Ni: Vick Aquino Tanes
ALAM niyo ba na maraming klase ang sibuyas. Kadalasan itong inilalahok sa pagluluto, inilalagay sa sawsawan at ginagamit bilang herbal therapy upang makagamot ng iba’t ibang klaseng sakit. Gamit din ang balat ng sibuyas bilang pampakulay, pantanggal ng amoy, pampaalis ng mga insekto, pampakintab ng metal, at iba pa.
Ang sibuyas ay nagmula sa Asya at Middle East kaya naman popular ang sibuyas sa mga Arabo, Bumbay at iba pa. Ang iba naman ay sinasamba ang sibuyas na para bang ito ang nagbibigay sa kanila ng buhay na walang hanggan. Inilalagay nila ang sibuyas sa mga libingan ng mga hari ng ehipto na namatay na sa paniniwalang ang mga ito ay aakay sa kanila sa kabilang buhay.
Ito ay mayaman sa sulphur, na siyang dahilan kung bakit ang sibuyas ay may matapang na amoy at nakakapagpagaling. May taglay din silang flavonoid partikular ang Quercetin na mahusay na antioxidant. Ito ay mayaman din sa mga bitamina tulad ng B6, C, biotin, K, folic acid, chromium, calcium at fiber.
Ilan sa mga benepisyong nakukuha mula sa sibuyas na kabilang dito ay mabisa itong pampurga, pwedeng maging antibiotic at mayroon antiseptikong taglay. Nakakapalis ng sakit, pamamaga at spasm.
Ang sibuyas ay may iba’t ibang uri tulad ng:
Yellow Onions
Ito ang uri ng sibuyas na matamis ang lasa at golden color ang balat at pale yellow naman ang kulay ng laman. Ito ang madalas na ginagamit sa pagluluto dahil sa tamis ng lasa nito at ito rin ang mahusay na gamitinlalo na kapag gumagawa ng onion soup. Ang ganitong klase ng sibuyas ay lalong tumatamis habang nagtatagal na niluluto.
Red Onions
Ang sibuyuas na pula ang tinatawag nilang maanghang sa kauri nito. Ang kulay nito ay pula sa labas at medyo mapulang maputi sa loob. Hindi ito pwedeng itago nang matagal. Ginagamit ito sa sariwang gulay bilang salad at sa mga sandwiches at minsan ay ginagamit din sa pagluluto.
White Onions
Ang mga ganitong klase naman ng sibuyas ay kulay puti sa labas at puti rin sa loob. Ito ang pinaka-suwabe ang lahat at maaari itong kainin ng hilaw o luto. Gingagamit ito ng madalas ng mga Mehikano sa pagluluto.
Green Onions/ Spring Onions
Ang green onions ay tinatawag nilang sibuyas na mura na pwedeng kaining hilaw. Maaari itong gawing palamuti at pampalasa sa lugaw, mami at iba pa.