PINAS

Titira ka ba sa Kalayaan Islands?

 

Ni: Kristin Mariano

ISINUSULONG ngayon sa Kamara ang panukalang batas na magdedeklara sa Kalayaan Group of Islands bilang “alienable and disposable land” upang malinang ang mga isla para sa agrikultural, residensyal at komersyal na mga layunin.

Inaprubahan ng House committee on natural resources ang House Bill no. 5614. Sa ilalim nito ay papayagan ang mga residente at mamumuhunan na makakuha ng titulo ng pagmamay-ari sa lupa. Ang panukala ay akda nina House Speaker Pantaleon Alvarez (PDP-Laban Davao del Norte) at Majority Leader Rodolfo Fariñas (PDP-Laban Ilocos Norte).

Kanilang ipinaliwanag ang kahalagahan ng kaagarang pagdedeklara sa Kalayaan Group bilang “alienable and disposable”. Ayon sa kanila, ito ay upang mahikayat ang mga Pilipino na tumira sa mga isla at makapagtayo ng mga pasilidad para sa mga residente. May mga panukala ang lokal na gobyerno ng Kalayaan sa paglilinang ng lugar upang maisulong ang turismo sa lugar. Dagdag pa ng dalawang mambabatas na magbubukas ng mga bagong oportunidad pangkabuhayan at maghihikayat sa mga mamumuhunan upang magtayo ng negosyo sa isla.

Minamadali ang pagpasa sa batas upang maging prayoridad sa pagbubukas ng sesyon sa darating na taon. Ang Kalayaan Group ay nasa pinag-aawayang teritoryo ng iba’t-ibang bansa sa West Philippine Sea.

Alienable and disposable

Ayon sa Commonwealth Act No. 141 o Manual of Land Disposition, nahahati sa tatlong kategorya ang mga public domains o lupa na pag-aari ng gobyerno. Ito ay ang mga (a) alienable or disposable; (b) Timber, at (c) Mineral lands. Ang timber and mineral lands ay mga natural resources ng bansa na nasasaklaw ng mga espesyal na batas. Ang alienable or disposable domains ay mga kalupaan na maaaring linangin para sa publiko sa ilalim ng layuning agrikultural, residenyal, at komersyal. Maaari rin itong ibenta o ipaupa sa pribadong sektor.

Ang Kalayaan Group of Islands ay may kabuuang sukat na 79 ektarya na binubuo ng mga isla ng Pag-asa (32.7 ha), Likas (18.6 ha), Parda (12.7 ha), Lawak (7.9 ha), Kota (6.45 ha), Patag (0.57 ha), at Parata (0.44 ha). Kabilang din sa arkipelago ang maliliit na Ayungin Shoal at Rizal Reef.

May maliit na komunidad sa Pag-asa na kinabibilangan ng mga naka-istasyong sundalo sa lugar at kanilang mga pamilya. May airstrip rin dito para sa paghahatid ng supply sa mga residente. Mayroon ring garison ang militar sa Ayungin reef na inilagay ng bansa noong 1999 matapos angkinin ng China ang Spratlys at Panganiban Reef.

Pagyabong ng turismo

Ayon kay House Speaker Alvarez, ang Kalayaan Group ay mayaman sa lamang dagat dahil ang lugar ay hindi pa biktima ng overfishing. Ito ay magbibigay ng oportunidad sa maraming mangingisda upang galugarin ang katubigan ng Palawan. Ang pagdedeklara din sa mga isla bilang “alienable and disposable” ay magbibigay daan sa pagsasaliksik sa sinasabing oil at natural gas reserve na maaaring sagot sa kakulangan sa enerhiya ng bansa. Ang mga ito ay ang sinasabing pinag-iinteresan ng Tsina sa teritoryo ng bansa.

Ang Kalayaan Group of Islands ay mahirap marating dahil ito ay nasa dulo ng Palawan. Hindi tulad ng ibang parte ng probinsya tulad ng El Nido at Coron na napakapopular sa mga Pinoy at dayuhan. Subalit hindi maitatatwa na ito ay napakaganda at tunay na maipagmamalaki ng mga Pilipino. Kung made-develop ang lugar ay mas mapag-iigting ang turismo sa lugar.

Dumalo sa pagdinig ng komite sa kamara si Armed Forces Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Salvador Melchor Mison Jr. Sinabi niya na may nakahandang plano ang militar kung sakaling maipasa ang batas. Inilahad ni Mison ang 11.6 bilyon na military developments na nakalinya para sa Kalayaan Group. Kabilang sa mga plano ay pag-aayos ng mga pasilidad sa isla at mga residensyal sa isla sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga kalsada. Kasama rin dito ang pag-upgrade sa mga Navy vessels na ginagamit sa pagpapatrolya at pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas.

Pagtutol ng China

Ang panukalang batas nina House Speaker Alvarez ay kinuwestiyon din ng ibang sektor. Pinangangambahan ang pagkasira ng kalikasan at yamang dagat sa Kalayaan Group. Ang pagpasok ng mga imbestor sa mga isla at pagtatayo ng kani-kanilang negosyo ay maaaring magbunsod sa pagkasira ng ilan sa mga natitirang coral reefs o bahura sa bansa. Pinangangambahan din ng ilan na para sa kapakanan ng iilan ang pagdedeklara sa Kalayaan Group bilang “alienable and disposable land.” Mga mamumuhunan lamang ang makakabili ng lupa para i-develop.

Ang pagdevelop sa lugar ay magsisimula ng pagdagsa ng turista, ngunit ang Palawan ay isa sa mga target na lokasyon ng mga terorista tulad ng Abu Sayyaf. Nangangamba ang ilan sa seguridad ng mga bibisita sa lugar.

Idagdag pa rito na kahit anong aktibidad sa Kalayaan Group ay haharapin ng pagtutol mula sa China. Iginigiit ng China ang kanilang nine dash line na pag-angkin sa katubigan sa West Philippine Sea kabilang ang 370-kilometer exclusive economic zone ng bansa. Ang pagtatayo ng mga tahanan at pasilidad sa Kalayaan Group ay lalabag sa status quo na napagkasunduan sa pagitan ng China at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong 2002 upang mapanatili ang kapayapaan sa pinag-aawayan katubigan.