Pinas News
MINSAN nang kinilala ang Pilipinas na isa sa pinakamayamang bansa sa buong mundo hindi dahil sa literal na salapi bagkus ay sa natural nitong yamang pangkalikasan. At isa ang biyaya ng sektor ng agrikultura sa yamang ito. Hindi kasi ito likas sa lahat ng bansa, mapalad ang bansa sa lokasyon nito at tropical na temperatura upang mabuhay ang iba’t ibang pangunahing kailangan ng tao sa sangkap ng pagkain at mismong kakainin tulad ng bigas, mais, kamote, patatas, mga berdeng gulay, mga prutas at iba pa. Dagdag pa rito ang ibang larangan sa agrikultura na pag-aalaga ng hayop tulad ng manukan, babuyan, bakahan at iba pa.
Ngunit, bakit maraming magsasaka ang di pa rin yumayaman gaya ng inaasahan? Bakit ang Pilipinas ay tila kakumpitensya na ang bansang minsan na rin tinuruan nitong magsaka—ang Vietnam? Marami ang nagsasabing Pilipinas ay kayang umasenso sa yaman nitong pag-aari ngunit di lang kayang palaguin.
Ayon sa tala ng Philippine Statistic Authority (PSA) lumago ang sektor ng agrikultura sa 4th quarter ng taong 2017 sa bilang na 2.20% kumpara sa taong 2016 na -1.09 ang bilang. Kumita rin ang nasabing sektor sa halagang P500.4 billion mataas ito ng 9.27% at sa kabuuan tumaas ng 3.95% ang sektor ng agrikultura. Ano pa ba ang kayang gawin ng gobyerno upang mapanatili o mapataas pa ito at masisigurong di na ito sasadsad sa mababang antas ng mga datos?
Nakatutuwa na may isang mambabatas na kayang umisip sa solusyong dapat ay noon pa nagawa. Ito ay sa katauhan ni Senadora Cynthia Villar. Ayon sa senadora nakasalalay sa pagsasabatas ang mga mahahalagang panukala upang lumago ang sektor ng agrikultura.
Nangako ang senadora na isa sa kanyang mgaiging prayoridad ngayong taon ay ang reorganization ng NFA na dapat ay noon pa nagawa.
Nakadidismaya na marami nang umupo sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan na may kinalaman sa agrikultura ngunit hanggang ngayon ay di pa rin naaabot ng bansa ang target n ‘rice self sufficiency.’
Bakit tila di na naging balanse ang sektor ng industriya at agrikultura.
Nakalulungkot na ayaw na ng susunod na henerasyon na magsaka dahil sa kapalit na pagod na tinatrabaho ito ay mababa pa rin ang kinikita ng iilan. At mas gugustuhin pa ang ibang hanap-buhay.
Malaking hamon sa gobyerno ito bilang nakaa-alarma na mangyayari kung ayaw na ng iba magsaka ay sino na ang magsasaka? Paano na si Juan Dela Cruz na ang mahilig sa kanin? Sa karne? At iba iba pa na ang salik ng kinakain ay mula sa sektor ng agrikultura?