Ni: Jonnalyn Cortez
LUMIKHA ng malaking ingay ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa plano nitong humanap ng mga kapitalista upang linangin ang mga protektadong lupain ng mga Lumad sa Mindanao.
Sinabi ng pangulo sa harap ng ilang daang lider ng mga Lumad, na dumalo sa isang pagpupulong sa Eastern Mindanao, na nais nitong makakuha ng mga mamumuhunan na magtatayo ng mga negosyo sa naturang lugar.
Pinayuhan din umano ng pangulo ang mga katutubo na lisanin ang kanilang komunidad habang patuloy ang operasyon ng mga militar sa pagsagupa sa mga komunistang rebelde.
Bunsod nito, pinuna ng marami ang pahayag ni Duterte, ngunit binigyang-diin naman ng tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque na hindi ibig sabihin nito ay paaalisin na ang mga nasabing katutubo sa kanilang tinubuang lupa.
Pagprotekta sa mga lumad laban sa mga NPA
Ayon sa Malakanyang, nais diumano ni Duterte na pausbungin ang lupain ng mga Lumad sa tulong ng mga kapitalista upang protektahan ang mga ito laban sa pagsasamantala at masamang impluwensiya ng mga komunistang rebelde.
Dinepensahan ni Roque ang plano ng pangulo sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga datos na nagsasabing ang New People’s Army o NPA ay ginagamit ang mga Lumad upang maging mga rebelde.
Sinabi ng pangulo na napipilitan diumano ang mga katutubo na tulungan ang mga NPA. Kaya naman, hinihimok nito ang mga komunidad ng Lumad na lumayo sa mga komunista.
Nakikita din ng pangulo na ang pinakamalaking problema ng mga Lumad ay ang kahirapan, kaya nais niyang tulungan ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapapasok ng mga kapitalista sa lugar.
“That is why (the President) said we could allow investors to enter (ancestral domain lands) so that there would be jobs, and hunger would be reduced in Lumad communities,” ani Roque sa isang press briefing sa Ilocos Norte.
“If the number of jobs increases in Lumad communities, the NPA’s influence over them would wane. This means the NPA would no longer forcibly take them and turn them into fighters,” dagdag pa nito.
Ang pagkondena ng mga katutubo sa plano ni Duterte
Kinondena naman ng mga katutubong grupo sa Mindanao ang planong paglilipat ng relokasyon ni Duterte sa mga komunidad ng Lumad. Kasama na din ang pagbibigay ng pahintulot nito sa mga kapitalista na gamitin ang kanilang mga lupain.
Tinawag ng grupong Kahugpongan sa mga Lumad sa Mindanao o Kalumaran ang hakbang na ito ng pangulo ay isang garapalang pagbebenta sa mga natitirang lupain ng mga katutubo. Kasama na din dito ang mga likas na yaman na labis nilang pinagkaiingatan laban sa mga multinasyunal na kumpanya ng mga banyaga.
Anila, sa halip na payuhan ni Duterte na protektahan ng mga katutubo ang kanilang mga lupain mula sa mga kamay ng malalaking taong nagmamay-ari ng mga lupa at mga banyagang kapitalista, naging tagapagsalita pa diumano ng mga ito ang pangulo.
Magbibigay- daan din umano ito upang lalo pang abusuhin ng mga banyagang mamumuhunan ang kanilang kapaligiran at likas na yaman.
Bukod pa rito, sinabi din ng grupong Sandugo Movement of Moro at Indigenous Peoples for Self-determination na ang mga kapitalista, malalaking korporasyon, militar at si Duterte ang nagiging sanhi ng mga problema at hindi ang mga Lumad.
“While supposed to be protected by the Philippine Constitution, ancestral lands have long been a source of Malacañang government’s salivation to sell it to big foreign investors, such as mining and plantations. Only this president had the utmost arrogance to pronounce the sale of our ancestral lands and territories,” ani co-chairperson ng Sandugo na si Datu Jerome Succor Aba.
Dagdag naman ng Kalumbay Regional Lumad Organization chairperson na si Datu Jomorito Goaynon na ang plano ni Duterte ay direktang paglabag sa karapatan ng mga Lumad.
“He (Duterte) is only showing that he is anti-lumad,” anito sa isang panayam. Dagdag pa nito, sa oras na kinuha ng mga mamumuhunan ang kanilang mga lupain, para na din nitong kinuha ang kanilang mga buhay.
Duterte kokunsultahin muna ang mga Lumad
Bunsod nito, inihayag ni Roque ang sinabi ni Duterte na kokonsultahin muna nito ang mga Lumad o ang mga katutubo sa Mindanao ukol sa kanyang plano. May kalayaan umano ang mga ito na tanggihan ang plano ng pangulo.
“Of course the IPs will be consulted, that’s the provision of the law. They will have to decide if they will allow foreign investors in to begin with,” ani Roque sa isang pagpupulong
Tinutukoy nito ang batas na Indigenous Peoples Rights Act of 1997 na kinikilala ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang mga lupain. Sinasabi nito na anumang paggamit ng mga tagalabas sa kanilang mga lupa ay kinakailangang may pahintulot ng mga ito.
Nauunawaan naman ito ng pangulo, kaya naman walang pilitang magaganap.
“When the President has a suggestion, it means it will take place within the context of the law,” paliwanag ni Roque.
Pinaliwanag din ni Roque na pinaplano umano ni Duterte na himukin ang mga mamumuhunan na bisitahin ang mga naturang lupain upang hikayatin ang pagsasagawa ng mga aktibidad na pang-ekonomiya sa mga teritoryo ng mga Lumad.
Hindi naman pwersahang tatanggalin at papaalisin ng pangulo ang mga katutubo sa kanilang sariling lupain.
“Kung ayaw nila hindi sila mapipilit dahil sa batas naman kontrolado nila ‘yung mga teritoryo nila na classified as ancestral domains,” dagdag pa ni Roque.