Pinas News
NAKAUGALIAN na ng marami na gumawa ng mga mithiin tuwing Bagong Taon. Dahil ngayon ay pumasok na ang Bagong Taon halos lahat ng tao ay nais na matunghayan ang bansa sa mas nakauunlad na situwasyon.
Pagdating sa mithiin ng maunlad na bansa maraming mga bagay ang pumapasok sa ating isipan na mga nais na pagbabago kagaya lamang ng malaking pagbaba ng bilang ng krimen at ang nakaaantig na pagbaba ng bilang ng aksidente sa mga kalsada. Karamihan din sa mga tao ay minimithing maglaho na ang karukhaan at maitaas ang pamantayan ng pamumuhay, magkaroon ng maunlad na pamantayan ng edukasyon, mabawasan rin ang mga karahasan sa mga kababaihan at mga kabataan at sa iilang mga tao na minimithing magkaroon ng magandang pagtrato sa mga hayop at marami pang iba.
Kabilang na rin sa minimithi natin partikular na rito sa Kalakhang Manila na maibsan ang mabigat na daloy ng trapik at mapaganda ang serbisyo ng MRT at LRT rail transit na hindi na mauulit muli ang mga pagkaaberya sa biyahe ng halos 550,000 pasahero sa bawat araw.
Sa programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte inaasahang magkaroon na ng pag-unlad sa mga inprastraktura ng bansa, makapagbigay ng world class na transportasyon at mga solusyon sa trapik at pagsikip ng lunsod.
Sa pamamagitan ng mga maraming proyekto na gagawin sa programang “Build, Build, Build” makapaglikha pa ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino ngayong taon. At inaasahang ang mga sektor ng ekonomiya ay magsimulang madagdag ng kanilang operasyon.
Unti-unting maipatutupad ngayon taon ang hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte na “101 percent clean government.” Kahit hindi man 100 porsiyento ngunit unti-unting mapaalis sa pamahalaan ang empleyado at mga opisyal na kabilang sa mga anumang iregularidad.
Kabilang din sa minimithi ng maraming mga Pilipino ang mapabilis ang internet connection ng bansa upang mas makatutulong sa mabilis na pag-usad at pag-unlad ng mga negosyo. Sana maipatutupad ng pamahalaan na maging bukas sa ibang ‘telco player’ na nais na mamuhunan sa bansa at sa ganito’y mas mapaigi ang serbisyo ng internet.
Inaasahang ang bagong nilagdaan na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ay magsusulong sa ating bansa sa kaunlaran at walang anumang mga sektor ang maiiwanan ang lahat ay makasabay sa pagsulong nito.
At sa pagbubukas ng Overseas Filipinos Bank (OFB) ngayong Pebrero ay mas lalong mapaigi ang pagbigay serbisyo sa ating mga modernong bayani ng bansa ayon sa ipinangako ng administrasyong Duterte.
Malaki ang pag-asa natin ngayong taon na mas lalong maisulong ang ating bansa patungo sa kaunlaran. Mabuhay tayong mga Pilipino at manigong Bagong Taon para sa lahat!