PINAS

“Change has come” sa PCOO 

Ni: Quincy Joel V. Cahilig

NAPAKAHALAGANG bagay ng impormasyon sa ating buhay sapagka’t ito ang batayan ng paghubog natin ng opinyon sa bawat pertinenteng isyu sa ating lipunan. Anumang paniniwalang ating nabuo ang siyang magiging  dahilan sa bawat desisyon at hakbang sa takbo ng ating buhay.

Ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay ang pangunahing sangay ng Ehekutibo na may mandatong ihatid sa publiko at maging sa mass media ang lahat ng impormasyon na may kinalaman sa pamahalaan, at upang mahikayat din ang mga mamamayan na makilahok at suportahan sa mga programa ng gobyerno.

Inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte si PCOO Secretary Martin Andanar, isang beteranong broadcast journalist,  na pamunuan ang naturang ahensyang sumasakop sa media organizations na pinatatakbo ng gobyerno tulad ng People’s Television (PTV) Network, Radyo Pilipinas,  Philippine News Agency (PNA), at ang Philippine Information Agency (PIA).

Buhat pa ng kanyang pagkakatalaga sa PCOO noong 2016, determinado si Andanar na magpatupad ng mga pagbabago sa kanyang ahensya upang mas paigtingin pa ang serbisyo nito para sa mas epektibong pagpapalaganap ng tamang impormasyon.

The PCOO, its attached agencies, its various communication platforms, and its more than a thousand public information officers around the country are working very hard to communicate and promote the government’s programs and policies to both Filipinos and people around the world,” wika ni Andanar sa isang panayam.

 

PCOO, humahataw ang performance

Base sa performance ng naturang ahensya, makikita na ang progresibong pagbabago. Bagamat nagkaroon ng mga sablay noong una, nakabawi naman ang PCOO sa pagpapakita ng magagandang bunga ng mga  repormang ipinatupad dito.

Sa isang panayam kasama ang mga mamamahayag, inilahad ni Andanar ang malalaking pagbabago sa mga media outlets ng pamahalaan.  Una ay ang malaking pagbabago sa istasyon ng telebisyon ng gobyerno, ang PTV, na pinalakas ang transmission mula 25,000 naging 55,000 watts at may plano pang itaas sa 120,000 watts ngayong 2018 upang maabot ang mas maraming tao.

“PTV got a good ranking among local TV stations in the Kantar Media 3rd Quarter 2017 Report. Its facilities, programs and shows were boosted in order to raise awareness on the government’s efforts to improve the lives of Filipinos through television broadcasting,” aniya.

 

Ipinahayag din ng naturang opisyal ng Malakanyang na nag-upgrade na din ng mga pasilidad ang Philippine Broadcasting Service upang mas maganda tunog ng mga istasyon nito sa radyo at maging sa online streaming. At base sa resulta ng survey, dumami ang mga tagapakinig at umangat sa ratings ang mga radio stations ng gobyerno at nakikipagsabayan na sa mga nangungunang pribadong istasyon.

“Radyo Pilipinas holds the number 7 spot in rankings as of third quarter of 2017. FM2, another station of PBS, soared through the charts, particularly in the ABC market by affinity, starting from 116 in the third quarter of 2016 all the way to number one in 3rd quarter 2017,” ipinagmalaki ni Andanar.

Pinaigting naman ng PIA ang serbisyo nito sa pamamagitan ng mas madalas pagbabalita  ng mga pangyayari at impormasyon mula sa iba’t-ibang panig ng bansa sa online news website nito at social media. Ipinahayag din ni Andanar na nagpaplano din ang PIA, na may 16 regional at 72 provincial offices, magtayo ng Government Information Centers (GIC) sa mga probinsya na magsisilbing gabay ng publiko, gamit ang makabagong teknolohiyang pangkomunikasyon, sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.

GICs will serve as public information hubs where every citizen can access information on social services, policies, government programs, and employment or business opportunities that could help them realize their potential or assist them in a time of need,” ani Andanar.

Samantala, matatandaang umani ng batikos ang PNA noong nakaraang taon dahil sa mga kapalpakan nito sa ilang inilathalang balita sa kanilang online news website. Aminado si Andanar na naging dagok para sa ahensya ang mga pagkakamaling iyon pero ito din ang naging susi upang makaisip at magpatupad ng mga alituntuning magsisiguro sa tamang kalidad ng impormasyong kanilang inilalathala. Isang hakbanging ipinatupad ni Andanar sa PNA ay ang pag-angat sa kakayahan ng mga patnugot at manunulat ng PNA sa pamamagitan ng training sa China at pagpapaganda sa PNA newsroom, kung saan naglalathala ng nasa 100 na mga artikulo kada araw sa kanilang website.

“We just look forward to fix it so now we have made some strides in improving the capacity of our editors and writers though training,” wika ni Andanar.

 

Senator Grace Poe, chairperson, Senate committee on public information and mass media.

Kontra “Fake News”

Isa sa mga matunog na isyu ngayon ay ang paglaganap ng “fake news” sa bansa.  Ang “fake news” ay uri ng artikulo o video na nagtataglay ng mga mali o pekeng impormasyon na nasa anyo ng isang balita na naglalayong makapandaya. Naglipana ang ganitong uri ng materyal ngayon sa internet, lalo na sa social media websites.

Nababahala ang marami kabilang na ang pamahalaan tungkol sa isyung ito. Kaya kamakailan ay nagpatawag ng pagdinig ang Public Information and Media Committee ng Senado, sa pangunguna ni Senadora Grace Poe, kung saan inimbitahan ang iba’t-ibang mga media experts, mga batikang mamamahayag, at ang PCOO upang pag-usapan ang mga pwedeng gawin upang malabanan ang pagkalat ng maling impormasyon.  Sa naturang pagdinig, halos lahat ay sumang-ayon na kailangang maturuan ang mamamayan kung paano matukoy ang totoo sa di totoong impormasyon.

Isang paraan ng PCOO  upang labanan ang “fake news” ay ang pagsasagawa ng mga forums tulad ng isasagawa nitong National Information Convention sa Pebrero 19-21 sa Davao City, na naglalayong himukin ang mga mamamahayag na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at gamitin ang media upang maiangat ang kalidad ng buhay sa bansa.  Inaasahang nasa 1,500 na mga kalahok mula sa pampubliko at pribadong media outlets at mga journo mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.

Sa isang interbyu patungkol sa nasabing aktibidad, pinayuhan ni PIA Director General Harold Clavite ang publiko na maging maingat sa mga impormasyon na nakikita sa social media.
“Fake news are circulating through Facebook, twitter, instagram, messenger, you tube, and other social media platforms and this has become a real problem in our society right now,” pahayag ni Clavite.

Dagdag pa niya, na kailangan nang masolusyonan ang ganitong uri ng maling gawain. Kaya naman hinimok niya ang madla na makilahok sa kampanya ng Administrasyong Duterte na labanan ang fake news.

“We cannot allow these things to continue, and this issue should be seriously addressed, … ang mga Filipino ay naninindigan, hindi tayo magpapaalipin sa social media, hindi tayo magpapaalipin sa ating mga gadget,” pahayag ng naturang opisyal.