Ni: Jun Samson
HABANG tumatagal ay lalong lumalawak ang usapin tungkol sa dengue vaccine o dengvaxia. Marami ang naglabas ng galit, marami ang sumuporta o naki-ayon sa kasalukuyang administrasyon, may mga nakisimpatya din naman sa dating pamunuan ng Department of Health hanggang nagsanga-sanga na ang mga pangyayari. Bukod sa National Bureau of Investigation at forensic experts ng Public Attorney’s Office ay umabot pa sa kongreso ang imbestigasyon. May mga naghihinala tuloy na baka sinasamantala o inaabuso na daw ang isyu?
Umabot pa nga sa punto na sinampahan ng reklamo sa Commission on Elections sina dating Pangulong Noynoy Aquino III, dating Budget Secretary Florencio Abad, dating Health Secretary Janette Garin at iba pa dahil sa ipinatupad na P3.5-billion dengue vaccination program noong kasagsagan ng 2016 election campaign sa mga public schools sa Region 4-A.
Nilabag daw kasi ang Section 261 at Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code dahil nakasaad sa nasabing probisyon na ipinagbabawal sa gobyerno ang pagpapalabas at paggamit ng pondo ng pamahalaan para sa pangangampanya sa loob ng 45 araw bago sumapit ang halalan o 30 bago ang special election.
Dahil diyan kaya nasabi ng ilan na napupulitika na ang isyu. Matapos niyan ay binalaan pa ng Public Attorney’s Office si dating Health Secretary Esperanza Cabral na sasampahan nila ng kasong obstruction of justice kapag hindi tumigil sa pakikialam sa isyu ng dengvaxia. Pero may basehan nga ba ang patuloy na panawagan ni Cabral na ihinto na ng PAO ang mga pag-otopsiya o forensic laboratory test sa katawan ng mga batang biktima umano ng dengvaxia?
To the rescue naman ang Department of Justice at sinabi nito na huwag itigil ng mga forensic experts ng PAO ang pag-autopsy sa mga labi ng mga batang namatay dahil sa hinalang biktima ng Dengvaxia.
Naniniwala kasi si Cabral na wala nang saysay para ituloy ng PAO ang pag-autopsy sa mga bata dahil batay anya sa clinical review ng mga forensic pathologist ng Philippine General Hospital duon sa 14 na batang namatay ay labintatlo duon ang namatay na wala umanong kaugnayan sa dengvaxia.
Kaugnay nito’y patuloy na iginigiit ni Cabral na dapat tumigil na ang PAO at ipaubaya na lang ang trabahong ito sa mga forensic pathologist ng PGH. Ang resulta ay lumalala ang banggaan ng PAO at mga doktor na tutol sa autopsy.
Para sa aking sariling pananaw o opinyon ay hindi na mahalaga kung ito man ay napupulitika o sadyang marami lang ang gustong magmalasakit. Ang mahalaga ay lumitaw ang katotohanan at mapanagot sa batas ang mga nagpabaya at nagkulang. Marami tuloy ang naglabasang mga katanungan! Epektibo ba ang dengvaxia o hindi? Sapat ba ang panahon ng pag-aral bago ito ibinakuna? Nakatulong ba o mas nakasama ba ito sa mga naturukan? Pinagkakitaan kaya ito?
Sana lang sa dulo o sa huli ay mabigyan ng hustisya ang mga namatay at mga naulila kung may pagkukulang nga ang ilang opisyales. Kalimutan na sana ang mga personal na interes at isaalang-alang na lang ang kapakanan ng mga namatayan kung totoo nga na dengvaxia ang naging dahilan ng pagkamatay ng mga bata. Dahil isa tayong democratic country kaya hayaan muna natin na gumulong ang due process. Ang masakit lang, halos araw-araw ay may nababalita na may batang namatay at itinuturong dahilan ang dengvaxia. Naniniwala ako na kahit lahat tayo ay hindi doktor pero matatalino ang sambayanang Pilipino at patuloy na nag-oobserba at nagmamasid sa mga pangyayari.