IPINAHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibitiw ito sa puwesto kapag hindi inaprubahan ng Kongreso ang pagtaas ng suweldo para sa mga uniformed personnel ng bansa. Ang naturang kahilingan ay isang pundasyon ng kaniyang plataporma sa kampanya nito sa pagkapangulo nakaraang taon. Sinabi ng pangulo sa mga mambabatas na gawing priyoridad ang kanyang pangako para sa mga militar sa unang pakete ng tax reform.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
BUHAT sa pasimula ng kaniyang termino, ipinadadama ni Pangulong Rodrigo Duterte na batid niya ang hirap at sakripisyo ng kasundaluhan at pulisya sa pagpapanatili ng seguridad ng ating bayan at sa pagsugpo sa mga elementong nagnanais maghasik ng kaguluhan. Kaya isa sa mga naging prayoridad niya ang dagdagan ang sahod ng mga uniformed personnel bilang pagkilala sa kanilang kagitingan sa bansa.
Sa pagtatapos ng taon, pinatunayan ng lider ng ating bansa na ang pangakong kaniyang binitawan ay hindi napako.
“So because I promised you, I will double your salary. Sabi ko sa kanila (kongreso at senado) … ‘Unahin na muna ninyo iyung pangako ko.’ Kasi sabi ko, ‘kapag hindi niyo inilusot iyan, I will resign as a matter of principle,” ipinahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa ika-82 Anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan kaniyang ibinahagi ang pakikipagusap niya sa kanyang gabinete at ilang kongresista at senador.
Tiniyak naman ni Budget Secretary Benjamin Diokno na matatanggap na ng mga sundalo ang 100% increase sa kanilang base pay sa unang sweldo nila sa 2018 dahil pirmado na ng Pangulo ang joint resolution ng kongreso at senado na nagtatakda sa naturang ayuda.
Paliwanag ni Diokno sa ilalim ng naturang resolusyon , doble ang itataas ng base pay ng isang private sa AFP at Police Officer I (PO1) ng Philippine National Police (PNP), at mga katumbas na ranggo sa Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, at National Mapping and Resource Information Authority.
“A PO1 and those with equivalent ranks will enjoy a 100 percent increase, resulting in a monthly base pay of P29,668… Overall, the salary adjustments will result in a 58.7-percent average increase for all military and uniformed personnel (MUP) ranks, effective January 1, 2018,” wika ni Diokno.
Aabot sa P64.2-billion ang ilalaan para sa nakatakdang umento sa sahod ng mga sundalo, pulis, bumbero, at jail guards sa bansa na kukunin mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund at sa mga budget allotment ng mga responsableng ahensya.
Nakasaad din naman sa House Joint Resolution No. 18 at Senate Joint Resolution No. 11 na tataas ang sweldo ng mga may ranggo ng PO4 hanggang director general at mga katumbas na rango pag sapit ng January 2019.
Ipinunto din ni Diokno na tataas din ang take-home pay ng mga uniformed personnel ng pamahalaan sa ilalim ng bagong Tax Reform Law sa na ipapatupad sa 2018.
“Lover of Soldiers”
Talagang hindi biro ang propesyon ng pagiging isang sundalo dahil kinakailangan dito ang matinding lakas ng loob, isipan, at pangangatawan sa pagsabak sa mga iba’t ibang gawain, lalo na ang panganib ng pakikidigma. Kasama rin ang sakripisyo na mawalay sila sa kanilang mga mahal sa buhay alang-alang sa pagtugon sa tawag ng tungkulin na isulong ng kapayapaan.
Hindi na rin lingid sa kaalaman ng madla na daan-daang mga sundalo na ang nagbuwis ng kanilang mga buhay sa sari-saring engkwentro laban sa mga kaaway ng estado. Nitong taon ay saksi ang buong bansa sa sumiklab na digmaan sa lungsod ng Marawi sa pagitan ng militar at ng pwersa ng ISIS-inspired Maute Group, kung saan nasawi ang 165 na sundalo at mahigit 1,400 naman ang nasugatan. Ang limang buwang labanan, na napagtagumpayan ng mga pwersa ng pamahalaan, ay itinuturing na ‘heaviest urban battle’ mula nang matapos ang World War II.
Ang mga pangyayaring gaya nito marahil ang dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagnanais ng Pangulong Duterte na bigyang lingap ang mga tagapagtanggol ng ating bayan. Kamakailan ay binansagan pa niya ang sarili at ang yumaong Ferdinand Marcos na “lover of soldiers”, na tanging mga pangulo ng Pilipinas na nagbigay ng buong atensyon sa mga pangangailangan ng mga sundalo.
“Hindi ako nagyayabang. Walang ibang presidente, dalawa lang, ang pagbigay na atensyon na kinakailangan para sa isang sundalo. Ako lang pati si Marcos,” sinabi ni Duterte sa harap ng mga sundalong naka-base sa Camp General Teodulfo Bautista sa Sulu nitong Disyembre.
Bilang patunay ng kanyang pagmamalasakit sa mga miyembro ng militar, naglunsad na ng mga programa at nagpamahagi na ng tulong ang Pangulo.
Inilahad ng Pangulong Rodrigo Duterte sa anibersaryo ng AFP sa Camp Aguinaldo ang mga ibayong benepisyong matatanggap ng mga sundalo, kabilang ang pag-release ng P500 milyong pondo para sa mga nasugatan at disabled na mga kawal.
Maglalaan din umano siya ng ibayong ayuda para sa V. Luna General Hospital at Veterans Memorial Medical Center upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyong medikal para sa mga sundalo.
“I will subsidize yung medicines especially those who need the management for pills – it’s 50 million monthly para sa AFP pati 50 million para sa V. Luna. Para sa mga retired dun niyo na kunin yung medicines and management niyo for ailments a soldier suffers when he retires,” wika ng Pangulo.
Dagdag pa ng lider ng pangulo, nakalinya na rin ang programang Standalone Pension Fund para sa AFP. Aniya, ang perang kikitain sa pagbebenta ng ilang prime properties at kampo ng AFP ay gagamitin bilang seed money para sa nabanggit na pension fund.
Binigyang diin din ng Pangulo ang pagnanais niyang matulungan ang mga sundalo na maitawid ang edukasyon ng kanilang mga anak.
“All I want to see is that an ordinary soldier can finance his child’s education. I want a sergeant, a corporal, yung mga anak ninyo, pwede maging, as long as they have the brains, as long as they can continue to go to school, be a doctor or lawyer…”, wika ni Duterte.
Sa madaling sabi, layunin ni Pangulong Duterte na alisin ang pagkabalisa ng tagapagtanggol ng bayan patungkol sa kanilang mga pangunahing pangangailangan—at gagawin niya ang lahat upang na di mabigo ang mga ito.
“Do not worry about your families. Do not kill yourself just thinking about what will happen tomorrow…The Philippine government will always be there to see to it that your children to go to school until college time.”