Ni: Quincy Joel V. Cahilig
NAPANATILI ng Pilipinas ang mabilis na paglago ng ekonomiya at unti-unti nang natitikman ng mamamayan ang matamis na bunga ng progresong ito.
Ipinahayag ni National Statistician Lisa Grace Bersales na nakapagtala ng 6.7 porsyentong gross domestic product (GDP) ang Pilipinas sa taong 2017, na bahagyang mababa sa 6.9 porsyentong GDP na naitala noong 2016. Gayon pa man, napanatili pa rin ng bansa ang estado nito bilang isa sa mga “fastest-growing economies” sa Asia, kasunod ng China (6.9% GDP) at Vietnam (6.8% GDP).
Ito ang ika-6 na taon ay nakapagtala ng GDP ang bansa na higit sa anim na pursyento. Ang magandang takbo ng ekonomiya ng nakaraang taon ay bunsod umano ng paglakas ng sektor ng agrikultura, masiglang import at export industries, at mataas na government consumption.
Ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) Director General at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, isang magandang indikasyon ng matatag na ekonomiya ang pinakabagong numero ng GDP sapagkat napanatili ng bansa ang pagunlad sa kabila ng pagtamlay ng private construction spending at ng industriya ng business process outsourcing.
“You can see that our decline is really very moderate. To me, this is a good performance, given the fact that it is already normal for post-election years to witness a decline in economic growth,” pahayag ni Pernia sa isang press conference sa Pasig City
Samantala, mataas naman ang kumpyansa ng multinational bank na DBS na magagawang masustena ng Pilipinas ang magandang daloy ng ekonomiya nito hanggang sa taong 2019. Ayon kay DBS economist Gundy Cahydi, bagamat nagkaroon ng mahagyang pagbaba ng GDP sa 2017, masasabi pa rin na maganda ang daloy ng ekonomiya ng bansa dahil na rin sa masiglang private consumption, na isa sa mga nagpapalakas ng ekonomiya ng bansa, gayon din ang pagbuhos ng mga investments mula sa pribado at pampublikong mga sektor.
“Domestic demand remained firm in Q4 and we expect this to continue driving overall GDP growth in 2018/19. We forecast a steady GDP growth at 6.7 percent in 2018 and 2018,” wika ng nasabing eksperto.
Bama’t maraming umaaray sa ngayon ang marami sa epekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin ng reporma sa pagbubuwis na ipinatupad ng Administrasyong Duterte, na mas kilala bilang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, pangmatagalang solusyon naman ang hatid nito sa buong bansa.
“This year’s tax reforms will have a positive long-term impact on disposable income despite a short-term rise in inflation. We expect private consumption growth to hold up at around six percent in 2018/19,” pahayag ng DBS.
BILANG NG MGA TAMBAY, BUMABA
Isang indikasyon ng pagunlad ng bansa ay ang pagdami ng trabaho—at ito ang isa sa mga positibong pagbabagong unti-unti nang nararanasan ngayon ng marami sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bumaba ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa ayon sa pinakabagong survey Social Weather Stations (SWS). Naitala sa kanilang 2017 fourth quarter survey ang 15.2 porsyento o katumbas ng 7.2 milyong mga Pinoy ang walang trabaho. Ito ay mababa ng 3.2 porsyento kumpara sa 18.9 porsyento (o 8.7 milyon adults) na naitala noong 3rd quarter ng 2017.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang resulta ng survey ay patunay lamang na nasa tamang landas ang gobyerno sa paghahatid sa madla ng magandang bunga ng paglakas ng ekonomiya.
“We are elated with latest Social Weather Stations (SWS) survey result showing fewer jobless Filipinos, where adult joblessness dropped to 15.7 percent in December,…The Duterte administration is indeed on the right track in making sustainable and inclusive growth as part of our development plan,” pahayag ni Roque.
Ang inclusive growth ay konsepto kung saan makikinabang ang lahat ng sektor ng lipunan sa paglago ng ekonomiya, hindi lamang ang mga mayayaman.
Inaasahan na maraming trabaho pa ang malilikha sa pamamagitan ng mga programang pang-imprastratura ng gobyerno, ang Build, Build, Build, na may kabuuang halagang aabot sa 8 trilyong piso. Target na tapusin ang mga itatayong imprastraktura sa huling taon ng panunungkulan ni Pangulong Duterte.
“We expect to generate more jobs with the implementation of the Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, which would increase infrastructure investments,… Our Build-Build-Build Infrastructure Program is projected to create more than a million jobs a year,” wika ng opisyal.
PERO MARAMI PA RIN ANG GUTOM
Sa kabila ng positibong balita sa lagay ng ekonomiya ng Pilipinas, may ilan pa rin nating mga kababayan ang hindi pa nakikinabang sa benepisyo dulot nito. Base sa fourth quarter survey ng SWS, tumaas ang bilang ng mga Pilipino ang nagpahayag na sila ay nakaranas ng involuntary hunger o kakulangan sa pagkain sa nakalipas na tatlong buwan.
Batay sa naturang survey na isinagawa noong Disyembre 2017, 15.9 porsyento o nasa 3.6 milyong pamilya ang nagsabi na nakaranas sila ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan. Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang 11.8 percent, katumbas ng 2.7 milyong pamilya, na naitala sa survey noong Setyembre 2017.
Ang resulta ng nasabing survey ang may pinakamataas na hunger reading, pagkatapos ng 17.2 na porsyentong naitala sa December 2014 SWS survey sa panahon ng Pangulong Benigno S. Aquino III.
Samantala, lumabas din sa pinakabagong SWS poll na 2.8 milyong pamilya ang nagsabinag nakaranas sila ng moderate hunger o katamtamang gutom, habang 841,000 ang nakaranas umano ng severe hunger o labis na gutom.
Ang fourth quarter poll ng SWS ay isinagawa mula ika- 8 hanggang ika-16 ng Disyembre 2017 sa pamamagitan ng harapang pakikipagpanayam sa 1,200 na Filipino adults sa buong bansa.