Ni: Beng Samson
KORAPSYON, ang isa sa mga malalaking dahilan ng kahirapan ng mga ‘Pinoy. Malaking suliranin ito ng bansa na matagal ng pasan ni Juan dela Cruz. Ang mga may kagagawan ay mismong ang mga opisyales na dapat sana ay ating nasasandalan sa ating mga pangangailangan at kahirapan.
Ano ang solusyon? Sabi nga nila, kapag may ilang pirasong bulok na kamatis na nakahalo sa isang buslo, makahahawa ito ng iba kaya’t kailangan itong alisin.
Buena manong sibak sa puwesto sa 2018
Disyembre noong nakaraang taon, inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagsibak sa pinakahuling mataas na opisyal para sa taong 2017. Pagpasok pa lamang ng bagong taong 2018, Enero 4, pinangalanan na ito at inanunsyong si Maritime Industry Authority (Marina) Administrator Marcial Amaro III.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque Jr., kinakitaan ito ng pangulo ng labis na paglalakbay sa ibang bansa. Umabot ito sa bilang na 24 simula nang maupo si Amaro sa kanyang tanggapan – anim dito ang isinagawa noong 2016 samantalang 18 naman noong 2017.
Ikinumpara ng tagapagsalita ang naitalang pitong biyahe ni dating Presidential Commission for the Urban Poor chair Terry Ridon na naging sanhi din ng pagkatanggal sa posisyon ng huli. Aniya kung naging pamantayan ng pangulo ang bilang na ito para tawaging “excessive foreign trips”, higit na asahang mapupuna ang bilang na 24.
Paglilinis sa hanay ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno
Matatandaang inanunsiyo ni Digong noong Marso 2017 na kanyang sinibak sa puwesto ang 92 empleyado sa gobyerno dahil sa graft o iyong pagnanakaw sa gobyerno. Kabilang na dito ang mga kawani sa Bureau of Customs (BuCor), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation Franchising and Regulation Board (LTFRB), Energy Regulatory Commission (ERC), Land Transportation Office (LTO), at iba pa.
Hindi lamang maliliit na empleyado ang nabibilang sa nasabing tanggalan kung di pati mga matataas na opisyal ng bansa ay hindi rin nakaligtas sa pagbabantay ng grupo ni DU30 kaugnay sa diumano’y usaping korapsyon.
Ilan lamang sina Secretary Ismael “Mike” Sueno ng Department of the Interior and Local Government, Peter Laviña, hepe ng National Irrigation Administration (tumanggi sa paratang na korapsiyon at nagsabing hindi siya tinanggal kundi kusang nagbitiw sa tungkulin), Immigration Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles, Undersecretary Maia Chiara Halmen Valdez, Office of the Cabinet Secretary.
Pagtupad sa pangako
Hindi kaila sa lahat ang paulit-ulit na pagsasabi ng pangulo na hindi siya mangingiming sibakin sa puwesto ang mga tiwaling kawani ng gobyerno pati ang mga matataas na opisyal, “Even whiff, or a whisper of corruption, and you’re out”, “I fired a high government official today. I will not mention his name because I do not want to shame the family”, “I will not promise you heaven but I will try to stop corruption”. Ilan lamang ito sa mga nasambit ni Pangulong Digong sa tuwing may tatanggalin itong opisyal sa puwesto.
Matatandaang isa sa mga pangako ni PDU30 ang pagtatanggal sa puwesto ng mga tiwaling ‘nakaupo’ sa puwesto noong panahon ng kampanya.
Pagbuo ng Anti-Corruption Commission
Upang mas lalong mapaigting ang kampanya laban sa korapsiyon, nagpalabas ng kautusan ang pangulo para sa pagbuo ng Presidential Anti-Corruption Commission noong nakaraang taon. Layon nitong palawakin pa ang pag-iimbestiga sa lahat ng presidential appointees, kabilang na ang mga nasa labas ng executive branch.
Nakasaad sa Executive Order No. 43 na nilagdaan ni Pang. Duterte noong Oktubre 4, 2017, na ang Komisyon ay binuo at dinesenyo upang asistehan ang pangulo sa pag-iimbestiga at pagdinig sa mga kasong administratibo ng graft at corruption.
“Pag hindi ka sumipot doon sa Commission na ‘yun, if I do not have the subpoena powers, then I will apply for a subpoena powers from the courts. Pag hindi kayo sumipot, aarestuhin. I will order the police and the military to arrest you. ‘Yan lang ang paraan eh,” babala ni Duterte matapos ang pagbuo ng Commission noong nakaraang taon.
Iba pang mga matataas na opisyal na tinanggal sa puwesto:
- Rodolfo Salalima, Secretary, Information and Communications Technology
- Peter Tiu Lavinia, Chief, National IrrigationAdministration
- Maia Chiara Halmen Valdez, Cabinet Undersecretary
- Benjamin Reyes, Chairman, Dangerous Drugs Board
- Jose Vicente Salazar, Energy Regulatory Commission
- Gertrudo de Leon, Undersecretary for Legal and Liaison Group, Department of Budget and Management
- Dionisio Santiago, Chief, Dangerous Drugs Board Consistent Warning
Bukod sa trapik, droga, edukasyon, trabaho, at iba pa, ang kahirapan ang pangunahing suliranin ng ating bansa. Hindi lamang ang pagiging kulang sa kaalaman, malaking pamilya o pagkakaroon ng sunod-sunod na anak, likas na mahirap o minanang kahirapan, ang mga dahilan kung bakit maraming mahihirap sa ating bansa. Kung nagagamit sana sa tama ang badyet o kaban ng bayan, mas marami sana ang matutulungang kababayan at maiaahon sa hirap. Subali’t dahil karamihan sa mga nabigyan ng kapangyarihan na mamuno, aminin man o itanggi ay mas binigyang prayoridad ang sariling bulsa.
Ang tuloy-tuloy na pag-iimbestiga at pagsibak sa puwesto ng mga kasalukuyang namumuno sa ating bayan ay nagsisimula nang maging babala o warning. Magsilbing halimbawa sana ito sa kanila na ang ‘pag-upo’ sa puwesto ay hindi panghabambuhay at hindi dapat gawing palabigasan mula sa mga maralitang nagbabayad ng buwis. Hindi nararapat na magpatangay sa agos ng nakagisnang sistema ng pulitika kung talagang naghahanap ng pagbabago. Ang kasiraan ng pangalan ay bitbit ng buong pamilya hanggang sa kaapu-apuhan.