Ni: Wally Peralta
BIRTHDAY month ng bagong Kapuso actor na si Jason Abalos ang buwan ng Enero. At tulad ng kanyang nakagawian ay walang selebrasyon ang kanyang kaarawan kung di pasasalamat lagi ang binibigay ni Jason sa lahat ng taong na nagpakita ng pagmamahal, sa pamilya, sa mga kaibigan at sa kanyang mga solid followers, pati na rin sa mga taong kanyang nakilala at higit sa lahat sa Panginoon. At tulad na rin ng kanyang New Year’s Resolution humingi rin ng kapatawaran sa mga taong nasaktan niya. Siyempre kasama na rin sa listahan ng kanyang mga pinasalamatan ay ang kanyang girlfriend for 5 years na rin naman na si Vickie Rushton.
Pagdating naman sa kanyang career, happy na happy din si Jason sa takbo nito sa ngayon, isang bagong kabanata sa showbiz life niya, ang pagiging isang Kapuso after almost 12 years of being Kapamilya.
Kasama si Jason Abalos sa bagong handog ng Kapuso Network na teleserye sa Primetime viewing, ang “The One That Got Away” (TOTGA) kasama sina Dennis Trillo, Lovi Poe, Max Collins at Rhian Ramos. May temang kaseksihan at komedya ang kanilang teleserye.
“Oo nga, sexy comedy yung teleseryeng ginagawa ko, ha ha ha,” ang masayang bungad ni Jason.
“Abangan nyo po yun, may mga eksena akong kikilitiin ang mga viewers, pinaghahanda na nga kami ng director namin. At kung kailangan talaga na magpasexy ako, sige lang laban ako diyan, kung yun ang ibibigay sa akin ng direktor ko.”
“Sa ngayon kasi under experimental pa rin yung mga karakter namin, kung saan talaga ito tatakbo habang tumatatakbo ang show,” saad pa ni Jason.
Leveling down
Nakasanayan na ng kanyang mga followers, lalo na yung mga sumusuporta kay Jason simula pa ng karir nito sa Kapamilya Network na bida ang role na ginagampanan ng aktor. Pero sa unang project niya sa GMA-7, ay masasabing suporta lang ang karakter ni Jason sa mga lead actors nito? Hindi kaya may damdam si Jason sa bagay na ito?
“Wala namang problema sa akin kung bigyan nila ako ng lead or supporting role muna.”
“Siyempre, bago tayong pasok sa GMA-7 at kung ano ang ibigay nila sa akin, thank you very much po. Kung meron pa silang ibibigay bago pa man matapos yung show, maraming salamat pa rin po.”
“Pero sa ngayon ang utak at pokus ko ay sa TOTGA na muna. Naniniwala kasi ako na pag binigyan ka ng trabaho dapat nakapokus na muna ako roon.
Hindi na po muna ako bibitaw hanggang hindi pa tapos.”
Missing Kapamilya
Hindi biro ang 12 years na pagiging Kapamilya niya. Marami siyang natutunan sa dating istasyong kinabibilangan niya. At ngayon bilang isang Kapuso at naka-contract ng 3 years, nag-sink in na ba sa puso’t isip niya ang pagiging Kapuso at things of the past na lang ang pagiging Kapamilya niya before?
“Sa ngayon, ‘unti unti palang nagsisink in sa akin na may bago na akong mother station,” say ni Jason.
Ano naman ang nami-miss niya bilang isang Kapamilya?
“Sa ngayon kasi may lungkot pa rin ako, na medyo naiwanan ko roon ang aking mga kapamilya for 12 years, but then andito ngayon, ang excitement na isa na akong kapuso.”
“Nami-miss ko yung mga tao, yung mga nakatrabaho ko before, yung handler ko sa Kapamilya station!”
And there’s no turning back
“Ako naman po ay gusto kong tumagal bilang isang Kapuso, kung bibigyan ako ng matagal na panahon maging kapuso ng GMA7, why not!”
Bata pa si Vickie
Bago pa man pumirma ng kontrata si Jason sa GMA-7 ay naging maingay ang isyung magpapakasal na sila ni Vickie? Sa katunayan pa nga ay nagtayo sila ng mga negosyo bilang paghahanda sa kanilang pagpapakasal.
“Walang problema naman sa amin ni Vickie sa usapang pagpapakasal. We’re okay at may mga business kaming tinayo.
“Nagtayo siya ng party needs and flower shop sa Bacolod City. Meron naman kaming salon sa Nueva Ecija.”
“Magaling si Vickie sa negosyo at sa kanya ako naengganyo na mag-business habang kumikita tayo.”
“Pagdating sa kasalan, pinag-uusapan na po namin yan.”
“Kaya lang medyo bata pa si Vickie, gusto na niya munang maging masaya sa kanyang buhay bilang isang dalaga.”
“Hindi naman porke’t nasa isang relasyon kayo, ay lagi niyong pag-uusapan ang tungkol sa inyong dalawa. May kanya-kanyang buhay pa rin naman kami, may mga pangarap naman kami, hayaan naman niyang gawin iyon hanggang sa maging proud siya sarili niya,” ani Jason.
Total support for beauty
At isa sa pangarap ni Vickie ay maging isang beauty titlist, kung kaya sumali this year 2018 ang dalaga sa national beauty pageant na Binibining Pilipinas. Ano naman kaya ang saloobin ni Jason sa pagpasok ng kanyang GF sa beauty contest?
“Gusto niyang gawin iyon, hindi ko naman siya kokontrolin. Kung saan siya masaya. Suportado ko siya.”
“Kahit ano pa ang pasukin ni Vickie, 100 percent ang suporta ko sa kanya. Tulad ng pagsuporta niya sa akin,” ang pagwawakas pang tugon ni Jason.