puno ng inspirasyon at ang kanilang motibasyon sa likod ng kanilang matatagumpay na negosyo:

 

Si Henry Sy ang pinakamayaman sa Pilipinas. Pag-aari ni Sy ang SM Group, BDO, at China Bank.

 

Walang mahirap sa taong may pangarap

Sa murang edad na 12, dumating sa Maynila ang batang si Henry Sy para tumulong sa negosyong sari-sari store ng kanyang ama. Subalit noong panahon ng hapon, nasira ng giyera ang dalawa nilang tindahan. Labis itong ikinalungkot ng kanyang ama at nagpasyang bumalik sa Tsina.

Ang batang Henry Sy ay nagpatuloy sa pakikipagsapalaran sa Maynila at nagtayo ng kanyang sariling negosyo at nagtinda ng sapatos sa isang maliit na puwesto sa may Quiapo. Mula sa kita ay nakapagtayo siya ng department store hanggang sa kilala nating SM. Si Henry Sy ang pinakamayaman sa bansa at may-ari ng BDO at Chinabank.

 

Mula mayaman, naghirap, nagsumikap hanggang sa yumaman muli ang kuwento ni John Gokongwei Jr.

 

Mayaman-naghirap-yumaman ulit

13-anyos pa lamang si John Gokongwe, Jr. ng mamatay ang kanyang ama. Dahil dito ay halos nawala ang lahat sa kanilang pamilya – bahay, kotse, at negosyo. Ang dating mayaman ay nakaranas ng hirap at iniwasan ng kanyang mga kaibigan si John. Dahil sa kawalan ng pera, kinailangan tumigil sa pag-aaral ni John at magtrabaho upang masuportahan ang kanyang ina at mga kapatid.

Nagtinda siya palengke sa Cebu at naglalako ng kahit anong bagay na pwede niyang maibenta gamit ang kanyang bisikleta. Napalago niya ang kanyang negosyo at nagtinda sa Maynila. Nagpursige ang batang Gokongwei at pinasok ang pag-i-import hanggang sa nagtayo rin siya ng mall na kilala natin ngayon bilang Robinson. Pag-aari rin ni Gokongwei ang Universal Robina at Cebu Pacific.

 

Mula sa pagiging bantay sa may-ari ng book shop – yan si Socorro Ramos, nagtayo ng National Bookstore.

 

Never say die!

Bagkus ito ang bukambibig ng mga Ginebra fan, tila ito rin ang motto sa buhay ni Socorro Ramos. Mula sa pagiging bantay ng isang book store sa Escolta, nagtayo si Socorro ng kanyang sariling tindahan matapos makapag-asawa. Dahil nagsisimula pa lamang, si Socorro lahat ang gumagawa sa tindahan mula sa pagbebenta hanggang sa paglilinis sa gabi.

Ngunit malupit ang tadhana at nasunog ang kanyang tindahan noong panahon ng giyera. Hindi pinanghinaan ng loob si Socorro at nagtayo ulit sila ng bagong tinadahan at dinagdagan ang maaari nilang ibenta tulad ng mas murang mga textbooks. Ngayon ang National Bookstore ay sikat na tindahan ng mga office and school supplies at mga libro.

 

Saan aabot ang 100 pesos mo?

Hindi hadlang ang maliit na kapital para mapalaki ang isang negosyo. Nagtatrabaho si Mariano Que sa isang botika ng makita niya ang pangangailangan sa sulfa drugs matapos ang giyera. Ang sulfa drugs ay ginagamit para mapigilan ang impeksiyon. Sa halagang 100 pesos at kanyang kaalaman sa mga gamot, naglako siya ng gamot ng tingi-tingi sa mga mahihirap. Unti-unting lumago ang kanyang negosyo hanggang sa naitayo niya ang Mercury Drug na pinakamalaking botika sa bansa.

 

Wala yan sa edad

Karamihan sa atin, kapag umabot sa edad na 50, oras na para megretiro. Pero hindi ito ang nasa isip ni Julie Gandiongco. Tipikal na maybahay si Julie na nag-aalaga ng mga anak at nananahi para kumita ng ekstrang pera pandagdag sa panggastos.

Nag-resign bigla ang kanyang asawa sa trabaho upang pagtuonan ng pansin ang kaniang bukid sa Dumaguete. Subalit hindi ito pinalad at nawala rin sa kanila ang bukid. Alam ni Julie na hindi magiging sapat ang kita niya sa pananahi, nagtayo siya ng canteen sa isang kumpanya nag-e-export. Mahirap ang dating ng pera dahil nagbabayad lamang ang mga trabahador tuwing araw ng suweldo.

Nakakilala si Julie ng isang panadero at nagtayo siya ng maliit na bakery sa Cebu na pinangalanan niyang Julie’s Bakeshop sa edad na 50. Naging kilala ang panaderya dahil sa mga masasarap na tinapay. Kumalat sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang Julie’s.

 

Paano Magsimula ng Negosyo

Sabi nila, ang pagtatayo ng negosyo ang pinakamabilis na paraan para yumaman. Kung sabagay, walang yumayaman sa mga nangangamuhan. Upang makapagtayo ng isang negosyo, kailangan mo ng business idea, kapital, at kaalaman sa negosyo. Bukod sa mga ito, importante rin na mayroon kang “driving force” o motibasyon para ipagpatuloy ang iyong nasimulan dahil kailangan mo ng mahabang pasensya hanggang sa kumita ang iyong negosyo.

Narito ang mga pangunahing kailangan upang makapagsimula ka ng iyong sariling negosyo:

  1. Mag-isip ng business idea. Kailangan ang iyong negosyo ay nasa linya kung saan interesado ka at
  2. Maghanap ng kapital. Laging isipin na ang pagsisimula ng negosyo ay isang “risk” at walang kasiguraduhan.
  3. Ang pagsisimula ng negosyo ay nangangailangan ng sipag at tiyaga.
  4. Sa pagpapatakbo ng negosyo, kailangan mo ng napakahabang pasensya dahil karamihan sa mga negosyo ay hindi agad nagtatagumpay.
  5. Kung sakaling nabigo sa unang subok sa larangan ng negosyo, huwag panghinaan ng loob na subukan muli na magsimula ng panibagong negosyo.